Defense team ni VP Sara, tinanggap ang pag-atras ng law professor bilang saksi
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network
November 5, 2026 at 12:26:12 PM
Kinilala at tinanggap ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ni Dean Ralph Sarmiento, isang propesor ng batas, na umatras bilang saksi sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, nitong Huwebes, Nobyembre 5, lubos na iginagalang ng kanilang legal team ang naging pasya ni Sarmiento at pinasalamatan ito sa una nitong pagsasaalang-alang sa kanilang imbitasyon.
“Iginagalang namin ang personal na desisyon ni Dean Sarmiento at pinahahalagahan ang una niyang pagsasaalang-alang sa aming imbitasyon (We respect Dean Sarmiento’s personal decision and appreciate his initial consideration of our invitation),” pahayag ni Poa. “Hangad namin ang kanyang tagumpay sa patuloy niyang mga ambag sa talakayang konstitusyonal (We wish him well in his continued contributions to constitutional discourse).”
Inanunsyo ni Sarmiento ang pagtanggi niya sa pamamagitan ng isang bidyong inilathala sa Facebook. Ipinaliwanag niya na maaaring maapektuhan ang kanyang pagiging obhetibo bilang akademiko at komentarista sa usaping legal kung haharap siya bilang saksi.
“Napagpasyahan kong tanggihan ang paglahok bilang saksi sa mga pagdinig. Personal ko itong naging desisyon upang mapanatili ang kalayaan ng aking mga akademikong pag-aaral sa batas konstitusyonal at ang pagiging walang kinikilingan ng aking mga pananaw at opinyon sa batas (I have decided to decline participation as a witness in the proceedings. This is a personal decision to preserve the independence of my constitutional law scholarship and the impartiality of my legal views and opinions),” ani Sarmiento.
Sinabi rin ni Sarmiento na hiniling niya sa defense team ni Duterte na bawiin ang kahilingan nitong magpalabas ng subpoena na mag-uutos sa kanya na tumestigo sa impeachment court ng Senado, o hilingin ang pagpapawalang-bisa nito kung naipalabas na.
Bagama't nagpasalamat siya sa defense team sa pagsasaalang-alang sa kanyang mga pananaw, nilinaw ni Sarmiento na ang mga nauna niyang komentaryo sa social media tungkol sa mga paglilitis ay para lamang sa talakayang legal at hindi nilalayong magsilbing testimonya sa korte.
“Hindi ko inaasahan na maaaring maging bahagi ng mga paglilitis sa impeachment ang aking mga pampublikong komentaryo (I did not expect my public commentaries to potentially figure in the impeachment proceedings),” dagdag niya.
Itinanghal ng defense team si Sarmiento bilang una nitong saksi upang kontrahin ang mga alegasyon tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman laban kay Duterte. Si Sarmiento ay propesor ng Political and Constitutional Law at dating vice chancellor for administration ng University of St. La Salle College of Law.
Inihain ang kahilingan para sa subpoena noong Nobyembre 4, bago ang nakatakdang pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 9.
Nauna nang nagpahayag sa publiko si Sarmiento ng panawagan para sa pagiging patas ng paglilitis matapos ibasura ng prosekusyon ang tatlo sa apat na orihinal na reklamong impeachment laban sa bise presidente.

