Mga senador, umalma sa pahayag ni Atty. Paolo Panelo kaugnay ng pagbawi sa tatlong impeachment charge
Sari Story Network
October 16, 2026 at 5:45:36 AM
Umalma nitong Huwebes ang ilang senador sa pahayag ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na kumuwestiyon sa pananahimik ng mayorya ng Senado matapos magpasya ang prosekusyon na bawiin ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment laban sa bise presidente.
Pinuna ni Panelo ang umano'y “kawalan ng pagkadismaya” ng mga senador na nagsisilbing hukom sa impeachment trial, at iginiit na nawalan ng saysay ang ilang araw na pagtalakay ng prosekusyon at ang mga gastusing inilaan dito dahil hindi na ito makaaapekto sa pinal na desisyon ng impeachment court.
Gayunman, sinabi ni Senador Erwin Tulfo na walang dahilan para tutulan ng mga senador ang hakbang ng prosekusyon dahil walang nilabag na anumang probisyon ng Konstitusyon.
“Bakit ka naman papalag, sir? May viniolate ba ‘yung prosecution sa Constitution? I don’t think so… Siguro papalag kami kung may violation. Wala namang violation (Why would we object, sir? Did the prosecution violate the Constitution? I don't think so... Maybe we would object if there were a violation, but there is none),” diin ni Tulfo.
Inamin ni Tulfo na nagulat siya sa naging pasya, ngunit sinabi niyang taktika lamang ito ng prosekusyon at maaari ring gumamit ng sariling estratehiya ang team ng depensa sa paglalahad ng kanilang panig.
“Strategy ng prosecution ’yun, ’di ba? Gawa rin sila ng strategy when it’s their turn… Kaniya-kaniyang diskarte ’yon… Medyo nagulat din ako… Pero kung ’yun ang diskarte ng prosecution, then ano pa bang pipilitin ho natin? Kami ay mga senator-judges lang (That’s the prosecution’s strategy, right? The defense can also formulate their strategy when it’s their turn... To each their own approach... I was a bit surprised too... But if that’s their strategy, what else can we force? We are just senator-judges),” dagdag niya.
Ipinagtanggol din ni Senate President Sherwin Gatchalian ang paghawak ng Senado sa mga paglilitis at iginiit na mahalagang tungkulin ng mga lingkod-bayan ang pakikilahok sa impeachment trial.
Tinanggihan ni Gatchalian ang pahayag ni Panelo na nasayang ang oras sa pagdinig sa mga artikulong binawi ng prosekusyon, at iginiit na ginagampanan lamang ng Senado ang mandato nitong panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan.
“Trabaho namin ito, eh. Ang trabaho namin is to make public servants accountable. So hindi naman sayang oras namin kung ginagawa namin ang trabaho (This is our job. Our job is to make public servants accountable. So our time isn't wasted if we are doing our work),” pahayag ni Gatchalian sa mga mamamahayag.

