top of page

IMPEACHMENT WATCH: Testimonya ng AMLC — Much ado over nothing?

Atty. Nena Radoc; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network

October 7, 2026 at 10:54:54 AM

Larawan ni Executive Director Ronel Buenaventura

Ayon kay Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura, nakatanggap ang kumpanya ng tinatayang P319 milyong remittance mula China at Hong Kong, na na-flag bilang kahina-hinalang mga transaksiyon. Mahalaga ang impormasyong ito kung matutukoy ng prosekusyon kung saan talaga nagmula ang mga perang ito, para saan ang mga ito, at kung sino ang mga tunay na nakinabang. Maaari itong malaman sa pamamagitan ng pagsusuri sa bank records, audited financial statements at income tax returns ng kumpanya na maaaring ilabas ng mga covered institution.

Wendell Alinea / Senate Social Media Unit

Pinakaaabangan ang ika-33 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil nakatakdang iharap ng prosekusyon ang mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), gayundin ang testimonya ng Executive Director nitong si Ronel Buenaventura.


Kasunod ito ng pagbubunyag ni dating Senador Antonio Trillanes tungkol sa umano’y malalaking halaga ng perang pumasok sa mga account na konektado kay Vice President Duterte mula sa isang sinasabing drug lord at mga kumpanyang nakabase sa China.


Inaasahang susuporta ang testimonya ng AMLC sa Article II ng impeachment complaint, na nagsasabing nagkaroon ang Bise Presidente ng yamang malinaw na hindi tugma sa kanyang legal na kita at hindi niya ganap at tapat na idineklara ang kanyang mga ari-arian, pananagutan, at net worth sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).


Laban sa confidentiality


Bago pa man makapagtestigo si Buenaventura, nauwi na sa matinding legal na debate ang paglilitis tungkol sa pagiging kumpidensiyal ng mga rekord ng AMLC.


Iginiit ng depensa na ipinagbabawal ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) ang pagbubunyag ng impormasyon ng AMLC at hindi dapat payagang tumestigo ang opisyal tungkol sa mga ulat na ito. Ayon sa depensa, walang tahasang probisyon sa batas na nagbibigay ng eksepsiyon para sa pagbubunyag ng AMLC information sa isang impeachment proceeding.


Gayunman, nagpasya si Presiding Officer Chiz Escudero na hindi nangangahulugan ang confidentiality provisions ng AMLA na hindi na maaaring ipatawag o hingin sa pamamagitan ng legal na proseso ang mga rekord ng AMLC.


Nagpahayag naman ng pangamba ang ilang senador-judge dahil hindi tahasang binabanggit sa AMLA ang impeachment bilang eksepsiyon sa confidentiality rule nito.


Samantala, sinabi ni Senador Kiko Pangilinan, isa sa mga pangunahing nagsulong ng AMLA nang maisabatas ito, na ang pangunahing layunin ng confidentiality provision ay protektahan ang impormasyon laban sa hindi awtorisadong pagbubunyag ng mga covered institution at mga opisyal ng AMLC — at hindi upang tuluyang ilayo ang naturang impormasyon sa isang constitutional impeachment proceeding.


Lalong humaba at uminit ang paglilitis habang paulit-ulit na binigyang-diin ng depensa ang mga parusa sa hindi awtorisadong pagbubunyag ng impormasyon ng AMLC.


Sa isang punto, hiniling ng abogado ng depensa kay Buenaventura na basahin ang mga probisyon ng batas tungkol sa unauthorized disclosure at ang kaukulang mga parusa nito.


Nagbunsod ito ng matinding reaksiyon mula sa ilang senador-judge dahil pampubliko ang paglilitis at malawakan itong iniuulat ng media. Nagbabala rin si Senador Risa Hontiveros laban sa mga pahayag na maaaring makapang-intimidate sa mga mamamahayag na nagbabalita sa impeachment trial.


Lalong naging mahalaga ang usapin nang subukan ng prosekusyon na iharap ang impormasyon tungkol sa ilang foreign-currency accounts. Gayunman, pinayagan ni Presiding Officer Escudero ang ebidensiya sa dahilang kailangang basahin nang magkakasama ang Foreign Currency Deposit Act at ang AMLA.


Ano nga ba ang napatunayan ng AMLC?


Naglahad ang AMLC ng mga rekord na umaabot sa tinatayang P4.4 bilyon sa covered transactions (CTR) at suspicious transactions (STR) mula 2007 hanggang 2025. Iba ito sa P6.7 bilyong halagang naunang nabanggit sa mga pagdinig sa Kamara.


Ipinaliwanag ni Buenaventura na naitama ang halaga matapos magsumite ang isa sa mga bangko, ang BPI, ng corrected information. Sa binagong datos, nasa P1.63 bilyon ang inflows, P1.31 bilyon ang outflows, habang nasa P1.46 bilyon ang mga transaksiyong hindi matiyak kung papasok o palabas ang daloy ng pera.


Ang P4.4 bilyon ay kabuuang halaga ng covered at suspicious transactions sa loob ng maraming taon. Hindi ito awtomatikong nangangahulugang P4.4 bilyon din ang hindi maipaliwanag na yaman (unexplained wealth).


Maaaring kabilang dito ang paglipat ng pera mula sa isang account patungo sa iba, lehitimong transaksiyon sa negosyo, pagdedeposito na sinusundan ng withdrawal, o iba pang galaw ng pera na hindi naman nangangahulugang nadagdagan ang netong yaman ng tao.


Ang CTR o STR ay nangangahulugan lamang na may mga sitwasyong natukoy ang isang covered institution na kinakailangang i-report sa AMLC batay sa mga alituntunin nito. Hindi ito nangangahulugang ilegal ang transaksiyong iniulat.


Sa katunayan, ilang taon matapos ma-flag ang mga transaksiyong ito bilang CTR o STR, hindi rin naipaliwanag nang malinaw ni Buenaventura kung ano mismo ang kinakatawan ng mga ito, maliban sa pagsasabing nakabatay lamang siya sa impormasyong isinumite ng mga bangko at institusyon.


Dito pumapasok ang isang mahalagang tanong: Ano nga ba ang silbi ng mahabang pagtatanong sa isang opisyal ng AMLC tungkol sa mga transaksiyong hindi naman niya kayang ipaliwanag o tukuyin nang malinaw (what was the use of asking AMLC official to testify lengthily on transactions they could not even understand or explain clearly)?


Ang AMLC ay nagsisilbing repository o tagatago lamang ng mga ulat mula sa mga covered institution gaya ng mga bangko at insurance companies. Wala itong sariling paraan upang matukoy kung tama o mali ang impormasyong isinusumite sa kanila.


Ang diperensiya sa kabuuang halagang iniulat ng AMLC ay dulot ng reporting error ng BPI na mismong BPI rin ang nagwasto, at hindi ng AMLC. Sa ganitong aspeto, maihahalintulad ang operasyon ng AMLC sa Securities and Exchange Commission (SEC), na umaasa rin sa mga ulat na isinusumite sa kanila ng mga korporasyon.


Hindi nito ibig sabihin na walang halaga ang mga dokumento ng AMLC. Nakapagbigay ito ng buod ng mga transaksiyong na-flag ng mga covered institution.


Ang susunod na mahalagang hakbang para sa prosekusyon ay hingin sa mga mismong covered institution ang kinakailangang paliwanag tungkol sa mga na-flag na transaksiyon.


Malalaking cash withdrawal


Gayunman, may ilang kapansin-pansing indibidwal na transaksiyon na lumitaw sa testimonya ng AMLC.


Ayon kay Buenaventura, mahigit P10 milyon ang over-the-counter withdrawals at check encashments ni Vice President Duterte noong Disyembre 2024, na kinasasangkutan ng LandBank, Metrobank, at BDO.


Mas kapansin-pansin ang iniulat na P41 milyong withdrawal ng kanyang asawang si Manases Carpio sa loob lamang ng isang araw mula sa dalawang bangko—P23 milyon mula sa BDO at P18 milyon mula sa PNB.


Maaari itong magbigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa halaga ng cash na maaaring pagmamay-ari ng mag-asawang Duterte-Carpio ngunit hindi naideklara sa kanilang SALN, gayundin kung naaayon ba ang kanilang mga aktibidad sa pananalapi sa kanilang lehitimong kita.


Ang koneksiyon sa China


Isa pang mahalagang bahagi ng testimonya ang tungkol sa Cale 88 Foods Corporation, isang kumpanyang may business interests si Carpio.


Ayon kay Buenaventura, nakatanggap ang kumpanya ng tinatayang P319 milyong remittances mula China at Hong Kong na na-flag bilang suspicious.


Maaaring maging mahalaga ang impormasyong ito kung mapatutunayan ng prosekusyon ang tunay na katangian, layunin, at mga aktuwal na benepisyaryo ng mga paglilipat ng pera sa pamamagitan ng pagsusuri sa bank records, audited financial statements, at income tax returns ng kumpanya na hawak ng mga covered institution.


Sa huli, ang pinakamahalagang tanong ay kung kaya ng prosekusyon na umusad mula sa pariralang “may bilyun-bilyong pisong naiulat na transaksiyon (there were billions of pesos in reported transactions)” tungo sa “ang mga transaksiyong ito ay nagpapakita ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi wastong idineklara sa SALN (transactions demonstrate unexplained wealth that was not properly declared in the SALN).”


Iyan ang ebidensiyang tulay na kailangan pang tawirin ng prosekusyon.

At maaaring ang testimonya ng mga bangko at iba pang institusyong mismong gumawa at naghawak ng mga orihinal na rekord ang makapagbigay ng mga nawawalang detalye upang maitawid ang puwang na iyon.


Si Atty. Nena Radoc ay isang CPA-Lawyer-MBA na may mahigit 40 taong karanasan sa pamamahala sa mga lokal at multinasyonal na kumpanya.

Disclaimer: Ang mga opinyong ipinahayag ng may-akda ay sarili niya at hindi sa anumang paraan sumasalamin sa pananaw ng Paraluman News.


bottom of page