IMPEACHMENT WATCH: Apat na artikulo ng impeachment... Isa na lang ang natitira
Atty. Nena Radoc; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network
October 18, 2026 at 8:28:05 AM
Noong Oktubre 13, 2026, sa paglilitis sa impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, binawi ng prosekusyon ng Kamara ang Articles I, III, at IV na may kaugnayan sa confidential funds, panunuhol, at matitinding pagbabanta. Ipinahayag nilang Article II na lamang, na tumatalakay sa hindi maipaliwanag na yaman, ang kanilang itutuloy. Ayon sa kanila, makabubuti ang hakbang na ito sa publiko at sa lahat ng sangkot dahil makatitipid ito sa oras at gastos sa paglilitis.
Mariing tinutulan ito ng depensa. Ayon sa kanila, hindi patas ang hakbang para sa respondent o sa inirereklamo dahil nabigyan ang prosekusyon ng pagkakataong ilahad ang lahat ng ebidensiya nito kaugnay ng Articles I at IV, samantalang pagkakaitan naman ang respondent ng pagkakataong ilahad ang sarili niyang mga ebidensiya.
Ipinangatwiran ng prosekusyon na nabigyan naman ng pagkakataon ang depensa na kuwestiyunin sa cross-examination ang mga testigong iniharap nito. Maaari rin umanong gamitin ng depensa ang iba pang mga plataporma upang ilahad ang mga ebidensiya nito. Gayunman, nagpahayag ng pangamba ang ilang senador-huwes hinggil sa pagiging patas ng proseso at sa pagtalima sa due process o wastong proseso ng batas.
Sa huli, nagpasya si Presiding Judge Chiz Escudero na tanggapin ang pagbawi sa mga artikulo, alinsunod sa ilang kondisyon. Kabilang dito ang pag-alis sa kautusang nagbabawal sa mga partido na magsalita sa publiko tungkol sa kasong nakabinbin sa hukuman o sub judice gag order, at ang tuluyang pagbasura sa Articles I at III na may prejudice, na nangangahulugang hindi na maaaring ihain muli ang mga naturang paratang sa ilalim ng parehong batayan.
Ngayon, Nakasalalay na ang Lahat sa Article II
Tumutukoy ang Article II sa mga alegasyong nagkamal si Bise Presidente Duterte ng yaman na malinaw na hindi katumbas ng kaniyang legal na kita, hindi niya ganap at tapat na isiniwalat ang kaniyang mga ari-arian sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs), at nagpatuloy siya sa mga interes sa negosyo na umano'y ipinagbabawal ng Konstitusyon.
Ang mga Testigo
Sinimulan ng prosekusyon ang paglalahad ng mga ebidensiya nito sa pamamagitan ng pagharap kay retiradong Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, na nagpaliwanag sa mga prinsipyong legal na gumagabay sa mga usapin ng hindi maipaliwanag na yaman, pagsisiwalat ng mga ari-arian sa SALN, at mga interes sa negosyong ipinagbabawal ng batas.
Sumunod na iniharap ng prosekusyon si Karen Batu ng Office of the Ombudsman, na nagpatunay sa pagiging tunay ng mga SALN ni Duterte, at si Gerardo del Rosario ng Securities and Exchange Commission (SEC), na tumestigo tungkol sa mga rekord ng mga korporasyong may kaugnayan kay Bise Presidente Duterte at/o sa kaniyang asawang si Manases Carpio na inihain sa SEC.
Ayon kay Batu, may idineklarang salapi si Duterte sa kaniyang mga SALN noong mga naunang taon, ngunit walang nakalistang cash on hand o salaping nasa bangko sa kaniyang mga deklarasyon mula 2019 hanggang 2025. Isiniwalat naman sa SALN ang mga interes sa negosyong GenCorp, ngunit hindi ito lumitaw sa mga dokumentong inihain sa SEC.
Wala ring hiwalay na halagang idineklara sa mga SALN para sa mga interes na ito sa negosyo.Sumunod na tumestigo si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura, na nagsabing may rekord ang AMLC ng tinatayang ₱4.4 bilyon na mga covered at kahina-hinalang transaksiyong kinasasangkutan nina Duterte at Carpio.
Tinalakay rin niya ang ₱319 milyong remittance mula China at Hong Kong patungo sa CaLe88 Foods Corporation, isang kompanya ng pagkain na iniuugnay kay Carpio.
Dahil sa testimonya ng AMLC, nabigyang-pansin ang mga ulat ng kahina-hinalang transaksiyong isinumite ng mga bangko at iba pang institusyong pinansiyal. Gayunman, wala itong naibigay na paliwanag maliban sa mga nakasaad sa mismong mga ulat.
Mga Rekord ng Bangko at mga Balanse sa Pagtatapos ng Taon
Noong Oktubre 7, tumestigo ang mga kinatawan ng mga bangko at kompanya ng seguro tungkol sa mga account, deposito, at produktong pinansiyal na may kaugnayan kay Duterte at sa kaniyang asawa.
Isa sa pinakamahalagang paghahambing ang pinagsama-samang balanse ng kanilang mga account sa bangko sa pagtatapos ng bawat taon. Batay sa buod ng mga rekord ng bangko na inilahad ng prosekusyon, umabot sa humigit-kumulang ₱59 milyon ang pinagsamang balanse ng mag-asawa sa walong bangko noong 2022, ₱71.3 milyon noong 2023, at ₱22.2 milyon noong 2024. Samantala, walang idineklarang cash on hand o salaping nasa bangko si Duterte sa kaniyang mga SALN para sa mga taong iyon.
Gayunman, iginiit ng depensa na maaaring isama ang salapi sa kategoryang “other property” o iba pang ari-arian. Bilang tugon, sinabi ng prosekusyon na mas malaki nang malaki ang mga naiulat na balanse sa bangko kumpara maging sa mga halagang idineklara sa ilalim ng naturang kategorya.
Ang mga Ebidensiya ng BIR: Kita at mga Audit sa Buwis
Noong Oktubre 8, tumestigo ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na umabot sa humigit-kumulang ₱85.34 milyon ang pinagsamang kita nina Duterte at Carpio, matapos ibawas ang buwis, mula 2007 hanggang 2025.
Kinumpirma rin ng opisyal na naglabas ang BIR ng mga liham ng awtorisasyon para sa mga audit sa buwis nina Duterte at Carpio, na sumasaklaw sa mga rekord ng buwis sa loob ng mahabang panahon. Isinasailalim din sa audit ang CaLe88 Foods Corporation.
Mga Natuklasan ng Forensic Accountant
Ang huling testigo ng prosekusyon ay si Alexander Cabrera, isang CPA-lawyer at dating chairman ng lokal na miyembrong kompanya ng PwC Philippines, na naglahad ng kaniyang pagsusuri sa mga rekord na pinansiyal. Naging pinakamahalaga ang kaniyang testimonya dahil pinag-ugnay nito ang iba't ibang impormasyong pinansiyal at mga ulat na naunang iniharap ng mga testigo.
Tinataya ni Cabrera na may humigit-kumulang ₱817.87 milyong hindi idineklarang mga ari-arian at kita sina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025. Nakabatay ang kaniyang pagsusuri sa mga rekord ng bangko, buwis, AMLC, at mga korporasyong nakuha sa pamamagitan ng mga subpoena ng hukuman.
Kabilang sa kaniyang pagsusuri ang mga umano'y hindi idineklarang balanse sa bangko sa pagtatapos ng taon, mga ari-arian at interes sa seguro na hindi naiulat, at mga hindi idineklarang kitang may kaugnayan sa mga interes sa negosyo. Kabilang dito ang kaniyang pagkukuwenta sa bahagi mula sa CaLe88, Metro City, at GenCorp.
Binigyang-pansin din ni Cabrera ang umano'y nakagawiang pag-withdraw ng humigit-kumulang ₱96 milyon sa pamamagitan ng mga manager's check, na hinahayaang hindi ideposito upang hindi lumitaw sa mga balanse ng bangko sa pagtatapos ng taon.
Gayunman, umani ng batikos mula sa ilang senador-huwes ang pagkukuwenta ni Cabrera na may 20 porsiyentong bahagi si Duterte sa GenCorp, na katumbas ng humigit-kumulang ₱212.63 milyon kasama ang hindi idineklarang kita. Kinuwestiyon ng mga senador-huwes ang legal na batayan ng naturang pagtataya.
Ipinanindigan ni Cabrera na konserbatibo ang pagtataya niyang 20 porsiyento, batay sa iba pang transaksiyon sa negosyo ni Duterte na kinasasangkutan ng magkakaugnay na mga direktor. Sinabi rin niyang katanggap-tanggap ang paggamit ng prinsipyong “piercing the veil of corporate entity” o paglagpas sa legal na paghihiwalay ng korporasyon at ng mga may-ari nito, dahil sa malaking bahagi ng kita ng GenCorp na umano'y kulang ang idineklara.
Ganito binuod ni Cabrera ang kaniyang mga natuklasan:
1. Hindi tapat ang mga SALN ni Duterte mula 2022 hanggang 2025 dahil hindi isinama rito ang malalaking balanse sa bangko at iba pang mga ari-arian.
2. Nagpatuloy si Bise Presidente Duterte sa mga transaksiyon sa negosyo habang nanunungkulan bilang Bise Presidente.
3. Tinatayang umabot sa ₱817 milyon ang kabuuang hindi maipaliwanag na yaman, batay lamang sa mga rekord na makukuha. Hindi kasama rito ang mga rekord na wala sa kustodiya ng Senado bilang hukuman, gaya ng mga foreign exchange (forex) account, digital wallet, vault at safe, crypto account, at iba pa.
4. Ipinakikita ng mga pagkakaiba sa mga rekord ang paulit-ulit na padron ng mga paglabag sa Konstitusyon sa bawat taon.
5. Bukod sa Konstitusyon, posibleng nalabag din ang ilang batas at regulasyon, kabilang ang National Internal Revenue Code, mga patakaran ng SEC, Republic Act No. 6713, Republic Act No. 1379, at iba pa.
Sa cross-examination, kinuwestiyon ng depensa ang mga natuklasan sa forensic accounting at sinikap na pagdudahan ang pagiging independiyente ni Cabrera, gayundin ang kaniyang pamamaraan at pagsusuri.
Konklusyon
Magpapatuloy ang paglilitis sa impeachment sa Nobyembre 9, kung kailan nakatakdang iharap ng prosekusyon ang mga ebidensiya nito kaugnay ng natitirang paratang sa Article II.
Hanggang sa panahong iyon, naghihintay ang publiko nang may pananabik at pangamba sa mga susunod na hakbang na gagawin ng depensa.
Si Atty. Nena Radoc ay isang CPA-lawyer na may MBA at mahigit 40 taong karanasan sa pamamahala sa mga lokal at multinational na kompanya.
Pahayag ng Paglilinaw: Ang mga opinyong ipinahayag ng may-akda ay sarili niyang pananaw at hindi sa anumang paraan kumakatawan sa mga pananaw ng Paraluman News.

