Two-time Olympic champion Carlos Yulo, nasungkit ang ikalawang gintong medalya sa Asian Games
Sandra Samala-Salem
September 25, 2026 at 12:23:06 PM
Two-time Olympic champion Carlos Edriel Yulo, dalawang beses na ring Asian Games gold medalist
Muling nagpakitang-gilas si Yulo sa 20th Asian Games matapos niyang makuha ang ikalawa niyang gintong medalya sa kompetisyon nang manguna sa men's artistic gymnastics vault event noong Biyernes, Setyembre 25, 2026, sa Nagoya City General Gymnasium sa Japan.
Nagtala ang 26-anyos na gymnast ng iskor na 14.599 puntos upang manguna sa vault final, bahagyang nalampasan si Mahdi Olfati ng Iran na nagkamit ng pilak sa iskor na 14.533 puntos.
Nasungkit naman ni Ka Ki Ng ng Hong Kong ang tansong medalya matapos magtala ng 14.116 puntos. Pang-apat si Joeho Kim ng South Korea sa iskor na 14.016, habang panglima naman ang kapwa Pilipinong gymnast na si Juancho Miguel Besana na nagtala ng 13.783 puntos.
Ang pagkapanalo ni Yulo sa vault ay kasunod lamang ng isang araw matapos niyang ibigay sa Pilipinas ang unang gintong medalya nito sa Games sa men's floor exercise noong Huwebes. Nagtala siya ng 14.666 puntos upang talunin sina Milad Karimi ng Kazakhstan na may 14.600 at Shoma Tsukiyama ng Japan na may 14.566.
Pagbangon at mga susunod na layunin
Para kay Yulo, may malalim na personal na kahulugan ang magkakasunod niyang gintong medalya sa Asian Games. Aniya, nagsilbi itong pagkakataon upang makabawi matapos ang hindi magandang naging pagtatanghal niya sa 2018 Jakarta Asian Games, kung saan nahulog siya habang isinasagawa ang kanyang routine at nagtapos sa ikapitong puwesto.
“Ang medalya na ito, parang nanalo rin ako sa Olympics, dahil parang kapareho ito ng nangyari noong 18 anyos ako sa 2018 Jakarta Asian Games (This medal, it's like winning the Olympics, also because it's kind of the same back when I was 18 years old, at the 2018 Jakarta Asian Games),” ani Yulo matapos ang kanyang panalo sa floor exercise.
“Medyo nagkamali ako sa routine ko roon... Napakagandang kuwento nito, at pakiramdam ko ay nakabawi ako sa kompetisyong ito (Kind of messed up my routine there... It's really a good story, and I feel like I redeemed it in this competition.) ,” dagdag niya.
Itinuturing ni Yulo, na dalawang beses nagkamit ng gintong medalya sa Paris 2024 Olympics, na mahalagang hakbang ang kanyang mahusay na pagtatanghal sa Japan sa kanyang pangmatagalang paghahanda para sa 2028 Los Angeles Olympics.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kumpiyansa at pagpapanatili ng mabuting kalagayan sa katawan habang tinatahak ang kanyang mga susunod na layunin.
Pamilya at suporta sa mga kasamahan
Naging usaping pampamilya rin ang kompetisyon dahil kasabay ni Yulo sa torneo ang kanyang 18-anyos na kapatid na si Karl Eldrew, na nakapasok sa floor final ngunit nagtapos sa ikapitong puwesto matapos magkamali sa unang bahagi ng kanyang routine.
“Siguro nahihirapan siya ngayon, at alam kong malalampasan niya ito at gagawin niyang aral ang nangyari. Bahagi ito ng paglalakbay (He's having a hard time, maybe, and I know that he will overcome this and take it as a lesson. It's part of the journey),” ani Yulo tungkol sa kanyang nakababatang kapatid.
Nagpasalamat naman ang kanyang kasamahan sa koponan na si Juancho Miguel Besana matapos niyang magtapos sa ikalimang puwesto sa vault final.
“Maganda ang pakiramdam ko. Masaya ako na naitama ko ang dalawang vault. At kahit may nararamdamang sakit, nakalabas ako nang walang malubhang injury (I'm feeling good.
Happy to be able to land both vaults. And despite the pain, I walked away with no major injuries),” ani Besana.
“Napakagandang bagay na ang dalawang gintong medalya ng Pilipinas ay mula sa gymnastics. Sana ay mahikayat nito ang iba pang sports na magpatuloy at makapag-uwi pa ng mas maraming ginto para sa Pilipinas (It's a wonderful thing that the Philippines got its two golds from gymnastics. So, hoping that the other sports will be able to rally behind us and bring more golds for the Philippines),” dagdag niya.
Bukod sa kanyang sariling mga laban, nagpahayag din si Yulo ng suporta sa iba pang atletang Pilipino na lumalahok sa Nagoya, kabilang ang nangungunang Filipina tennis player na si Alex Eala.
“Alam kong maglalaro siya nang husto (I know she's going to smash it),” ani Yulo. “ Alam kong kaya niya talaga. At talagang nasasabik din akong makita ang iba pang atleta na lumaban at ibigay ang kanilang makakaya (I know she can do it, really. And I'm just really excited for other athletes also to compete and give their best).”
Pinakabagong medal tally
Dahil sa dalawang gintong medalya ni Yulo, lahat ng gold medals ng Pilipinas sa Games ay nagmula sa gymnastics.
Kasalukuyang nasa ika-13 puwesto ang Pilipinas sa overall medal standings, na may dalawang ginto, isang pilak, at apat na tansong medalya.
Nangunguna naman ang China sa overall medal table na may 86 gintong medalya, sinundan ng host country na Japan sa ikalawang puwesto na may 22 ginto, at South Korea sa ikatlong puwesto na may 12 ginto.

