top of page

Tinatayang 20 milyong bata, nakaranas ng online sexual abuse sa loob ng isang taon — UNICEF

Sari Story

September 4, 2026 at 8:25:10 AM

Larawan ng laptop

Isang laptop kung saan kita ang isang kamay

Roman Kopylov / Unsplash sa pamamagitan ng Wix

GENEVA — Tinatayang 20 milyong batang gumagamit ng internet sa 21 bansa ang nakaranas ng sexual exploitation o pang-aabuso sa mga digital platform sa loob lamang ng isang taon. Ito ang napag-alaman sa bagong ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) nitong Huwebes.


Ayon sa ulat, mahigit isa sa bawat limang batang edad 12 hanggang 17 sa Africa, Asia, Latin America at Eastern Europe ang nakaranas ng hindi bababa sa isang uri ng sexual abuse o exploitation sa mga online platform noong isang taon bago isinagawa ang survey.

Tinatayang 15 milyong bata sa mga bansang sinuri ang nakakita o nalantad sa hindi kanais-nais na sexual content, habang 9 milyon ang napilitang makipag-usap tungkol sa sex o magbahagi ng sexual images. Samantala, 4 milyon naman ang nakaranas na maibahagi ang kanilang sexual images nang walang pahintulot.


Tingin ng UNICEF, mas marami pa ang bilang ng mga batang nakararanas ng ganitong uri ng pang-aabuso sa buong mundo at tiyak na aabot sa mas mataas pang bilang.


Inilarawan ng UNICEF ang pananaliksik bilang isa sa pinakamalalaking pag-aaral na isinagawa tungkol sa usapin. Nakabatay ito sa mga national representative survey na isinagawa mula 2020 hanggang 2025 sa humigit-kumulang 21,000 batang gumagamit ng internet sa 21 bansa, kabilang ang Kenya, Pakistan, Brazil at Serbia.


SOCIAL MEDIA ANG PANGUNAHING LUGAR NG PANG-AABUSO


Halos 60 porsiyento ng mga naitalang kaso ng pang-aabuso ay naganap sa social media platforms, kabilang ang Facebook, WhatsApp, Instagram, Snapchat at TikTok, habang 14 porsiyento naman ay nangyari sa online gaming, ayon sa ulat.


Sinabi ng isang tagapagsalita ng Meta, na nagmamay-ari ng Facebook, WhatsApp at Instagram, na ang mga survey ay nagsimula pa noong 2020—bago ipatupad ng kumpanya ang ilan sa mga proteksiyong inirekomenda ng UNICEF, gaya ng awtomatikong paglalagay sa mga teenager sa private accounts at pagpigil sa mga adult na makapagpadala ng mensahe sa mga teenager na hindi naman sila konektado. Idinagdag din ng Meta na itinuturing nito ang WhatsApp bilang isang private messaging app at hindi social media platform.


“Bagama’t walang partikular na ebidensya ng pang-aabuso na inilalahad sa ulat, patuloy ang aming gagawing agresibong paglaban sa child exploitation sa aming mga app at pagsuporta sa mga law enforcement agency sa pagsasampa ng kaso laban sa mga kriminal na nasa likod nito,” pahayag ng tagapagsalita ng Meta. (While the report doesn't provide any specific evidence of abuse, we'll continue to fight child exploitation aggressively across our apps and support law enforcement in prosecuting the criminals behind it.)


Samantala, sa panig naman ng Snapchat, binigyang diin sa isang blog post ni Jacqueline Beauchere, Global Head of Platform Safety ng kumpanya, na aktibong nilalabanan ng Snapchat ang online sexual extortion sa pamamagitan ng proactive detection, pagtanggal ng mga account, user reporting tools at mga safety feature na idinisenyo upang protektahan ang mga vulnerable user.


Sinabi naman ng TikTok na mayroon itong iba’t ibang safety measures para protektahan ang mga menor de edad, kabilang ang paghihigpit sa ilang feature para sa mas batang users, awtomatikong paglalagay ng mga account ng wala pang 18 taong gulang sa private setting, at paggamit ng teknolohiya upang matukoy ang posibleng predatory behavior.


Ayon sa UNICEF, mahigit kalahati ng mga kaso ay kinasasangkutan ng isang taong kilala na ng bata, gaya ng kaibigan, kamag-anak o romantic partner. Samantala, 38 porsiyento ng mga bata ang unang nakilala ang kanilang nang-abuso online.


Mas mababa sa 1 porsiyento ng mga kaso na kinasasangkutan ng mga bata ang naiulat sa pulisya, social worker o helpline, ayon sa pag-aaral.


Binigyang diin din ng ulat ang lumalaking pangamba kaugnay ng paggamit ng artificial intelligence (AI). Sa siyam na bansang may nakalap na datos, tinatayang 1.1 milyong bata ang nagsabing may AI-generated sexual images o videos na ginawa na naglalarawan sa kanila.


Ayon sa pag-aaral, ang mga batang nakaranas ng tech-facilitated sexual exploitation ay humigit-kumulang apat na beses na mas malamang na magkaroon ng suicidal thoughts o self-harm kumpara sa kanilang mga ka-edad. Nakararanas din sila ng mas mataas na antas ng anxiety.


 “Ang mga karanasang ito ay nagdudulot ng matinding emosyonal at mental na paghihirap. Maraming bata ang tahimik na nagdurusa dahil hindi nila alam kung kanino sila maaaring humingi ng tulong,” sinabi ni UNICEF Executive Director Catherine Russell sa isang pahayag. (These experiences cause profound emotional and mental distress. Many children suffer in silence, unsure where to turn for help.)


Nanawagan ang UNICEF sa mga pamahalaan at technology companies na palakasin ang mga safety measure sa digital platforms, i-update ang mga batas upang matugunan ang mga bagong anyo ng pang-aabuso, kabilang ang AI-generated content, at pagbutihin ang mga sistema para sa child protection at pag-uulat ng mga kaso.


bottom of page