top of page

Patay sa nasunog na barko sa Palawan, umabot na sa 76; karagdagang mga labi, narekober

Sari Story

September 13, 2026 at 3:38:18 AM

Larawan ng nasunog na MV June Aster

Makikita sa kuha mula sa drone ang mga emergency worker na umaakyat sa nasunog na MV June Aster, isang araw matapos sumiklab ang sunog sa barko, sa karagatan sa baybayin ng Palawan, Pilipinas, Setyembre 11, 2026.

Philippine Coast Guard / Handout sa pamamagitan ng REUTERS

CORON, PALAWAN — 41 pang sunog na labi mula sa nasunog na lantsang MV June Aster ang narekober, ayon sa mga awtoridad nitong Sabado. Dahil dito, umakyat na sa 76 ang bilang ng mga nasawi, habang 13 katao pa ang hindi pa natatagpuan. Patuloy naman ang pagtukoy ng mga forensic team sa pagkakakilanlan ng mga biktima.


Nagsimula na ang naturang proseso matapos dalhin sa isang pantalan sa bayan ng Coron ang 30 bangkay na narekober noong Biyernes. Nagtayo ng mga pansamantalang tolda para sa mga forensic team na nagsasagawa ng pagsusuri at pagtukoy sa mga nasawi.


Suot ang ang protective suit, inililipat ng mga responder ang mga itim na body bag mula sa isang sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard patungo sa mga tolda. Naghihintay naman sa malapit ang mga nag-aalalang kaanak para sa balita tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay.


Isa sa kanila si Anelyn Magbanua, 37, na ang asawa ay pauwi na sana sa Coron matapos dalawin ang kanilang mga anak sa Maynila nang masunog ang lantsa. Sakay ng sasakyang pandagat ang mahigit 130 katao nang sumiklab ang sunog malapit sa pagtatapos ng mahigit 20 oras nitong paglalakbay.


“Umaasa ako na hindi siya kabilang sa mga nasawi na inilalabas mula sa barko. Umaasa akong buhay siya at napadpad lamang sa ibang isla (I hope he is not among the dead being brought off the ship. I hope he is alive and has only drifted to another island),” sabi ni Anelyn.


“Napakahirap tanggapin kung totoong wala na siya. Mahal na mahal niya ang aming mga anak (It will be very difficult to accept if he's really gone. He loved his children very much),” dagdag pa niya.


Unang nakapasok ang mga bumbero sa lantsa noong Biyernes matapos maapula ang apoy, mahigit isang araw mula nang magsimula ang sunog. Dahil dito, nabigyan ng access ang mga awtoridad sa mga bahagi ng sasakyang pandagat na dati ay mahirap marating dahil sa makapal na usok at matinding init. Ayon sa Coast Guard, natagpuan ang mga sunog na labi sa economy accommodation section ng lantsa.


Makikita sa mga larawang inilabas ng Coast Guard ang lawak ng pinsala sa loob ng sasakyang pandagat. Bumaluktot dahil sa matinding init ang magkakasunod na bakal na frame ng mga higaan at nababalutan ng abo ang mga ito. Sa ilang larawan, tila makikita rin ang mga kalansay sa gitna ng mga nasunog na kagamitan.


Sinabi ni Philippine Coast Guard Commodore Geronimo Tuvilla sa isang press conference nitong Sabado na ang pangunahing prayoridad ng mga awtoridad ay ang pagtukoy sa mga biktima at pag-alam sa sanhi ng sunog.


Sa isang pahayag ng Maritime Industry Authority, batay sa mga salaysay ng mga nakaligtas, dalawang pagsabog umano ang narinig sa loob ng sasakyang pandagat ilang sandali bago sumiklab ang apoy.


Isang survivor na nakapanayam ng GMA News ang nagbalik-tanaw sa pagkakita niya sa kaunting usok na naging apoy at mabilis na kumalat sa buong lantsa sa loob lamang ng ilang segundo.


Nananatili rin ang mga katanungan hinggil sa kinaroroonan ng kapitan ng sasakyang pandagat. Sinabi ni Coast Guard spokesperson Commodore Noemie Cayabyab sa parehong press conference na nakatanggap siya ng impormasyon na buhay ang kapitan. Gayunman, hindi kabilang ang pangalan nito sa listahan ng 43 kumpirmadong nakaligtas.


Ang nasabing sunog ang naitalang pinakabago sa serye ng mga nakamamatay na aksidenteng pandagat sa Pilipinas, isang kapuluan na may mahigit 7,600 isla, kung saan milyon-milyong Pilipino ang umaasa sa mga lantsa at maliliit na bangka upang makapaglakbay sa pagitan ng mga lalawigan at isla.


bottom of page