Halalan sa BARMM: Walang grupong inaasahang mangingibabaw sa 80-miyembrong parliyamento
Sari Story
September 16, 2026 at 2:02:03 AM
Nagbunyi ang mga tagasuporta ng isang grupong pampulitika matapos wasakin ang isang sasakyang pinaniniwalaang may kargang mga baril sa unang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa labas ng Sero Central Elementary School, Cotabato City, Pilipinas, Setyembre 14, 2026.
Manman Dejeto / Reuters
MANILA — Maaaring kailanganin ang pagbuo ng koalisyon upang mapili ang kauna-unahang halal na punong ministro ng autonomous region na nakararaming Muslim sa katimugang bahagi ng Pilipinas, matapos ipahiwatig ng hindi pa pinal na resulta na walang isang grupo ang inaasahang makokontrol ang bagong 80-miyembrong parliyamento.
Naging sentro ng halalan ang tunggalian ng dalawang kampo na nagmula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang dating separatistang kilusan na nakipagnegosasyon sa pamahalaan ng Pilipinas para sa pagkakaloob ng awtonomiya.
Pinamumunuan ang isa sa mga ito ng matagal nang chairman ng MILF na si Al Haj Murad Ebrahim, habang ang isa naman ay nasa ilalim ni Abdulraof Macacua, dating kumander ng MILF na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang interim chief minister noong 2025.
Batay sa 98.56% ng mga boto na nabibilang sa party-list race, nangunguna ang kampong kaalyado ni Macacua sa 35.2% ng mga boto, kasunod ang grupo ni Murad na may 32.4%, ayon sa partial at hindi pa opisyal na resulta ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting, isang election watchdog na suportado ng simbahan.
Nasa ikatlong puwesto naman ang BARMM Grand Coalition na may 20.5% ng mga boto at maaari itong maging mahalagang katuwang sa pagbuo ng koalisyon.
Ayon kay Benedicto Bacani, executive director ng Institute for Autonomy and Governance, isang policy research group na nakatuon sa awtonomiya at pamamahala, tila walang alinman sa dalawang pangunahing kampo ang makakakuha ng 41 puwestong kailangan para sa mayorya, kaya mahalaga ang pagbuo ng koalisyon.
Sinabi niyang pinakamainam para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pagtutulungan ng magkabilang paksyon ng MILF dahil maaari nitong palakasin ang kapayapaan at katatagang pampulitika sa rehiyon.
“Ang pinakamagandang senaryo para sa akin ay ang pagkakaisa ng MILF (The best scenario for me is the unification of the MILF),” ani Bacani.
Ayon sa mga opisyal ng halalan, umabot sa tinatayang 80% ang voter turnout, kung saan nasa 1.8 milyon ang bumoto mula sa 2.39 milyong rehistradong botante. Pumili ang mga botante para sa mga kinatawan ng partido, distrito at sektor na bubuo sa 80-miyembrong parliyamento na siyang magtatalaga sa kauna-unahang halal na punong ministro ng rehiyon.
Malawakang itinuturing ang halalan bilang pinakamahalagang hakbang mula nang lagdaan noong 2014 ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Maynila at MILF na nagbigay-daan sa mas malawak na awtonomiya sa katimugang bahagi ng bansa na nakararaming Muslim.
Layunin ng pagbibigay ng mas malawak na awtonomiya na wakasan ang tunggaliang kumitil sa mahigit 120,000 buhay, nagpalikas sa tinatayang 2 milyon katao at nakatulong sa paglawak ng mga extremist group sa rehiyon. Lalong naging malinaw ang banta nang kubkubin ng mga militanteng konektado sa Islamic State ang Marawi City nang limang buwan noong 2017.
Sa isa sa mga malalayong isla ng rehiyon, ang Tawi-Tawi, sinabi ng lider ng civil society na si Arlene Sevilla na sinikap niyang makaboto ang kanyang pamilya sa makasaysayang halalan, kung saan bumiyahe pa pauwi mula Maynila ang kanyang apat na anak upang makaboto.
“Iyan ang karapatan ko,” aniya. “Kung may magagawa ang boto ko para mabago ang buhay ng mga Bangsamoro, gawin natin (That is my right," she said. "If my vote will make a difference to the lives of the Bangsamoro, then let us do it).”
Sinabi ng 60-anyos na si Sevilla na bumoto siya dahil nais niyang magkaroon ng mga lider na may kakayahan at makapagpapabuti sa buhay ng mga residente ng Bangsamoro.
“Bumoto ako dahil gusto kong magkaroon ang BARMM ng mabubuting lider para sa kapakanan ng mga mamamayan (I voted because I want BARMM to have good leaders for the benefit of the people),” aniya.

