Analyst: Yaman at hindi idineklarang kita nina VP Duterte, mister, umabot sa ₱817.87 milyon
Sandra Samala-Salem
October 11, 2026 at 9:53:03 AM
Ayon sa isang financial forensic analyst na tumestigo para sa prosekusyon sa impeachment trial sa Senado nitong Biyernes, umabot umano sa P817.87 milyon ang hindi maipaliwanag na yaman at hindi idineklarang mga ari-arian ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si abogado Manases “Mans” Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Inilahad ni abogado Alexander Cabrera ang kanyang mga natuklasan sa ika-37 araw ng paglilitis. Pinagsama-sama niya ang mga sinasabi niyang iregularidad sa mga rekord pinansiyal ng mag-asawa bilang bahagi ng kaso ng House prosecution panel sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment.
Kabilang sa halagang ito ang umano’y hindi idineklarang pera, mga personal na ari-arian at real property, gayundin ang kita, kabilang ang mga kinita mula sa mga kumpanyang Cale88 Foods Corp., Metro City at GenCorp.
Ayon kay Cabrera, nakuha niya ang kabuuang halaga sa pamamagitan ng piercing the corporate veil—isang legal na prinsipyo na nagpapahintulot sa mga korte, sa ilang pagkakataon, na balewalain ang hiwalay na legal na personalidad ng isang korporasyon at papanagutin ang mga indibidwal sa mga obligasyon nito.
Tiniyak ni Cabrera sa impeachment court na hindi nadoble ang bilang sa kanyang mga kalkulasyon nang tanungin kung may mga halagang naitala nang higit sa isang beses.
“Ang amin pong method na ginamit po dito ay very conservative. '’Yun 'yung aming inalagaan, na walang double counting, wala pong duplication ng count,” ani Cabrera.
Batay sa talaan ni Cabrera, umabot sa ₱190,628,012 noong 2022, ₱167,337,227 noong 2023, ₱264,217,123 noong 2024, at ₱195,692,505 noong 2025 ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi idineklarang mga ari-arian at kita ng mag-asawa.
Binanggit din ni Cabrera ang pagpapakasal ng mag-asawa noong 2007 sa pagtalakay kung paano dapat ituring ang kanilang mga ari-arian sa ilalim ng batas.
Ayon sa kanya, dahil walang prenuptial agreement o kautusan ng korte na naghihiwalay sa kanilang mga ari-arian, saklaw ang kanilang pagsasama ng absolute community of property sa ilalim ng Family Code. Sa ilalim nito, karaniwang itinuturing na pag-aari ng mag-asawa ang kanilang mga ari-arian, maliban sa mga eksepsiyong itinatakda ng batas.
Iniharap ng House prosecution panel ang testimonya ni Cabrera upang pagsama-samahin ang mga ebidensiya at maipaliwanag ang kabuuan ng kasong nakapaloob sa Article II ng impeachment complaint.
Inaakusahan sa nasabing artikulo si Duterte ng pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi kumpleto at tapat na pagsisiwalat ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at hindi pagbitaw sa kanyang mga interes sa negosyo nang manungkulan bilang bise presidente.
Si House prosecutor at Akbayan Representative Jose Manuel “Chel” Diokno ang nagharap kay Cabrera bilang expert witness. Nagtapos si Cabrera ng abogasya sa Ateneo Law School noong 1994, sumailalim sa pagsasanay sa pamamahala sa Harvard Business School, at nagtrabaho bilang certified public accountant bago pumasok sa propesyon ng abogasya.

