top of page

Defense team ni VP Duterte, walang tutol sa pag-alis kay Trillanes bilang testigo

Praluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

October 2, 2026 at 2:43:20 PM

Larawan nina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at dating Senador Antonio Trillanes IV

Joseph B. Vidal / Senate Social Media Unit

Iginiit ng depensa ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na iginagalang nila ang desisyon ng prosekusyon na alisin si dating senador Antonio Trillanes IV sa listahan ng kanilang mga testigo sa nagpapatuloy na impeachment trial.


Ayon kay Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, nakahanda sana silang sumalang sa cross-examination sakaling itinuloy ang pagharap ng dating senador sa impeachment court.


"Sa amin naman po, we were really prepared with the list of witnesses that they gave initially (Talagang nakahanda kami sa listahan ng mga testigong una nilang ibinigay). Naghanda po kami kung sino ang naka-assign," pahayag ni Poa sa isang press briefing matapos ang ika-32 araw ng paglilitis. 


“Kung sa tingin nila ay mas makabubuti para sa kanilang estratehiya na alisin ang isang testigo, kung sino man iyon, hindi lamang si dating senador Trillanes, kundi kahit sino pa man, patuloy namin iyong igagalang (If they think na better for their strategy to drop a witness, whoever it may be, not specifically [former] senator Trillanes, but whoever it may be, we will continue to respect that),” ani Poa


Nilinaw naman kinalaunan ni Trillanes na siya mismo ang humiling sa House prosecution panel na alisin siya sa listahan. Ito ay matapos ianunsyo ni House lead prosecutor Gerville Luistro na hindi na ihaharap ang dating senador.


Si Trillanes, na kilalang kritiko ng pamilya Duterte, ay nagpahayag na magsasagawa siya ng press briefing sa Biyernes, Oktubre 2, habang nakatutok ang impeachment court sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban sa bise presidente.


Samantala, inurong ng Senate impeachment court sa Lunes, Oktubre 5, ang susunod na sesyon matapos pagbigyan ang hiling ng depensa para sa karagdagang panahon. 


Ayon kay Poa, kailangan nila ng dagdag-oras upang masuri ang mga dokumento kaugnay ng planong testimonya ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura, dahil buod lamang ng mga materyales ang kanilang natanggap noong Huwebes ng umaga.


bottom of page