Kinwestiyon ni Sen. Hontiveros ang remittance ng kumpanya mula Ukraine sa CaLe88 fund trail
Sandra Samala-Salem
October 9, 2026 at 2:17:11 PM
Nagtatanong si Sen. Risa Hontiveros upang linawin ang ilang usapin sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado nitong Biyernes (Oktubre 9, 2026). Kinuwestiyon niya ang mga transaksyon ng CaLe88 Foods Corp. sa ibang bansa, kabilang ang mga padala mula sa isang kompanya sa Ukraine na kalauna'y iniugnay sa pandaraya at money laundering.
Voltaire Domingo / Senate Social Media Unit
MANILA - Nagpadala ng huling remittance sa Davao-based exporter na CaLe88 Foods Corp. ang isang kompanya sa Ukraine na lumitaw sa mga tala ng transaksiyon nito sa ibang bansa, matapos buksan sa Ukraine ang isang kasong kriminal kaugnay ng umano’y pandaraya at money laundering, ayon kay Sen. Risa Hontiveros nitong Biyernes.
Sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, tinukoy ni Hontiveros ang kompanyang nagpadala ng pera bilang Arkmen LLC, na may registration number na 41423974 sa Ukraine. Natukoy niya ito matapos suriin ng kanyang tanggapan ang mga transaksiyon ng CaLe88 sa ibang bansa, maliban sa mga nagmula sa China.
Sinabi ni Hontiveros na naitala ang huling padala ng Arkmen sa CaLe88 noong Mayo 30, 2025, samantalang sinimulan ang kasong kriminal na kinasasangkutan ng kompanya noong Mayo 19 ng naturang taon.
Pagkatapos nito, tinanong ni Hontiveros si Anne Loraine Garcia-Marquez, chief of staff ng Office of the Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR), kung ano ang dapat na maging anyo ng isang lehitimong transaksiyong pangnegosyo sa pagitan ng dalawang kompanya sa mga rekord ng buwis ng CaLe88.
“Kung ito po ay benta, dapat ay iniulat ito sa taunang income tax return (If these were sales, then these should have been reported in the annual income tax return),” ani Marquez.
Sinabi ni Hontiveros na maaaring suriin ang usapin sa pamamagitan ng umiiral na koordinasyon ng BIR at Anti-Money Laundering Council (AMLC), partikular kung tumutugma ang mga perang pumasok mula sa ibang bansa sa mga bentang iniulat para sa pagbubuwis.
Nauna nang kinumpirma ni Marquez na may ganitong koordinasyon ang dalawang ahensiya sa pagsisiyasat sa mga posibleng paglabag ng mga nagbabayad ng buwis.
Kabilang ang CaLe88 sa siyam na negosyong saklaw ng pagsusuri ng BIR na iniutos noong Abril. Saklaw ng pagsusuri ang mga transaksiyon ni Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at ng mga kumpanyang iniuugnay sa kanila.
Sa mga naunang tala na iniharap ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa impeachment proceedings, kabilang ang CaLe88 sa mga kumpanyang sinusuri batay sa kanilang kinita, pagmamay-ari, at mga ugnayan sa mga interes sa pananalapi na idineklara nina Duterte at Carpio.

