top of page

Confidential at intelligence fund, ililimita lang sa mga ahensyang may mandato para sa law enforcement, intelligence at national security

Sari Story

September 1, 2026 at 3:40:32 PM

Larawan ni Senador JV Ejercito

Kuhang-larawan ni Senador JV Ejercito mula sa Facebook page ng Senado ng Pilipinas.

Wendell D. Alinea / Senate Social Media Unit

Sa pagbalangkas ng P7.2 Trillion na 2027 national budget, tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman JV Ejercito na lilimitahan lang ang pagkakaloob ng alokasyon para sa confidential at intelligence fund sa mga ahensyang may mandato sa law enforcement, intelligence, at national security.

Kung matatandaan, dawit sa usapin ng katiwalian ang diumano'y maling paggamit ni Vice President Sara Duterte sa P612.5 million na confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at noong kalihim pa ito ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Ejercito, ito ang magiging polisiya niya bilang Chairman ng Finance Committee upang mawala na ang kontrobersiya sa confidential at intelligence fund.

Sinabi ng senador na bagaman iginagalang ng mataas na kapulungan ang pangangailangan para sa confidentiality kung saan nakasalalay ang ating national security at lehitimong operasyon, tungkulin naman aniya ng gobyerno na protektahan ang publiko mula sa anumang panganib sa seguridad.

"Confidential and intelligence funds should be limited to agencies whose mandate is law enforcement, intelligence, and national security. So para mawala na po yung kontrobersya. So, bilang chairman of finance, ito na po yung aking pong magiging polisiya. So, it will be limited to agencies with mandate or law enforcement, intelligence, and national security", ayon kay Ejercito.

Gayunman, binigyang-diin ni Ejercito na hindi ibig sabihin na confidential ay wala nang pananagutan sa paggamit ng pondo.

Katwiran ng mambabatas, dahil pondo ito ng bayan, mangangailangan pa rin ito ng accountability kung paano ginastos na bahagi ng mandato ng pamahalaan.

"Confidential fund does not mean unaccountable. Hindi naman ibig sabihin na confidential fund yan eh hindi na yan dapat magkaroon accountability" giit ng senador.

Dagdag pa ni Ejercito, mahalagang mabalanse ang seguridad at pananagutan at maging responsable ang mga ahensya sa paggamit ng kanilang confidential at intelligence fund.

"So we have to strike a balance between the two, security and accountability or the responsible use of this part. So kailangan natin balansehin", pahayag ni Ejercito.

bottom of page