top of page

Lahat ng senador, dapat kasama sa pagbilang ng 2/3 boto sa VP trial — retired SC Justice Azcuna

Sari Story

September 17, 2026 at 3:03:27 AM

Larawan ni dating Associate Justice Adolfo Azcuna

Larawan ni retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna mula sa Facebook page ng Senado

Wendell Alinea / Senate Social Media Unit

Nanindigan nitong Miyerkules si retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na dapat manatili ang lahat ng 24 na senador bilang batayan sa pagkukuwenta ng kinakailangang boto sa impeachment trial, taliwas sa mas kontekstuwal na interpretasyong inilahad ng iba pang dating mahistrado na nagbibigay ng payo sa Senate impeachment court.


Ayon kay Azcuna, ang pariralang “all the Members of the Senate” ay tumutukoy sa kabuuang miyembro ng Senado at hindi sa bilang ng mga senador na dumadalo o may kakayahang lumahok kapag inilalabas na ang desisyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


“Hangga’t miyembro sila ng Senado, kabilang sila sa denominator sa pagkukuwenta ng two-thirds threshold, dahil ang ibig sabihin ng ‘all’ ay lahat (As long as they are members of the Senate, they constitute the denominator in computing the threshold of two-thirds, because all means all),” sabi ni Azcuna.


Para kay Azcuna, kung pahihintulutang lumiit ang denominator batay sa pagdalo, pagkakadetine, suspensyon o iba pang sitwasyon, maaari ring magbago ang bilang ng boto na kailangan para sa conviction habang nagpapatuloy ang paglilitis.


“Ang threshold ay dapat nakapirmi, hindi pabago-bago. Dapat matukoy na ito mula pa sa simula (A threshold must be fixed, not variable. It must be determinable from the start),” pagdidiin niya.


Nagbabala siya na ang pagbabawas sa voting base ay maaaring magpahina sa supermajority safeguard na inilagay sa proseso ng impeachment, at posibleng mailapit ang kinakailangang boto para sa conviction sa ordinaryong majority.


Ayon kay Azcuna, nilayon ang two-thirds requirement para matiyak na ang mga nagsusulong ng conviction ay makakuha ng suporta na higit sa isang pansamantalang political majority, lalo na't maaaring matanggal sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment ang isang halal na opisyal bago matapos ang kanyang itinakdang termino.


Iba ang interpretasyon ni Azcuna kay retired Chief Justice Reynato Puno, na pabor sa pagbibigay-kahulugan sa constitutional provision batay sa mas malawak na konteksto at pagsasaalang-alang sa mga sitwasyong legal na pumipigil sa isang senador na gampanan ang tungkulin bilang senator-judge.


Binigyang-diin ni Puno na fraction na two-thirds ang itinakda ng Konstitusyon sa halip na tahasang tukuyin ang kinakailangang bilang na 16.


“Hindi dapat bigyang-kahulugan ang mga probisyon ng Konstitusyon nang makitid o sobrang literal, dahil ang mga itinakda rito ay hindi mga mathematical formula (The provisions of the Constitution should not be interpreted narrowly or pedantically, for the prescriptions therein are not mathematical formulas),” sabi ni Puno.


Samantala, nakatuon si retired Chief Justice Artemio Panganiban sa tanong kung sapat ang naging partisipasyon ng isang senator-judge sa mga paglilitis upang makapagbigay siya ng independenteng pagsusuri sa mga ebidensiya bago bumoto.


Nilinaw ni Azcuna na magkaiba ang naturang usapin at ang tanong kung sino ang dapat isama sa denominator.


Sinabi niyang ang pagliban sa ilang pagdinig ay hindi awtomatikong dapat maging dahilan upang pagbawalan ang isang senator-judge na bumoto dahil ang impeachment court ay isang tribunal of record, kung saan maaaring suriin ng mga miyembro ang mga transcript, documentary evidence at iba pang rekord bago magpasya sa kaso.


Ayon kay Azcuna, ang tanong kung sapat na napag-aralan ng isang absent senator ang mga naging paglilitis upang makaboto ay maaaring tugunan ng Senado sa pamamagitan ng sarili nitong mga panuntunan, nang hindi binabago kung sino ang itinuturing na miyembro para sa layunin ng constitutional two-thirds requirement.


bottom of page