Dating House Speaker Martin Romualdez, inaresto sa ospital kaugnay ng ₱7.4-bilyong plunder case
Sari Story
September 8, 2026 at 7:17:48 AM
Pormal nang sinilbihan ng warrant of arrest si dating House Speaker at ngayo’y Leyte Representative na si Ferdinand Martin Romualdez nitong Lunes, Setyembre 7, 2026, habang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Inilabas ng Sandiganbayan ang warrant kaugnay ng kasong plunder na walang piyansa, matapos magsampa ng pormal na reklamo ang Office of the Ombudsman.
Si Romualdez, na pinsan at dating malapit na kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay inaakusahang nakapagkamal umano ng tinatayang ₱7.4 bilyon o 118.21 milyong dolyar mula sa mga ilegal na kickback, komisyon at suhol na may kaugnayan sa mga flood-control project ng pamahalaan mula 2022 hanggang 2025.
Personal na isinilbi nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang warrant sa loob mismo ng silid ni Romualdez sa ospital. Ayon kay Secretary Remulla, na-admit sa ospital si Romualdez matapos magsampa ng kaso dahil umano sa cardiovascular event, unstable blood pressure, at panic attack.
Binigyang-diin ni Remulla na pansamantala lamang ang pananatili ni Romualdez sa ospital at hindi siya bibigyan ng anumang espesyal na pribilehiyo.
“Tinitiyak namin sa inyo na hindi siya makapagtatago sa likod ng kanyang kayamanan (We assure you he cannot hide behind his wealth),” sabi ni Remulla, kasabay ng pagkumpirma na ililipat si Romualdez sa isang government detention facility sa sandaling ideklara ng kanyang mga doktor na stable na ang kanyang kondisyon.
Sistematikong korapsyon at mga kapwa akusado
Ayon sa mga imbestigador ng Ombudsman, isinagawa umano ang multi-billion-peso scheme sa pamamagitan ng sistematikong porsiyento o komisyong itinatalaga sa mga proyekto, quota, at direktang paghahatid ng cash na konektado sa mga national infrastructure contract.
Iginiit ng mga imbestigador na hawak umano ni Romualdez ang tuluy-tuloy na kontrol at makabuluhang partisipasyon sa pambansang pondo. Samantala, inaakusahan namang may impluwensiya rin si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co sa pagsasama ng mga proyekto at paglalaan ng pondo.
Bukod kina Romualdez at Co, pinangalanan din ng Ombudsman ang dalawa pang co-respondent sa kaso na sina Joselyn Serenio, personal aide ni Romualdez, at si Felicito Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp.
Batay sa Ombudsman, mayroon itong prima facie evidence with reasonable certainty of conviction laban sa mga respondent. Kabilang sa mga ginamit na ebidensiya ang mga financial document, titulo ng ari-arian, bank deposit, corporate shareholding, at testimonya ng mga saksi.
Kasama rin dito ang mga naging pahayag nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at Bulacan District Engineer Henry Alcantara.
Epekto sa politika at tugon ng administrasyon
Itinuturing na dramatikong paglala ng corruption scandal ang pag-aresto kay Romualdez, na yumanig sa administrasyon, sa gitna ng nararanasan ng bansa na matinding pagbaha dulot ng habagat at mga pag-ulan.
Sa kanyang nakaraang State of the Nation Address, nangako si Pangulong Marcos na mas paiigtingin ng kanyang administrasyon ang kampanya laban sa korapsyon, lalo pa’t hindi siya presidente lang ng kanyang pamilya at mga kaibigan, kundi ng buong bansa. Ibinunyag din niyang tinatayang ₱545 bilyong flood-control allocations mula 2022 hanggang 2025 ang nadungisan umano ng mga iregularidad.
“Hindi namin pinupuntirya ang sinuman. Lahat ay nakabatay sa ebidensiya (We are not singling out anyone. Everything is based on evidence),” sabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
“Pinatutunayan ng kasong ito na hindi kami kumakampi kaninuman (This case proves that we do not take sides with anyone),” dagdag pa niya.
Samantala, paulit-ulit nang itinanggi ni Romualdez, sa pamamagitan ng kanyang legal counsel, ang lahat ng alegasyon ng katiwalian. Hiniling niya ang due process at patas na pagdinig.
Muling binigyang diin ng kanyang abogado na si Atty. Ade Fajardo na haharapin ng dating House leader ang mga kaso sa pamamagitan ng mga legal na prosesong itinatadhana ng batas.
“Iginagalang namin ang mga korte at ang legal na proseso. Haharapin ni Representative Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga alegasyong laban sa kanya alinsunod sa batas (We respect the courts and the legal process. Representative Ferdinand Martin G. Romualdez will face the allegations against him in accordance with law),” ayon kay Atty. Fajardo.
“Walang hinihinging espesyal na pagtrato si Representative Romualdez. Ang hinihiling lamang niya ay ang kaparehong due process at patas na pagdinig na garantisado sa bawat Pilipino. Dapat manaig ang katotohanan, ebidensiya, at due process (Representative Romualdez asks for no special treatment. He asks only for the same due process and fair hearing guaranteed to every Filipino. Truth, evidence, and due process should prevail),” dagdag niya.
Ang plunder ay itinuturing na isang capital offense sa ilalim ng batas ng Pilipinas at karaniwang hindi pinapayagan ang piyansa. Dahil dito, inaasahang mananatili si Romualdez sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) habang nililitis ang kanyang kaso, kapag siya ay pinalabas na ng ospital.

