top of page

Impeachment trial ni VP Duterte, gagawing buong araw sa Oktubre

Sari Story

September 10, 2026 at 9:08:57 AM

Larawan ng mga senator - judge

Paiigtingin na ng impeachment court ang kanilang mga pagdinig pagsapit ng Oktubre

Philippine News Agency / Facebook page

MAYNILA – Magkakaroon na ng buong araw na mga pagdinig ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte pagsapit ng Oktubre, bago ito pansamantalang ihinto para bigyang-daan ang halos isang buwang deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget.


Inanunsyo ni impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero nitong Martes ang opisyal na hearing calendar hanggang Nobyembre, habang sinusubukan ng mga senador na pagsabayin ang impeachment trial, regular na trabaho ng Senado, at pagtalakay sa panukalang budget para sa susunod na taon.


Ngayong Setyembre, karaniwang ginaganap ang impeachment proceedings tuwing umaga hanggang alas-2:30 ng hapon. Nagsisimula naman ang regular na sesyon ng Senado alas-3 ng hapon, habang isinasagawa rin ang budget hearings kasabay ng legislative calendar.


Nauna nang napagkasunduan ng Senado na karaniwang ilalaan ang Lunes hanggang Miyerkules para sa impeachment trial, habang ang Huwebes at Biyernes ay para sa buong araw na budget hearings.


Mas bibilis ang takbo ng paglilitis sa Oktubre, kung kailan nakatakdang magsagawa ng buong araw na talakayan ang impeachment court sa Oktubre 1 at 2, Oktubre 5 hanggang 9, at Oktubre 12 hanggang 15, na may kabuuang 11 araw ng pagdinig.


Ayon kay Escudero, magbibigay-daan ang ganitong iskedyul upang mas mahabang oras ang mailaan sa impeachment trial bago ituon ng mga senador ang kanilang buong atensyon sa pambansang pondo.


“Pansamantalang ihihinto ang paglilitis upang bigyang daan ang mga deliberasyon at pagdinig sa budget bilang paghahanda sa aming bersyon ng pambansang pondo (Trial shall be suspended to give way for the budget deliberations and hearings in preparation of the Senate version of the budget),” sabi ni Escudero.


Walang itinakdang impeachment trial mula Oktubre 16 hanggang Nobyembre 8 habang tinatapos ng Senate Committee on Finance ang mga pagdinig tungkol sa budget.


Simula Nobyembre 9, inaasahang tatalakayin ng mga senador sa plenaryo ang panukalang General Appropriations Act sa loob ng halos dalawang linggo. Dahil dito, posibleng umabot hanggang Nobyembre 18 ang pagkaantala sa impeachment trial.


 “Sinusubukan pa rin naming maglaan ng kahit isang araw para sa trial sa loob ng dalawang linggong iyon, pero hindi pa ako sigurado. Kaya malamang, masuspinde ang trial hanggang Nobyembre 18 (We are still trying to squeeze in a trial date in those two weeks, at least one, but I'm not sure yet. So, most likely, the trial will be suspended until Nov. 18),” giit ni Escudero.


Maaaring ipagpatuloy ang regular na impeachment proceedings pagsapit ng Nobyembre 19 o 20, o sa kasunodd na linggo, depende sa magiging progreso ng deliberasyon sa budget.


Gayunman, maaari pa ring baguhin ang iskedyul habang tinatalakay ng impeachment court ang mga procedural at constitutional issues na hiwalay sa regular na testimonya ng mga testigo.


Nakatakda nang pakinggan ng korte sa Setyembre 16 ang mga amici curiae, o mga legal expert na inimbitahan upang magbigay ng opinyon tungkol sa pinagtatalunang voting threshold para sa conviction ni Duterte. Samantala, nakalaan naman ang Setyembre 23 para sa oral arguments ng prosekusyon at depensa, at posibleng pagboto ng mga senador sa naturang isyu.


Pansamantala ring ihihinto ang paglilitis ngayong linggo upang bigyan ng pagkakataon ang dalawang panig na markahan at suriin ang mahigit 1,800 dokumento mula sa mga bangko, insurance companies, at iba pang financial institutions, bilang paghahanda sa presentasyon ng prosekusyon sa kaso ng sinasabing unexplained wealth.


Ipinalit ang bagong iskedyul sa mga naunang tentative arrangement na pinag-usapan ng mga senador, bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na ipagpatuloy ang impeachment trial nang hindi isinasakripisyo ang masusing pagsusuri sa panukalang PHP7.2-trillion 2027 national budget.


bottom of page