15 kinatawan ng mga bangko at insurance, inaasahang haharap bilang saksi sa paglilitis kay VP Sara Duterte
Sari Story
October 6, 2026 at 10:12:08 AM
Nakahanda nang humarap at tumestigo nitong Martes ang mga kinatawan ng 14 na kumpanya ng pagbabangko at insurance sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kinumpirma ni Senate President at Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero ang kanilang pagdalo sa pagsisimula ng ika-34 na araw ng paglilitis.
“Lahat ng 15 (kinatawan ng) mga kumpanya ng pagbabangko at insurance ay narito kasama natin (All 15 (representatives of) banking and insurance companies are here with us),” ani Escudero.
Nilinaw niya na ang ika-16 na opisyal na nasa listahan ng korte ay mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Hiniling naman ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa korte na payagan ang prosekusyon at depensa na makipagpulong muna sa mga kinatawang ipinatawag sa pamamagitan ng subpoena bago ang inaasahang pagtestigo ng mga ito.
“Kung narito sila, hinihiling ng prosekusyon na magkaroon ng conference ang mga partido sa kanila upang makakuha tayo ng paunang impormasyon kaugnay ng kanilang pagkakakilanlan, uri ng kanilang trabaho, at iba pang kaugnay na usapin, Your Honor (If they are in attendance, it is the prosecution’s request for a conference of the parties to be undertaken with them so that we can be able to obtain preliminary information relating to their identities, their type of work, and among related matters, Your Honor),” ani Ridon.
Sumang-ayon ang depensa ngunit hiniling na isagawa ang pagpupulong sa ilalim ng pangangasiwa ng korte. Pinagbigyan naman ito ni Escudero.
“Inaatasan ang clerk of court na magpadala ng kinatawan ng korte upang mangasiwa sa pagpupulong ng mga partido at mga testigong mula sa mga bangko at kompanya ng insurance (The clerk of court is directed to send the representative of the court to oversee the parties’ conference with the witnesses from the banks and insurance companies),” ani Escudero.
Pinayagang isagawa ang pagpupulong habang ipinagpapatuloy ng depensa ang cross-examination kay Anti-Money Laundering Council Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura.
Nauna nang nagpalabas ng subpoena ang impeachment court sa mga kinatawan ng Land Bank of the Philippines, Asia United Bank, Philippine Savings Bank, Metropolitan Bank and Trust Co., Bank of the Philippine Islands, Philippine National Bank, at BDO Unibank.
Ipinatawag din ang mga kinatawan ng Prudential Life, Allianz, Manufacturers Life, FWD Life, BPI-AIA Life, BDO Securities, at BDO Life.
Inatasang tumestigo ang mga kinatawan ng mga institusyong pinansyal at dalhin ang mga rekord na hinihingi ng prosekusyon bilang bahagi ng ebidensiya nito sa ilalim ng Article II ng impeachment case.
Sa naturang artikulo, inaakusahan si Duterte ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman at mga pagkakaiba sa kanyang mga financial declaration.

