House prosecution, ‘di na itutuloy ang pagprisinta sa huling 15 testigo sa Article 1 ng impeachment case ni VP Duterte
Sari Story
September 9, 2026 at 6:00:46 AM
MAYNILA — Nagpasya na ang prosecution panel ng Kamara nitong Martes na bitawan ang plano nitong iharap ang natitirang 15 testigo para sa unang Article of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Anila, sapat na ang mga ebidensiyang nailatag nila upang patunayan ang alegasyon ng maling paggamit at maling paglalaan ng confidential funds.
Inanunsyo ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan ang pagbabago sa kanilang estratehiya sa ika-23 araw ng impeachment trial. Sa orihinal na plano, 27 testigo sana ang ihaharap ng prosekusyon para sa Article 1. Sampu na rito ang nakaharap sa impeachment court, habang may dalawa pang napagkasunduan ang magkabilang panig.
“Sa ngayon, nakapagprisinta na kami ng 10 testigo at nagkaroon na rin ng stipulation sa testimonya ng dalawang testigo. Sa kabuuan,12 testigo mula sa 27 (To date, we have already presented 10 witnesses and stipulated as to the testimony of two witnesses—a total of 12 witnesses out of 27),” sabi ni Atty. Kapunan.
Matapos ang isang magdamagang pagpupulong na umabot hanggang Martes ng umaga, napagkasunduan ng public at private prosecutors na hindi na ituloy ang testimonya ng natitirang mga testigo, kabilang ang mga nakatakdang humarap sa pagdinig nitong Martes.
“Kasunod ng mahabang pagpupulong kagabi hanggang ngayong umaga, bago ang pagdinig na ito, nagpasya ang prosekuson na hindi na lamang ituloy, Your Honors, ang mga testigong na-subpoena para ngayong araw, gayundin ang lahat ng natitirang 15 testigo (After a long meeting last night and towards this morning, just before this hearing, the prosecution decided to forego, Your Honors, not only with the witnesses subpoenaed for today, but with all the remaining 15 witnesses),” giit ni Kapunan.
Kabilang sa mga hindi na iniharap nitong Martes sina Police Major Jovelyn Magay, dating Department of Education Assistant Secretary Sunshine Fajarda, at Commission on Audit Assistant Commissioner Bresilio Sabaldan.
Ayon kay Kapunan, bagama’t una nilang pinlanong magharap ng libo-libong exhibits kasabay ng buong listahan ng mga testigo, sapat na ang 4,750 dokumentong naiprisinta at natukoy ng unang 12 testigo upang maitatag ang kanilang kaso.
“Hindi ito konklusyon batay sa facts at batas, kundi isang konklusyon batay sa 4,750 dokumentong ipinrisinta at tinukoy ng 12 testigo—10 sa mga ito ang humarap sa korte at sumailalim sa mahahabang cross-examination ng mga abogado ng depensa, gayundin sa mga tanong ng mga senator-judge (Not a conclusion of fact and law, but a conclusion based on 4,750 documents presented and identified by the 12 witnesses—10 of whom were present in court and subjected themselves to long cross-examinations by the defense counsels, as well as questions from the senator-judges),” sabi ni Kapunan.
“Malinaw na lumitaw sa mga testimonya ang isang pattern, gaya ng makikita ninyo sa isang chessboard (The testimony elicited very clearly a pattern, as one would see a chessboard),” giit pa niya, kasabay ng pagbibigay-diin ng strategic importance ng queen piece sa chess.
Matapos maiprisinta ang pangunahing ebidensiya para sa Article 1, ipinahiwatig ng prosekusyon na maaari pa rin nitong hilingin sa susunod ang testimonya mismo ni Vice President Duterte, gayundin ng isang external legal expert. Gayunman, mangyayari lamang ito kapag nakumpleto na ng prosecution team ang presentasyon nito para sa lahat ng apat na Article of Impeachment.
“Bilang pagbubuod, wala nang mga pagdinig o paglilitis para sa Article 1 tungkol sa maling paggamit at maling paglalaan ng confidential funds (To summarize, there will be no more hearings [or] trials on Article 1 on the misuse and misappropriations of confidential funds),” ayon kay Atty. Kapunan.
Gayunman, nagbabala si Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero laban sa pormal na pagtapos ng prosekusyon sa Article 1 sa ngayon. Dapat muna kasing tukuyin ng impeachment court kung kinakailangan pa ang karagdagang mga testimonya bago tuluyang isara ang bahaging ito ng kaso.
Dahil naman dito, pansamantalang natapos ang presentasyon ng prosekusyon sa isyu ng confidential funds—isang yugto ng impeachment trial na nagkaroon ng testimonya mula sa 12 testigo at halos 4,800 dokumento ang naisumite bilang ebidensiya.

