top of page

Unang Ginto Ng Pilipinas Sa Asian Games, Nasungkit Ni Carlos Yulo

Sandra Samala-Salem

September 25, 2026 at 9:31:59 AM

Larawan ni Carlos Edriel Yulo

Asian Games: Aichi-Nagoya 2026. Artistic Gymnastics. Nagoya City General Gymnasium, Nagoya, Japan. Setyembre 24, 2026. Ipinagdiriwang sa podium ng gold medalist ng Pilipinas na si Carlos Edriel Yulo ang kanyang pagkapanalo sa men’s floor exercise final.

Edgar Su / Reuters

Two-time Olympic champion Carlos Edriel Yulo nasungkit ang unang gintong medalya sa 20th Asian Games, sa pamamagitan ng kanyang kahanga-hangang performance sa floor exercise nitong Huwebes, Setyembre 24, 2026.

 

Ayon sa Philippine Sports Commission o PSC, pinabagsak ni Yulo, 26, ang kanyang mga katunggali sa Men’s Floor Exercise finals na ginanap sa Nagoya City General Gymnasium o Rainbow Hall, matapos magtala ng winning score na 14.666.


Isinagawa ni Yulo ang isang high-impact routine na may difficulty rating na 5.7 at execution score na 8.966.


Ang tagumpay na ito ay isang mahalagang dagdag sa makulay nang karera ni Yulo, dahil nakumpleto na nito ang kanyang koleksyon sa pamamagitan ng Asian Games gold. Kabilang sa kanyang mga nakamit ang dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics at anim na World Championship medals, kabilang ang dalawang ginto, sa apat na paglahok.


Pagbangon sa Hamon


Dumating ang tagumpay ni Yulo matapos ang isang mahirap na simula sa kanyang kampanya sa Japan.


Sa qualification round noong Lunes, Setyembre 21, 2026, nakakatakot ang naging pagkadulas ni Yulo sa vault at bumagsak siya nang diretso sa kanyang likuran.


Gayunman, ipinakita niya ang matinding composure at muling bumangon upang tapusin ang kanyang ikalawang vault. Dahil dito, nakakuha siya ng ikapitong puwesto at nakapasok sa apparatus final.


Matapos pangunahan ang Team Philippines sa men's team final noong Miyerkules at tulungan itong makamit ang ikaanim na puwesto, positibo pa ring binalikan ni Yulo ang naging setback niya sa qualification round.


“In the qualification, we managed to have a good time and really enjoy the moment,” ani Yulo sa panayam ng Olympics.com.


Lalong naging espesyal ang kompetisyon para kay Yulo dahil kasama niya sa entablado ang kanyang 18-anyos na kapatid na si Karl Eldrew Yulo.


Sa kanyang unang pagsabak sa Asian Games, nakapasok din si Karl sa floor exercise final matapos makuha ang ikapitong puwesto sa qualification round, na nagbigay-katuparan sa kanyang pangarap noong bata pa siya na makasama ang kanyang kuya sa isang international competition.


Paglalakbay na Hinubog ng Determinasyon


Ipinanganak noong Pebrero 16, 2000, nagsimula ang pag-angat ni Yulo bilang nangungunang artistic gymnast ng Pilipinas sa edad na pitong taon lamang.


Habang bumibisita sa isang pampublikong parke sa Maynila kasama ang kanyang lolo na si Rodrigo Frisco, napansin ni Yulo ang isang batang gymnast na nagsasanay.


Dahil mabilis niyang nagaya ang mga galaw ng gymnast, dinala siya ng kanyang lolo kay coach Rodrigo Ortero sa Rizal Memorial Sports Complex.


Hindi nagtagal, napansin ni Cynthia Carrion-Norton, pangulo ng Gymnastics Association of the Philippines o GAP, ang likas na talento ni Yulo.


Ang kanyang suporta ang naging daan upang makalipat si Yulo sa Tokyo sa edad na 16 at magsanay sa ilalim ng Japanese coach na si Munehiro Kugimiya.


Ang hakbang na iyon ang nagsilbing pundasyon ng mga makasaysayang tagumpay ni Yulo sa international gymnastics.


May pagkakataon pa si Yulo na madagdagan ang kanyang medalya sa Asian Games habang naghahanda siya para sa mga susunod na individual apparatus finals sa vault at parallel bars.


bottom of page