top of page

Escudero nilinaw ang proseso ng impeachment: Hindi ganap na criminal o administrative

Sari Story

September 24, 2026 at 2:57:24 AM

Larawan ni Chiz Escudero

Kuha ng larawan ni Senador Chiz Escudero mula sa Facebook page ng Senado ng Pilipinas

Voltaire F. Domingo / Senate Social Media Unit

MANILA — Nilinaw ng Senate impeachment court nitong Miyerkules na naiiba ang impeachment sa ordinaryong criminal prosecution at itinuturing itong sui generis, o isang natatanging uri ng proseso, na may mga katangian ng administrative at criminal cases.


Ginawa ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang paglilinaw bago dinggin ng impeachment court ang oral arguments ng prosekusyon at depensa tungkol sa voting threshold na gagamitin sa pagdedesisyon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.


Umani ng pagtatalo ang usapin matapos magkaiba ang posisyon ni House prosecutor Rep. Chel Diokno at defense lead counsel Sheila Sison kung maaaring tawagin si Duterte na “respondent-accused.”


“Pangunahing layunin ng impeachment ang protektahan ang mga mamamayan bilang isang political body at hindi ang parusahan ang nagkasala (Impeachment is primarily for the protection of the people as a body politic and not for the punishment of the offender),” ani Escudero sa kanyang ruling.


Dagdag niya, ang impeachment ay pangunahing legal na proseso na, “tulad ng administrative cases, nagreresulta sa pagtanggal sa isang public officer at, tulad ng criminal cases, nangangailangan ng mga tuntunin sa ebidensya at due process (like administrative cases, results in the removal of a public officer and, like criminal cases, requires evidentiary rules and due process).”


Nagsimula ang palitan matapos hilingin ni Diokno sa korte na linawin kung paano dapat tawagin si Duterte matapos gamitin ng depensa ang salitang “accused.”


Iginiit ni Diokno na maaaring mabigyan ng impresyon ang publiko na criminal case ang impeachment proceedings kapag ginamit ang naturang termino.


“Malinaw na hindi ito criminal case sa anumang paraan. Walang criminal liability na sangkot sa kasong ito (This is clearly not a criminal case by any stretch. There is no criminal liability involved in this case),” ani Diokno.


Hiniling niya na alisin sa rekord ang naturang pagtukoy, dahil aniya ang usapin ay may kinalaman sa pananatili ni Duterte sa kanyang posisyon.


Iginiit naman ni Sison na hindi lamang “accused” ang ginamit ng depensa sa pagtukoy kay Duterte kundi “respondent-accused.”


Sinabi rin niya na ang pag-iwas sa naturang termino ay hindi dapat magbigay ng impresyon na hindi na umiiral ang mga proteksyong itinatadhana ng Konstitusyon sa impeachment proceedings.


“Hindi tinukoy ng depensa o counsel ng respondent ang respondent bilang accused lamang, kundi bilang respondent-accused (The defense or the counsel for the respondent did not refer to the respondent as accused by itself, but as respondent-accused),” ani Sison.


Sinuri ni Escudero ang stenographic notes at kinumpirmang ginamit nga ang katagang “respondent-accused.”


Dahil dito, ibinasura niya ang mosyon ni Diokno na alisin ang naturang pagtukoy sa rekord.


Naugnay rin sa pagtatalo ang presumption of innocence at ang antas ng ebidensyang kinakailangan sa impeachment.


Iginiit ni Diokno na bagama't naaangkop ang Bill of Rights sa mga proceeding sa pangkalahatan, ang presumption of innocence at proof beyond reasonable doubt ay mga pamantayang karaniwang kaugnay ng mga criminal case.


Sinabi naman ni Sison na hindi naman inaangkin ng depensa na proof beyond reasonable doubt ang kinakailangang pamantayan para sa conviction sa impeachment trial.


Tinapos ni Escudero ang tinawag niyang “intramurals” ng dalawang panig matapos ilabas ang ruling, at ipinagpatuloy ng korte ang nakatakdang oral arguments nitong Miyerkules. 


bottom of page