top of page

Naghahanda ang US ng sanctions laban sa ICC, kung saan nakakulong ang dating Pangulong Duterte — mga source

Sari Story

September 21, 2026 at 12:21:18 PM

Larawan ng ICC

FILE PHOTO: Nakatayo ang mga tao sa labas ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands, Setyembre 22, 2025.

Piroschka van de Wouw / Reuters

WASHINGTON — Naghanda na ang administrasyon ni Pangulong Donald Trump ng mga sanction laban sa buong International Criminal Court (ICC) at planong ipahayag ang mga ito sa lalong madaling panahon, ayon sa dalawang source na pamilyar sa usapin. Ang hakbang ay inaasahang magpapalakas sa kampanya ng administrasyon laban sa tribunal na humahawak sa mga kaso ng war crimes at genocide sa iba’t ibang panig ng mundo.

 

Hindi na itinago ng administrasyong Trump ang pagtutol nito sa ICC at gumawa na ito ng mga hakbang upang pahinain ang korte. Nais ng mga opisyal ng US na bawiin ng ICC ang mga warrant of arrest laban sa mga lider ng Israel, gayundin ang naunang imbestigasyon nito sa mga tropang Amerikano sa Afghanistan.

 

Noong Hulyo, inanunsyo ni US Secretary of State Marco Rubio ang kampanya upang ihiwalay ang ICC, at hinikayat ang ibang bansa na umalis sa tribunal. Nagpatupad na ang Washington ng sanction laban sa ilang hukom at prosecutor ng ICC, ngunit hindi pa nito direktang pinatawan ng sanction ang mismong korte—bagama’t matagal nang kabilang ito sa mga opsyong isinasaalang-alang.

 

Hindi agad tumugon ang US State Department sa kahilingan para sa komento.

 

Ayon sa mga source, naihanda na ang mga sanction laban sa korte kahit hindi pa malinaw ang eksaktong petsa ng anunsyo. Iniulat naman ng The Wall Street Journal, batay sa mga opisyal, na maaaring matapos ang desisyon ngayong linggo, kasabay ng pagpupulong ng United Nations General Assembly.

 

Ang direktang pag-target sa buong organisasyon, gayundin sa mga entity na nakikipagtulungan dito, ay maaaring lubhang makaapekto sa operasyon ng korte.

 

Kung magpapatupad ang US Treasury ng sanction laban sa buong organisasyon, pagbabawalan ang mga mamamayan at kompanya ng US na magbigay ng pondo, produkto o serbisyo sa ICC nang walang lisensya mula sa Office of Foreign Assets Control (OFAC) ng US Treasury. Kadalasang mas mahigpit pa sa hinihingi ang pagsunod ng mga bangko sa naturang US sanctions dahil nakadepende ang mga ito sa access sa sistemang pinansyal ng Amerika.

 

Kabilang sa mga operasyon ng korte na maaaring maapektuhan ng sanction laban sa buong organisasyon ang pagbili ng mga serbisyong IT at insurance, pagkuha ng mga imbestigador, at pagsasagawa ng mga karaniwang transaksiyong pinansyal, gaya ng pagbabayad sa dose-dosenang empleyadong Amerikano, ayon sa mga babala ng registrar at presidente ng ICC.

 

Matagal nang tutol si Trump sa ICC, mula pa noong una niyang termino bilang pangulo. Muling lumutang ang usapin tungkol sa planong pagpaparusa sa mga opisyal ng ICC noong Nobyembre 2024, nang muling mahalal si Trump at maglabas ang ICC ng warrant of arrest laban kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu dahil sa mga alegasyon ng war crimes at crimes against humanity kaugnay ng digmaan sa Gaza.

 

Itinatag ang ICC noong 2002 ng international community upang litisin ang mga kaso ng war crimes, genocide at crimes against humanity. Sinasabi ng korte na maaari lamang nitong gamitin ang hurisdiksiyon nito kung ang isang miyembrong bansa ay hindi kayang o ayaw na usigin mismo ang mga naturang krimen.

 

Hindi kailanman naging miyembro ng ICC ang Estados Unidos.


 

bottom of page