Dating opisyal ng Palasyo, hiniling sa Supreme Court na ipawalang-bisa ang bagong threshold sa impeachment vote
Sandra Samala-Salem
September 27, 2026 at 8:11:26 AM
MANILA – Hiniling ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez sa Supreme Court na ipawalang-bisa ang bagong pormula ng Senate impeachment court sa pagtukoy ng kinakailangang dalawang-katlong boto para mahatulan ng guilty si Vice President Sara Duterte, dahil umano binago nito ang itinakdang constitutional threshold.
Sa 24-pahinang petition na inihain sa Supreme Court, hiniling ni Rodriguez na ipawalang-bisa ang naging ruling ng impeachment court noong Setyembre 23. Humiling din siya ng temporary restraining order (TRO) upang pansamantalang ihinto ang pagpapatupad sa naturang desisyon habang sinusuri ng Supreme Court ang kanyang petisyon.
Ugat ng petisyon ang desisyon ng impeachment court na baligtarin ang naunang ruling ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero noong Hulyo 6, kung saan itinakda na kailangan ng 16 na boto—dalawang-katlo ng buong 24 na miyembrong Senado—upang mahatulan ng guilty ang isang impeached official.
Sa bagong pormulang pinagtibay ng Senado, ang pariralang “all members of the Senate” sa Konstitusyon ay tumutukoy lamang sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa oras ng botohan. Dahil dito, maaaring hindi isama sa kabuuang bilang ang mga senador na nakakulong, hindi makadalo dahil sa kondisyong medikal, wala sa saklaw ng kapangyarihan ng Senado, o may iba pang dahilan na hindi sila makalahok sa mga paglilitis.
Ayon kay Rodriguez, walang constitutional authority ang impeachment court na baguhin ang kabuuang bilang na ginagamit sa pagkukuwenta ng kinakailangang dalawang-katlong boto.
“Hindi lamang ito pagbabago sa proseso. Binabago nito ang aktuwal na constitutional threshold para sa paghatol (This is not merely a change in procedure. It changes the operative constitutional threshold for conviction),” nakasaad sa petisyon. “Sa esensya, nagdagdag ang Tribunal ng isang kwalipikasyon sa pariralang nasa Konstitusyon na ‘lahat ng miyembro ng Senado’ (In essence, the Tribunal has added a qualification to the constitutional phrase: ‘all Members of the Senate’). The Constitution itself contains no such qualification.”
Partikular na hiniling ni Rodriguez sa Supreme Court na:
Ideklarang null and void ang ruling noong Setyembre 23, partikular ang probisyong nagpapahintulot na bawasan ang constitutional denominator sa pamamagitan ng hindi pagsama sa mga kasalukuyang senador dahil sa kanilang pagliban o hindi paglahok;
Pagtibayin na ang Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution, na nag-aatas ng dalawang-katlong boto ng lahat ng miyembro ng Senado upang mahatulan ng guilty ang isang impeached official, ay mahigpit na naaangkop sa lahat ng 24 na senador.
Ipasiya na hindi maaaring gamitin ng Senado ang sarili nitong rules of procedure upang baguhin ang constitutional denominator.
Ibalik ang ruling ni Escudero noong Hulyo 6 na nagtakda sa 16 na boto bilang kinakailangang bilang para sa conviction.
Iginiit ni Rodriguez na binubuo ng 24 na miyembro ang Senado at hindi nawawala ang pagiging miyembro ng isang senador dahil lamang sa kanyang pagliban o hindi paglahok sa mga paglilitis.
Lumutang ang usapin tungkol sa voting base dahil sa matagal na pagliban ng apat na senador sa impeachment proceedings. Nakakulong sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta sa Quezon City Jail kaugnay ng mga kasong plunder. Naka-extended medical leave naman sa France si Sen. Loren Legarda, habang hindi dumadalo sa mga pagdinig si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.
Pinagtibay ng Senate impeachment court ang ruling noong Setyembre 23 sa botong 13-1, habang anim na senator-judge ang hindi lumahok sa botohan.
Iginiit naman ng impeachment court na hindi nito binago ang mismong constitutional requirement na dalawang-katlong boto. Sa halip, sinabi nitong nilinaw lamang ng ruling kung sinu-sinong kasalukuyang miyembro ng Senado ang dapat isama sa voting base kapag may mga senador na legal o pisikal na hindi makalalahok bilang mga hukom.

