top of page

EXPLAINER: Ano na ang estado ng impeachment trial ni VP Sara Duterte?

Karen Lema at Nestor Corrales / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

November 10, 2026 at 4:36:45 AM

Larawan ng mga senator-judge

Larawan mula sa Facebook page ng Senado.

Joseph Vidal / Senate Social Media Unit

MAYNILA — Sinimulan na ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte ang paglalahad ng depensa laban sa mga alegasyong mayroon siyang hindi maipaliwanag na yaman. Pumasok na sa isang mahalagang yugto ang impeachment trial na maaaring makaapekto sa kaniyang planong pagtakbo bilang pangulo sa 2028.


ANO ANG PINAKABAGONG PANGYAYARI SA IMPEACHMENT TRIAL?


Pormal nang tinapos ng prosekusyon ang paglalahad ng kanilang kaso noong nakaraang buwan matapos bawiin ang tatlo sa apat na impeachment charges laban kay Duterte, anak ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. Layunin nitong mapabilis ang paglilitis sa pamamagitan ng pagtutuon sa kaniyang yaman, mga interes sa negosyo, at mga deklarasyon ng kaniyang mga ari-arian.


Halos apat na buwan ding dininig ng hukuman ang mga testimonya ng mga testigo ng prosekusyon, kabilang ang mga opisyal mula sa mga ahensiya ng buwis, pagbabangko, at paglaban sa money laundering.


Ayon sa mga taga-usig, may mga ari-ariang iniugnay kay Duterte at sa kaniyang pamilya na hindi nakasaad sa kaniyang mga deklarasyon o hindi tugma sa kaniyang kabuuang net worth. Sinabi ng isang forensic financial analyst na tumestigo sa paglilitis na maaaring umabot sa mahigit 800 milyong piso ($12.70 milyon) ang hindi maipaliwanag na mga ari-arian ni Duterte.


Itinanggi ito ng mga abogado ni Duterte at tinawag nila ang kanilang unang testigo mula sa kabuuang 24 na iniharap nitong Lunes. Tinawag naman ni Duterte na pampulitikang panggigipit ang mga paglilitis at itinanggi ang anumang maling gawain.


ANO ANG NANGYARI SA IBA PANG MGA SAKDAL?


Apat na sakdal ang unang isinampa ng Kamara laban kay Duterte. Kabilang dito ang maling paggamit ng pondo ng bayan, pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng unang ginang, at ng dating Speaker ng Kamara.


Inaasahang paiikliin ng pagbawi sa karamihan ng mga sakdal ang paglilitis, kaya posibleng magkaroon ng desisyon bago matapos ang taon.


Sa huling impeachment trial noong 2012, na nagresulta sa pagkakasibak kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, inilabas ang hatol ilang araw matapos matapos ng depensa ang paglalahad ng kanilang kaso.


ILANG BOTO ANG KAILANGAN UPANG MAHATULANG NAGKASALA SI DUTERTE?


Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangan ang dalawang-katlo ng mga senador o 16 sa 24 upang mahatulang guilty ang isang opisyal na ini-impeach. Gayunman, nagbago ang bilang ng mga botong kailangan sa paglilitis kay Duterte.


Sa isang mahalagang desisyon noong Setyembre, ibinaba mula 16 tungo sa 14 ang kinakailangang boto para mahatulan siyang nagkasala dahil wala naman sa mga pagdinig ang apat sa mga senador na nagsisilbing hukom sa impeachment trial.


Hindi sila nakakalahok dahil sa mga kasong legal na kanilang kinakaharap. Kabilang dito ang eskandalong may kaugnayan sa bilyun-bilyong pisong programa para sa mga pampublikong proyekto at ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong kampanya kontra droga na pinangunahan ng ama ni Duterte.


Kung mas marami pang senador na nagsisilbing hukom ang masasangkot sa magkakahiwalay na legal na proseso, maaaring magkaroon ng mas malawak na epekto ang pagbabagong ito sa bilang ng mga botong kailangan.


SAPAT BA ANG MGA BOTO UPANG MAHATULAN SIYANG NAGKASALA?


Bagama't itinuturing na pabor sa prosekusyon ang pagbaba ng kinakailangang bilang ng boto, maaari pa ring maging hamon ang pagkuha ng sapat na suporta upang mahatulan si Duterte.


Pabago-bago ang mga alyansang pampulitika sa Pilipinas, at mayroon pa ring mga makapangyarihang kaalyado si Duterte sa Senado at sa iba pang bahagi ng pamahalaan. Dahil dito, mahirap hulaan ang magiging resulta ng paglilitis.


Naganap ang impeachment trial sa gitna ng matinding hidwaan nina Duterte at Marcos, kasunod ng pagkasira ng dating makapangyarihang alyansang pampulitika ng kanilang mga pamilya na nagsanib-puwersa upang manalo sa halalan noong 2022.


ANO ANG POSIBLENG EPEKTO NG IMPEACHMENT TRIAL SA PULITIKA?


Plano ni Duterte na tumakbo bilang pangulo sa 2028. Sa mga isinagawang survey, palagi siyang nangunguna sa mga posibleng susunod kay Marcos, na hindi na maaaring muling kumandidato dahil limitado sa isang termino ang kaniyang panunungkulan. Sinabi naman ni Marcos na mag-eendorso siya ng isang susunod na kandidato para sa pagkapangulo.


Kapag nahatulang nagkasala, maaari siyang matanggal sa puwesto bilang bise presidente at madidiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan. Maaari rin nitong tuluyang maapektuhan ang kaniyang planong pagtakbo sa 2028.


Dahil dito, may mga implikasyon ang paglilitis na higit pa sa natitirang panahon ng kaniyang panunungkulan. Nakatutok din ang pansin ng publiko sa magiging boto ng bawat senador, lalo na ng ilan na mayroon ding sariling ambisyong pampulitika.


ANO ANG MANGYAYARI KAPAG NAHATULANG NAGKASALA SI DUTERTE?


Kung matatanggal si Duterte sa puwesto, magmumungkahi si Marcos ng bagong bise presidente mula sa mga miyembro ng Senado o Kamara. Kailangang kumpirmahin ang nominasyon sa pamamagitan ng mayoryang boto ng dalawang kapulungan, na boboto nang magkahiwalay.


Kung mapawalang-sala naman si Duterte, mananatili siya sa puwesto bilang bise presidente at maaari pa ring ituloy ang kaniyang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028. Gayunman, maaari pa rin siyang humarap sa magkakahiwalay na kasong kriminal kahit mapawalang-sala sa impeachment trial.


Nahaharap si Duterte sa isang kasong kriminal sa isang trial court kaugnay ng umano'y mga pagbabanta niya laban kay Marcos at sa mga miyembro ng pamilya nito. Nagpiyansa siya noong Setyembre matapos maglabas ng kautusan ang hukuman para sa kaniyang pag-aresto.


Philippine impeachment cases https://sphinx.thomsonreuters.com/graphics/#/graphic/byprdkgrxpe


(Ulat ni Karen Lema; Inedit nina David Stanway at Martin Petty)


bottom of page