top of page

Pagbasura sa mga hamon sa voting rule, naglatag ng ‘firewall’ sa impeachment court — Atty. Tongol

Sari Story

October 1, 2026 at 8:08:26 AM

Larawan ng TV monitor

Larawan mula sa Facebook page ng Senado.

Joseph Vidal / Senate Social Media Unit

Iginiit ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Regie Tongol na ang pagbasura ng Korte Suprema sa mga hamon laban sa voting rule ng impeachment court ay naglatag ng tiyak na firewall para mapanatili ang kalayaan ng Senado sa pagdinig ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.


“Sa pagbasura sa mga hamong ito, naglatag ang Kataas-taasang Hukuman ng isang tiyak na firewall para sa kalayaan ng Senado bilang Impeachment Court, at kinumpirma na hindi maaaring maantala o maapektuhan ang mga paglilitis nito ng premature na panghihimasok ng hudikatura o mga kaugnay na kaso (By junking these challenges, the Highest Court has drawn a definitive firewall around the independence of the Senate as an Impeachment Court, confirming that its proceedings cannot be held hostage by premature judicial meddling or collateral litigation),” sabi ni Atty. Tongol.


Inilabas ni Tongol ang pahayag matapos ibasura ng Supreme Court en banc ang magkakahiwalay na petisyon nina Victor Rodriguez, Berteni Cataluña Causing, at Atty. Ernesto Francisco Jr., na kumukuwestiyon sa ruling ng impeachment court noong Setyembre 23 tungkol sa constitutional two-thirds voting threshold.


Ayon kay Tongol, ibinasura ang mga petisyon dahil sa procedural grounds, partikular sa kawalan ng legal na standing ng mga petitioner at pagiging premature ng mga kaso.


Gayunman, ang pagbasura sa mga petisyon sa mga dahilang ito ay hindi nangangahulugang nagpasya ang Korte Suprema sa mismong usapin kung constitutional o tama ang interpretasyon ng Senate impeachment court sa two-thirds voting requirement.


Sa kabila nito, sinabi ni Tongol na itinuturing ng impeachment court na nananatiling epektibo ang ruling nito noong Setyembre 23 at maaari nang magpatuloy ang impeachment trial nang walang pagkaantala dahil sa mga ibinasurang kaso.


“Nananatiling walang pagbabago sa ruling ng Impeachment Court noong Setyembre 23 at patuloy nitong gagampanan ang constitutional mandate nito na tanging dinggin at magpasya sa impeachment case na nasa harap nito, nang walang pagkaantala o panlabas na distraksiyon (The Impeachment Court’s September 23 ruling stands undisturbed and shall continue to perform its constitutional mandate to solely try and decide the impeachment case before it without unnecessary stalling or external distractions),” giit niya.


Sa ilalim ng ruling noong Setyembre 23, ibabase ang constitutional two-thirds requirement sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa oras na ilabas ang desisyon, sa halip na awtomatikong itakda sa 16 ang bilang na kailangan para sa conviction batay sa 24 na miyembro ng Senado.


Pinagtibay ng impeachment court ang interpretasyong ito sa botong 13-1, habang anim na senator-judge ang hindi lumahok sa botohan. Itinakda rin sa ruling ang mga sitwasyon kung kailan maaaring hindi isama ang ilang senador sa pagbibilang ng voting base, kabilang ang mga may legal na restraining order, nakakulong o suspendido, may pisikal o medical incapacity, o nasa labas ng kapangyarihang magpatupad ng Senado.


Nauna nang iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na hindi binago ng ruling ang constitutional requirement na two-thirds vote. Sa halip, nilinaw umano nito kung sinu-sinong senador ang dapat isama sa voting base kapag may ilang hindi makalahok.


Bago maresolba ang mga petisyon, sinabi ni Gatchalian na magpapatuloy ang impeachment trial alinsunod sa ruling noong Setyembre 23, maliban na lamang kung maglalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order.


Ayon kay Tongol, inalis ng pagbasura sa mga petisyon ang mga naturang hamon bilang mga hadlang sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings.


bottom of page