top of page

Impeachment trial ni VP Duterte: Testigo ng prosekusyon na si Cabrera, ipinagtanggol ang kanyang kuwalipikasyon sa gitna ng pag-uusig ng depensa

Philippine News Agency; Isinalin ng Sari Story Network

October 14, 2026 at 3:48:40 AM

Larawan ni Alexander Cabrera

Larawan ng financial forensic analyst lawyer na si Alexander Cabrera sa ika-38 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado sa Pasay City nitong Lunes, Oktubre 12. Siya ang huling testigo ng prosekusyon sa Article II ukol sa umano’y pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente at kabiguan nitong ilatag nang tama ang mga ari-arian.

Avito C. Dalan / PNA

MAYNILA — Pinanindigan nitong Lunes ng forensic accounting expert ng prosekusyon mula sa Kamara ang kanyang kuwalipikasyon upang suriin ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte, sa kabila ng pag-uusig ng depensa tungkol sa kanyang professional background at kawalan ng karanasan sa paghawak ng mga kasong graft at ill-gotten wealth sa hukuman.


Ipinagtanggol ng tax lawyer na si Alexander Cabrera, chairman emeritus ng Isla Lipana & Co. (PwC Philippines), ang kanyang kuwalipikasyon bilang eksperto sa forensic accounting sa cross-examination ni defense counsel Kristine Ferrer sa ika-38 araw ng impeachment trial ni Duterte sa Senado.


Kinuwestiyon ni Ferrer kung maaari ngang ituring ni Cabrera ang kanyang sarili bilang eksperto sa forensic accounting, gayong karamihan sa kanyang karera ay nakatuon sa pagbubuwis at halos isang taon lamang siyang nagtrabaho bilang external auditor.


“Tama po (That’s right),” tugon ni Cabrera.


Ipinaliwanag ni Cabrera na sa pagsusuri ng pandaraya, kadalasang kinakailangan ang kaalaman at tulong ng iba’t ibang departamento ng isang accounting firm, kabilang ang mga eksperto sa pagbubuwis at assurance services.


“Ang tax po, ang broader assurance, at kung sinuman po ’yung expert na kailangan po, nagtutulong-tulong po kami. ’Yan po ’yung ibig sabihin na hindi po siya siloed (In tax, the broader assurance, and whichever expert is needed, we all work together. That is what it means to not be siloed or working in isolation from each other),” aniya.


Itinanggi rin ni Cabrera ang pahiwatig ni Ferrer na pangunahing kinakatawan niya ang mga kliyente sa mga ahensiya ng gobyerno sa kanyang trabaho bilang tax lawyer. Ipinaliwanag niyang kabilang din sa kanyang mga responsibilidad ang mergers and acquisitions, due diligence, at pagkonsulta.


Kinuwestiyon din ng depensa ang kawalan ng karanasan ni Cabrera sa pagharap sa hukuman kaugnay ng mga kasong graft, plunder, malversation, at hindi maipaliwanag na yaman.


Inamin ni Cabrera na wala pa siyang nahawakang ganitong mga kaso bilang abogado, ngunit iginiit niyang nauunawaan niya ang mga batas na may kaugnayan sa mga ito.


“Hindi pa po, pero lahat po ng elements nito alam po, kahit po ng estudyante (Not yet, but all its elements are known, even to students),” sagot ni Cabrera nang tanungin tungkol sa mga kasong may kaugnayan sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.


“Gusto ko lang po masabi na hindi po mahirap basahin ’yung batas (What I want to say is that the law is not hard to understand),” dagdag niya.


Kinumpirma rin ni Cabrera na sinimulan niya ang kanyang forensic examination noong Hunyo 2026 gamit ang mga dokumentong nagmula sa impeachment proceedings sa Kamara.


Giit niya, natanggap niya bandang Setyembre ang karagdagang mga rekord pinansyal mula sa mga bangko, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Bureau of Internal Revenue (BIR).


Naglatag din ng mga tanong ang depensa tungkol sa posibleng paglabag sa mga patakaran sa confidentialy ng mga financial record. Gayunman, sinabi ni Cabrera na responsibilidad niyang suriin ang mga dokumentong natanggap niya mula sa prosekusyon.


Iginiit din niyang hindi saklaw ng kanyang tungkulin ang pagtukoy kung nilabag ng mga opisyal na nagbigay ng mga dokumento ang mga batas tungkol sa pagiging kumpidensiyal ng impormasyon.


“Hindi naman po ako natatakot (I’m not scared),” sagot ni Cabrera kay Ferrer nang talakayin ng huli ang mga posibleng parusa, kabilang ang pagkakakulong at multa, sa paglabag sa pagiging confidential sa ilalim ng mga batas laban sa money laundering.


Binanggit ni Ferrer ang mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act, Bank Secrecy Law, at National Internal Revenue Code na namamahala sa pagsisiwalat ng confidential na impormasyong pinansyal.


Paulit-ulit ding tinanong ni Ferrer kung nabahala si Cabrera sa pagtanggap ng mga rekord nang walang paunang pahintulot mula sa Senado bilang impeachment court.

.

Sinabi ni Cabrera na naniniwala siyang maaari niyang tanggapin ang mga dokumento ng AMLC dahil natalakay na ang usapin sa mga impeachment proceeding sa Kamara.


Tungkol naman sa mga rekord ng bangko, binanggit ni Cabrera ang Section 8 ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na tumatalakay sa pagkuha ng ari-ariang malinaw na hindi katumbas ng legal na kita ng isang opisyal ng gobyerno.


Itinuro niyang maaaring isaalang-alang ang mga deposito sa bangko sa pagsusuri ng ganitong mga pagkakaiba.


Nang tanungin tungkol sa pagiging confidential ng mga rekord ng BIR, muling iginiit ni Cabrera na ang kanyang tungkulin ay suriin at pag-aralan ang mga dokumentong natanggap niya.


Nakialam din sa palitan ng mga tanong at sagot si House prosecutor at Akbayan Representative Chel Diokno upang linawin ang naunang testimonya ni Cabrera tungkol sa kung kailan niya natanggap ang mga rekord ng bangko.


Pinayagan ni Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero si Cabrera na sagutin ang mga tanong ng depensa, ngunit sinabi niyang maaari pang talakayin ang mga karagdagang paliwanag sa redirect examination o karagdagang pagtatanong ng prosekusyon.


Sa nauna niyang testimonya, sinabi ni Cabrera na natukoy sa kanyang forensic examination ang tinatayang P817.87 milyon na umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.


Bahagi ang mga natuklasang ito ng ebidensya ng prosekusyon mula sa Kamara sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint. Inaakusahan dito si Duterte ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman at paglabag sa mga kinakailangan sa pagsisiwalat ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).


Walang inilabas na pasya sa naturang palitan ng mga tanong at sagot kung may hindi wastong pagsisiwalat nga ng mga rekord pinansyal. (PNA)


bottom of page