top of page

House prosecution panel, binawi ang hiling na aminin ni VP Sara Duterte ang pagmamay-ari ng mga bank account

Sari Story

September 29, 2026 at 2:01:37 AM

Larawan ni Vice President Sara Duterte

Lumabas ng korte si Philippine Vice President Sara Duterte matapos magpiyansa sa Quezon City Regional Trial Court sa Quezon City, Pilipinas, Setyembre 5, 2026.

Eloisa Lopez / Reuters

Binawi nitong Lunes ng House prosecution panel ang hiling nito na aminin ni Vice President Sara Duterte ang pagmamay-ari sa mga bank account na saklaw ng mga rekord na isinumite sa Senate impeachment court.


Sa halip, hiniling ni House prosecutor Chel Diokno ng Akbayan party-list sa defense panel na magkaroon ng kasunduan tungkol sa pagiging tunay at pinagmulan ng mga financial record.


Iminungkahi ni Diokno na magkasundo ang dalawang panig sa tatlong pangunahing punto: umiiral ang mga bank account, isinumite ang mga rekord bilang pagsunod sa mga subpoena na inilabas ng impeachment court, at ang mga dokumento ay tunay na kopya ng mga opisyal na rekord ng bangko.


Ayon kay Diokno, makatutulong ang naturang kasunduan upang mapabilis ang paglilitis dahil hindi na kailangang magharap ng mga testigo para patunayan ang mga bagay na hindi naman pinagtatalunan.


“Ang hiling na admission ay hindi ginagawa upang baguhin ang burden of proof o pilitin ang respondent na patunayan ang kaso ng prosecution, at hindi rin ito ang magiging epekto nito (The request for admission is not being invoked to alter the burden of proof or to compel the respondent to establish the prosecution’s case, nor will it have that effect),” paliwanag ni Diokno sa ika-30 araw ng paglilitis. “Layunin lamang nito na paliitin ang mga isyung kailangang pagtalunan at maiwasan ang hindi kinakailangang pagharap ng mga testigo at paglalahad ng ebidensiya sa mga bagay na hindi naman tunay na pinagtatalunan (Its purpose is simply to narrow the issues and avoid the needless presentation of witnesses and evidence on matters that are not genuinely disputed).”


Sinabi rin ni Diokno na handa ang prosecution panel na tuluyang bawiin ang orihinal na hiling na admission kung tatanggapin ng defense ang iminungkahing kasunduan.


Tinanggihan naman ito ng lead defense counsel na si Shiela Sison, at binanggit ang mga naunang desisyon ng korte noong 1905, 1937 at 1969, gayundin ang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon laban sa self-incrimination.


Ayon kay Sison, ang pagpilit kay Duterte na aminin ang pagmamay-ari ng mga account ay maituturing na sapilitang pag-amin na maaaring gamitin laban sa kanya.


“Palagi nang pinaninindigan ng korte na ang admission ay maihahalintulad sa testimonya, kaya nga ito tinatawag na admission (The court has consistently held that an admission is akin to testimony—that is why it is called an admission),” ani Sison.

Bagama’t handang bawiin ng prosecution panel ang mosyon, inanunsyo ni Senate impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na maglalabas pa rin ang tribunal ng pormal na desisyon sa orihinal na hiling na admission.


Layunin umano nito na magkaroon ng malinaw na gabay ang dalawang panig sa pagpapatuloy ng paglilitis.


bottom of page