top of page

Martin Romualdez, Zaldy Co nahaharap sa kasong pandarambong kaugnay ng umano’y ₱7.4 bilyong kickback scheme

Sari Story

September 7, 2026 at 1:22:42 PM

Larawan ni Leyte Representative Martin Romualdez

Kuha kay Leyte Representative Martin Romualdez sa House of Representatives.

House of Representatives / Facebook

MANILA — Pormal nang kinasuhan ng Office of the Ombudsman sina dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co ng kasong pandarambong o plunder ng walang piyansa sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y ₱7.4-bilyong korapsyon na may kinalamn sa mga proyekto pang-imprastraktura ng pamahalaan.


Itinuring ding kapwa akusado sa reklamong inihain noong Lunes, Setyembre 7, 2026, sina Jocelyn Sereño, na sinasabing household aide ni Romualdez, at money exchanger na si Felecito Guevarra.


Naglabas din ang korte ng mga hold departure order laban sa mga akusado sa kasong pandarambong.


Sa pamamagitan ng raffle, napunta ang criminal case sa Third Division ng Sandiganbayan, na pinamumunuan ni Associate Justice Karl Miranda.


Ang Third Division din ang humahawak sa kasong plunder laban kay incumbent Senator Rodante Marcoleta at sa kasong malversation laban kay dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr.


Ayon sa mga anti-graft investigator, nakalikom ang ilang buwang imbestigasyon ng sapat na ebidensya upang maitatag ang prima facie case laban sa kinatawan ng First District ng Leyte.


Sa press briefing na inilabas ng Ombudsman, sinasabing sistematikong nakalikom ang mga respondent ng tinatayang ₱7.4 bilyon mula sa mga kickback, quota, komisyon at iba pang iligal na insentibong pinansyal mula sa mga contractor at entity na naghahangad na makakuha ng mga proyekto ng pamahalaan mula 2022 hanggang 2025.


“Matapos ang ilang buwang pag-iimbestiga at pagsalang sa proseso ng batas, nakitaan ng aming Opisina ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction para kasuhan ng Plunder o pandarambong si Leyte First District Representative at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez,” ayon sa Ombudsman.


“Para ito sa pagkamal ng humigit kumulang P7.4-Billion mula sa mga komisyon, commitment, quota, suhol at iba pa, galing sa mga napangakuan ng mga proyekto ng pamahalaan mula 2022 hanggang 2025,” dagdag nito.


Batay sa mga pormal na kasong isinumite sa Sandiganbayan, hindi bababa sa 15 magkakahiwalay na insidente ang idinetalye kung saan umano tumanggap sina Romualdez at Co ng mga benepisyong pinansyal, direkta man o sa pamamagitan ng mga itinalagang proxy.


Ayon sa mga state prosecutor, ang naturang mga pondo ay umano’y inilihis mula sa mga programang pampublikong imprastraktura, kabilang ang mga proyekto sa flood control na pinondohan sa ilalim ng pambansang badyet mula 2022 hanggang 2025.


Iginiit din ng mga imbestigador na ang mga iligal na bayad ay umano’y ipinadaan sa mga ari-ariang iniuugnay kay Romualdez, habang si Sereño at iba pang mga intermediary o namagitan ay sinasabing tumanggap ng mga cash delivery para sa kanya.


Ayon sa Ombudsman, inabuso umano ng mga akusado ang kanilang mga posisyon sa gobyerno, impluwensiyang pulitikal at kapangyarihan upang maisagawa ang naturang pamamaraan “at the expense and to the damage and prejudice of the Filipino people and the Republic of the Philippines.”


Ngayong nasa korte na ang kaso, susuriin ng Sandiganbayan ang charge sheet upang matukoy kung maglalabas ito ng mga warrant of arrest at kung ano ang mga susunod na hakbang sa paglilitis.


bottom of page