Impeachment court, tinanggap ang ebidensiyang pinansyal ni VP Duterte; muling ipinatupad ang gag order
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 6, 2026 at 8:28:37 AM
MGA PASYA SA IMPEACHMENT: Naghahanda ang Senate impeachment court na dinggin ang mga kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte sa larawang walang petsa. Inanunsyo ng korte nitong Biyernes, Nobyembre 6, 2026, na tinanggap nito ang mga rekord sa bangko, buwis, korporasyon at ari-arian bilang ebidensiya, habang hindi isinama ang mga ebidensiyang may kaugnayan sa mga kasong binawi.
Screengrab from Senate livestream
Tinanggap ng Senate impeachment court ang mga rekord pinansyal na may kaugnayan kay Vice President Sara Duterte at muling ipinatupad ang gag rule bago ang pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 9.
Sa isang pahayag, sinabi ni court spokesperson Reginald Tongol na naglabas si Presiding Officer Francis Escudero ng 22-pahinang kautusan nitong Huwebes upang resolbahin ang mga dokumentaryong ebidensiyang iniharap ng prosekusyon kaugnay ng Article II, ang nag-iisang natitirang reklamo sa impeachment.
Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, ibinasura ng korte ang pahayag ng depensa na nakuha ang mga dokumentong ipinatawag sa pamamagitan ng subpoena sa paraang tinawag na “fishing expedition” o walang malinaw na layunin. Hindi rin tinanggap ng korte ang argumento na hindi maaaring gamitin ang mga ito bilang ebidensiya dahil hindi kalakip ang mga dokumento sa orihinal na reklamo.
Kabilang sa mga tinanggap na ebidensiya ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte, mga rekord mula sa Bureau of Internal Revenue, Anti-Money Laundering Council at Securities and Exchange Commission, mga dokumentong pinansyal mula sa siyam na bangko, mga titulo ng lupa, mga rekord ng insurance at pamumuhunan, at mga rehistro ng baril na may kaugnayan kay Duterte at sa kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Gayunman, nilimitahan ng korte ang paggamit sa mga rekord pinansyal mula 2007 hanggang 2021 upang matukoy lamang ang kalagayang pinansyal ni Duterte bago siya maupo bilang bise presidente noong Hunyo 2022. Hindi rin isinama ang mga rekord ng disallowance ng Commission on Audit na may kaugnayan sa confidential funds sa ilalim ng binawing Article I, gayundin ang mga dokumentong itinuring na walang kaugnayan sa natitirang reklamo.
Ayon kay Tongol, hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon ng prosekusyon sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa mga rekord bilang ebidensiya. Binigyang-diin niyang susuriin pa rin ng mga senador-hukom ang kaugnayan at halaga ng mga ito bilang ebidensiya.
Sa hiwalay na kautusan, muling ipinatupad ng korte ang sub judice o gag rule sa lahat ng artikulo ng impeachment, kabilang ang mga binawi ng prosekusyon. Ipinagbabawal nito sa mga saklaw na partido ang paggawa ng mga pampublikong pahayag na maaaring makaapekto sa mga paglilitis.
Magpapatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9, kung kailan sisimulan ng legal team ni Duterte ang paglalahad ng mga ebidensiya kaugnay ng natitirang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Paraluman News, batay sa ulat ni Wilnard Bacelonia/Philippine News Agency

