IRAN, US nagsagawa ng pinakamalaking serye ng pag-atake sa mga barko mula nang magsimula ang digmaan
Sari Story
September 10, 2026 at 7:18:21 AM
CAIRO/WASHINGTON/DUBAI — Sinabi ng Iran nitong Miyerkules na inatake nito ang 10 barko malapit sa Strait of Hormuz matapos palubugin ng Estados Unidos ang limang oil tanker ng Iran, sa pinakamalaking serye ng ganting pag-atake sa mga barko ng magkabilang panig mula nang magsimula ang anim na buwang digmaan.
Sumipa ang presyo ng langis dahil sa mga pag-atake sa loob at paligid ng Strait of Hormuz, kung saan lumampas sa $100 kada bariles ang international Brent crude benchmark sa unang pagkakataon mula noong Hulyo. Umabot naman sa panibagong all-time high na higit $5.94 kada galon ang average retail price ng diesel fuel sa Estados Unidos.
Sinabi rin ng Iran na nagpaputok ito ng ballistic missiles laban sa isang base na ginagamit ng US forces sa Jordan. Simula katapusan ng Agosto, nagsagawa ang magkabilang panig ng sunod-sunod na pag-atake sa mga military, shipping at energy assets, na tumapos sa isang buwang katahimikan.
Nasaksihan din nitong mga nakaraang araw ang paglala ng labanan sa pagitan ng Saudi Arabia at Houthis sa Yemen, isang hiwalay na digmaan na nagbabanta sa suplay ng enerhiya sa buong mundo mula sa Middle East.
Nasunog na mga tanker ng Iran
Sinabi ng US na winasak nila ang limang Iranian oil tanker nitong magdamag at naglabas ng video ng mga barkong nagliliyab bago lumubog. Tinawag ng Central Command ng US military ang mga pag-atake bilang tugon sa dalawang beses na pag-target ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran sa isang barkong pandigma ng US Navy gamit ang ballistic missiles sa nakalipas na dalawang araw. Walang Amerikanong nasaktan, ayon sa US.
Inihayag ng Washington ang bagong polisiya ng pag-atake sa mga Iranian tanker bilang pagganti sa pagputok na nagbabanta sa kanilang mga barkong pandigma. Sinabi naman ng Iran na pinalawak nito ang no-entry zone sa paligid ng Strait of Hormuz at gumagamit ng mas bago at mas malalakas na missiles laban sa mga barko ng US.
“Patuloy na sinusubukan ng Iran na tamaan ang mga barkong pandagat ng US, at sa bawat pagkakataong gawin o subukan nila iyon, mawawalan sila ng mga tanker (Iran continues to try to hit U.S. naval ships, and for every time they do that or try to do that, they're going to lose tankers),” ani US Secretary of State Marco Rubio sa mga mamamahayag habang bumibisita sa Colombia.
Sinabi ng IRGC nitong Miyerkules na gumanti ito sa pamamagitan ng ballistic missile attack laban sa isang base na ginagamit ng mga puwersa ng US malapit sa Al Azraq sa silangang Jordan. Nagpaputok din umano ito laban sa dalawang barko ng US at walong oil tanker na nagtatangkang tumawid sa bahagi ng Strait of Hormuz na idineklara nitong bawal daanan.
Sinabi ng British maritime security agency na UKMTO na nakatanggap ito ng mga ulat tungkol sa ilang commercial vessel na tinamaan na nagdulot ng pinsala at hindi na makapagpatuloy sa paglalayag sa hilagang bahagi ng Gulf at Gulf of Oman, sa magkabilang panig ng Strait of Hormuz. Hindi pa agad nakumpirma ng ahensya kung may mga nasawi o nasugatan at kung may epekto sa kapaligiran ang mga insidente.
Sinabi rin ng UKMTO na may naiulat na barkong nakatagilid, na posibleng indikasyon na napasukan ito ng tubig matapos tamaan ng projectile sa karagatan malapit sa Port Rashid sa United Arab Emirates.
Nagbanta rin ang Iran laban sa mga oil tanker sa mga daungan ng Kuwait at Bahrain, ayon sa pahayag na inilabas ng state media. Iniulat naman ng isang maritime security source na napinsala ang isang liquefied natural gas tanker sa Emirati port ng Khor Fakkan.
Malaki ang naging papel ng Iran sa pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz, na bago ang digmaan ay dinaraanan ng ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis.
Gumanti ang Washington sa pamamagitan ng blockade sa mga daungan ng Iran at sinabing nagawa nitong gabayan ang maraming tanker sa Strait. Gayunman, sinabi ng independent monitors na lalong nagiging mahirap tukuyin kung gaano karaming langis ang aktuwal na nakalalabas sa lugar. Ipinakita ng paunang datos na anim na barko lamang na naka-on ang transponders ang tumawid sa nakalipas na 24 oras.
Sinabi ng Iran na nagdulot ng matinding pinsala ang mga missile na ipinaputok nito sa Jordan. Sinabi naman ng Jordan na na-intercept ng air defenses nito ang 18 sa 20 Iranian missiles, habang dalawang missile ang bumagsak sa mga lugar na walang populasyon at walang naiulat na nasawi o nasugatan. Ayon sa isang opisyal ng US, hindi naging epektibo ang mga pag-atake ng Iran sa Jordan at ligtas ang lahat ng sundalong Amerikano.
Ipinakita sa video na kinunan sa Ash-Shajarah sa hilagang Jordan at bineripika ng Reuters ang mga pagsabog ng liwanag sa kalangitan. Ilang ulit nang tinarget ng Iran ang mga base ng US sa rehiyon sa buong digmaan at hindi bababa sa dalawang US military personnel ang napatay sa pag-atake sa Jordan noong Hulyo.
Pag-atake ng Houthi sa Saudi Arabia
Nagdulot ng karagdagang kawalan ng katiyakan sa energy markets ang lumalalang labanan sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran-aligned Houthis na kumokontrol sa karamihan ng mga lugar na may populasyon sa Yemen.
Noong Martes, naglunsad ang Houthis ng pag-atake sa apat na lungsod sa Saudi Arabia na nagdulot ng malalaking sunog sa mga oil installation na nakita mula sa kalawakan. Sinabi ng mga awtoridad ng Saudi Arabia na 73 katao ang nasugatan.
Naglabas ang Saudi Arabia nitong Miyerkules ng alerto tungkol sa posibleng banta sa Khamis Mushait, isa sa mga lungsod na tinamaan noong nakaraang araw, pero kalaunan ay inalis ang alerto nang walang ibinigay na detalye.
Lumala ang labanan sa Yemen nitong mga nakaraang araw matapos maglunsad ng multi-pronged assault ang gobyernong suportado ng Saudi Arabia laban sa mga lugar na kontrolado ng Houthis.Sinabi naman ng Houthis na maraming tao ang napatay sa mga airstrike ng Saudi Arabia.
Pinalawak ng grupo ang pagkaantala sa shipping mula sa Gulf patungo sa kabilang bahagi ng Arabian Peninsula, sa bukana ng Red Sea.

