top of page

Majority bloc sa Senado, ikinalugod ang desisyon ng SC sa sesyon noong Hunyo 3

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

October 2, 2026 at 2:43:20 PM

Larawan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson

Larawang kuha mula sa Facebook page ng Senate of the Philippines.

Joseph B. Vidal / Senate Social Media Unit

Ikinalugod ng mga senador ng mayorya ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng sesyon noong Hunyo 3 na nagresulta sa pagtanggal kay noo’y Senate President Alan Peter Cayetano.


Sa en banc resolution noong Agosto 26, sinabi ng Korte Suprema na hindi napatunayan ng mga naghain ng petisyon na sina Valeriano Loon at Zigfred Diaz na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang mga respondent sa pagpatawag at pagsasagawa ng sesyon. Ayon pa sa Korte, lumilitaw na ang mga naging hakbang sa sesyon ay “naaayon sa mga katotohanan, umiiral na batas at jurisprudence (in accord with the facts and applicable law and jurisprudence).”


Sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, isa sa mga respondent ng nasabing petisyon, na mula pa sa simula ay kumpiyansa ang mga senador na lumahok sa sesyon na naaayon sa batas ang kanilang mga ginawa.


“Panatag na kami noon—at ngayon ay pinagtibay na ito ng Korte Suprema—na nasa matibay kaming legal na batayan nang ayusin namin ang pamunuan ng Senado sa pamamagitan ng pagtanggal kay Sen. Alan Peter Cayetano at paghalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Presiding Officer, dahil malinaw na 12 ang mayorya sa aming grupo (We were certain then—and it is now validated by the Supreme Court—that we stood on solid legal ground when we reorganized the Senate by removing Sen. Alan Peter Cayetano and electing Sen. Sherwin Gatchalian as Senate President Pro Tempore and Acting Presiding Officer, having a clear majority of 12 in our bloc),” ani Lacson sa isang pahayag.


Malugod ding tinanggap ni Senador Francis Pangilinan ang desisyon at hinimok ang kanyang mga kasamahan na isantabi ang pagkakaiba sa pulitika at ituon ang pansin sa kanilang trabaho bilang mga mambabatas.


“Kinikilala namin nang may paggalang at pagpapakumbaba ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng sesyon ng Senado noong Hunyo 3 (We acknowledge the Supreme Court’s ruling on the June 3 Senate session with respect and humility),” ani Pangilinan. “Sa salita ng aking mga anak na Gen Z, ‘Move on na.’ Tuloy-tuloy na tayong magtrabaho (In the words of my Gen Z kids, ‘Move on.’ Let us continue working).”


Sumang-ayon din si Senador Sherwin Gatchalian sa kanyang mga kasamahan at sinabing nagpulong ang Senado “alinsunod sa Konstitusyon at sa itinatag na jurisprudence” upang matiyak na magpapatuloy ang gawain ng kapulungan.


Sa kontrobersyal na sesyon noong Hunyo 3, nakilahok si Sen. Francis Escudero, na isang miyembro ng majority bloc, kasama ang 11 senador mula sa dating minorya upang makabuo ng quorum.


Itinakda ng grupo na 22 ang kabuuang miyembro ng Senado para sa quorum, batay sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco. Hindi isinama sa bilang sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Jose “Jinggoy” Estrada dahil umano wala sila sa ilalim ng “coercive power” o kapangyarihang magpatupad ng Senado.


bottom of page