VP Sara Duterte, nagpiyansa na sa kasong grave threats
Sari Story
September 7, 2026 at 6:07:50 AM
MAYNILA — Nagpiyansa na nitong Sabado si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court matapos na maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya kaugnay ng three counts ng kasong grave threats.
Ito ay nag-ugat sa mga pahayag niya laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang utos ng pag-aresto ay panibagong legal na hamon sa Bise Presidente na nahaharap din sa impeachment trial ng Senado. Kapag napatunayang guilty sa impeachment case, maaari siyang matanggal sa puwesto, at maaapektuhan ang plano niyang pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2028.
Ito ang pinakabagong eksena sa hidwaan sa pagitan ng dalawang makapangyarihang political dynasties sa Pilipinas. Kapwa anak ng mga dating pangulo sina Marcos at Duterte. Noong 2022, nabuo ang kanilang alyansa na nagbigay-daan sa kanilang pagwawagi sa halalan, ngunit nagkahiwalay noong 2024.
Nitong Sabado, suot ang itim na damit at napapalibutan ng dose-dosenang pulis, sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag sa labas ng korte na pakiramdam niya’y hindi siya ligtas at inakusahan ang mga awtoridad ng harassment. Ayon sa Bise Presidente, dahil sangkot sa kaso ang pangulo, first lady at pinsan ni Marcos, lalo umanong lumala ang kanyang pangamba.
“Kung magpipiyansa ako, hindi titigil ang harassment. Kung hindi ako magpipiyansa, dadalhin ako sa pulisya. Wala akong tiwala sa pulisya, wala akong tiwala sa mga korte. Hindi talaga ako ligtas,” sabi ni Vice President Duterte. (“If I post bail, the harassment won’t stop. If I don’t post bail, I’ll be taken to the police. I have no trust in the police, I have no trust in the courts. I do not feel safe at all.”)
Tinanong din ni Duterte kung sino ang mananagot kung mamatay siya, at sinabi niyang maaari lamang umanong maghugas-kamay ang mga pulis at sabihing aksidente lamang ang nangyari.
Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ipinakita ng pulisya kay Duterte ang nararapat na respeto nang tanungin siya tungkol sa mga pahayag ng Bise Presidente.
“Nakakalungkot na ang lahat ng pressure sa kanyang buhay ay nakaaapekto sa kanyang pananaw,” sabi ni Remula sa isang mensahe. (“It's very unfortunate that all the pressure in her life is affecting her perception.”)
Hindi agad tumugon ang tanggapan ni Pangulong Marcos sa kahilingan para sa komento tungkol sa pahayag ni Duterte na hindi siya ligtas. Pero una nang iginiit ng Malacanang nitong Biyernes na igagalang nito ang anumang desisyon o kautusan na ilalabas ng korte.
Nakitaan ng korte ng probable cause para litisin si Duterte sa lahat ng tatlong kaso ng grave threats, at itinakda ang piyansa sa 120,000 pesos kada kaso, o kabuuang 360,000 pesos.
Nag-ugat ang mga kasong ito sa isang online press conference noong Nobyembre 2024, kung saan sinabi ni Duterte na nakipag-usap siya sa isang assassin at inutusang patayin sina Marcos, ang kanyang asawang si Liza Araneta Marcos, at ang kanyang pinsan na si Martin Romualdez, kung siya mismo ay mapatay. Pero kalaunan, itinanggi ni Duterte na nagbanta siya laban sa mga ito.
Kasama rin sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente ang umano'y mga pagbabanta.
Nahaharap din siya sa mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng bayan habang siya ay Bise Presidente at kalihim noon ng Department of Education—mga paratang na kanyang itinatanggi.

