Cardinal Tagle, namuno sa misa sa St. Peter’s habang nagpapagaling si Pope Leo matapos operahan sa baga
Paraluman News (batay sa ulat ng Reuters); Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network
October 14, 2026 at 9:09:42 AM
Pinangunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle ang misa sa St. Peter’s Square sa Vatican noong Oktubre 14, 2026, bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng apostolikong exhortation na Amoris Laetitia. Nag-alay rin ng mga natatanging panalangin para sa kalusugan ni Pope Leo, na nakaospital matapos operahan sa baga.
Stoyan Nenov/Reuters
Pinangunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle ng Pilipinas, dating arsobispo ng Maynila at bagong dekano ng College of Cardinals, ang isang misa sa St. Peter’s Square nitong Miyerkules ng umaga, Oktubre 14, 2026, bilang kahalili ni Pope Leo. Nagpapagaling naman ang 71-anyos na Santo Papa sa Gemelli Hospital sa Roma matapos operahan dahil sa kanser sa baga, kasunod ng isang gabing maayos ang kanyang pahinga.
Dinaluhan ang misang ginanap sa Vatican nang alas-10 ng umaga (alas-4 ng hapon sa Pilipinas) ng mga pinuno ng Simbahan, kabilang ang mga pinuno ng mga Simbahang Silanganin at mga pangulo ng mga kapulungan ng mga obispo. Nag-alay rin ng mga natatanging panalangin para sa mabilis na paggaling at mabuting kalusugan ng Santo Papa.
Ang pangunguna ni Cardinal Tagle sa misa ay kasunod ng pag-apruba ni Pope Leo sa kanyang pagkakahalal bilang dekano ng College of Cardinals, na nagtalaga sa kanya bilang kauna-unahang klerigong Asyano na humawak sa naturang mataas na posisyon.
Sinabi ng Vatican nitong Miyerkules na maglalabas pa ito ng karagdagang impormasyon tungkol sa kalagayan ng Santo Papa sa bandang huli ng araw. Na-diagnose si Pope Leo noong Martes na may lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga, matapos tanggalin ng mga doktor ang ibabang bahagi ng kanyang kanang baga sa isang operasyon.
Isinugod sa Gemelli Hospital ang Santo Papa matapos matuklasan ng mga doktor ang tumubo sa kanyang baga sa isang kamakailang regular na pagsusuri sa kalusugan. Tumagal nang humigit-kumulang 90 minuto ang operasyon at natapos ito nang walang komplikasyon, ayon sa punong siruhano ng Santo Papa na si Stefano Margaritora at personal niyang doktor na si Luigi Carbone noong Martes ng gabi.
Sa magkasanib na pahayag, sinabi ng mga doktor na tinanggal ang buong ibabang bahagi ng kanang baga upang maalis ang lahat ng bahaging may kanser.
May limang lobe (bahagi) ang mga baga ng tao—tatlo sa kanang baga at dalawa sa kaliwa.
Hindi ibinunyag ng Vatican ang laki ng tumor o kung kumalat na ang sakit sa mga kalapit na kulani, na mahahalagang salik sa pagtukoy sa magiging kalagayan ng pasyente.
Nauna nang sinabi ng Vatican nitong linggo na inaasahang mananatili sa ospital ang Santo Papa nang humigit-kumulang isang linggo. Kinansela rin ang lahat ng kanyang pampublikong gawain hanggang Oktubre 20.
Hinalal si Pope Leo ng mga kardinal mula sa iba't ibang panig ng mundo noong Mayo 2025. Itinuturing siyang medyo bata para sa isang pinuno ng Simbahang Katolika. Mahilig siya sa sports, kabilang ang tennis, at walang nalalamang kasaysayan ng paninigarilyo o kamakailang problema sa kalusugan.
MGA PAHAYAG NG PAKIKIDALAMHATI AT PANALANGIN
Sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na ipinagdarasal nila ng kanyang asawang si Jeanette ang Santo Papa, na isang Amerikano at ipinanganak sa Chicago.
“Nawa'y pagkalooban siya ng Panginoon ng lakas at gabayan ng Espiritu Santo ang mga propesyonal sa medisina na nangangalaga sa Santo Papa (May the Lord give him strength and the Holy Spirit guide the medical professionals taking care of the Holy Father),” pahayag niya sa X.
Ayon sa German Catholic news agency na KNA, hiniling ni German President Frank-Walter Steinmeier, na may pangunahing seremonyal na tungkulin, ang mabilis at ganap na paggaling ni Pope Leo.
“Napakahalaga at makabuluhan para sa maraming tao sa buong mundo, kabilang ang Germany, ang tinig ng Santo Papa hinggil sa mga kasalukuyang usapin at hamon sa ating panahon, anuman ang kanilang kinabibilangang denominasyon (The pope's voice on the current issues and challenges of our time is of particular importance and of value to many people worldwide, including in Germany, beyond denominational boundaries),” ayon sa sipi ng pahayag ni Steinmeier.
NAKATAKDANG PAGLALAKBAY SA TIMOG AMERIKA
Karaniwang napakaabala ng iskedyul ni Pope Leo. Nakatakda siyang magsagawa ng 11-araw na pagbisita sa Uruguay, Argentina at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17, ngunit hindi pa malinaw kung matutuloy ang biyahe.
Pinamumunuan ng Santo Papa ang 1.4 bilyong Katoliko sa buong mundo at wala siyang kinatawang awtomatikong humahalili sa kanya kapag siya ay nagkakasakit.
Kapag hindi kayang gampanan ng Santo Papa ang kanyang mga tungkulin, nagpapatuloy ang karaniwang gawain ng malawak na administrasyon ng Vatican. Ipinagpapaliban lamang ang mga desisyong nangangailangan ng pag-apruba ng Santo Papa.
DEKANO NG COLLEGE OF CARDINALS
Ang dekano ng College of Cardinals ang pangulo at pinuno ng kapulungang binubuo ng lahat ng kardinal na Katoliko sa buong mundo. Ito ang pangunahing lupon ng mga tagapayo ng Santo Papa.
Madalas ilarawan ang posisyong ito sa pariralang Latin na primus inter pares, na nangangahulugang “una sa mga magkakapantay (first among equals).” Tradisyonal ding itinuturing ang dekano bilang pinakamataas ang ranggo sa mga kardinal ng Simbahang Katolika Romana.
Mahalaga ang mga tungkulin ng dekano sa pamumuno, kapwa habang nanunungkulan ang isang Santo Papa at sa panahon ng transisyon ng pamumuno, na tinatawag na Sede Vacante (papal transition).
(1) Pangangasiwa sa conclave: Kapag namatay o nagbitiw ang isang Santo Papa, ipinapatawag ng dekano sa Roma ang mga kardinal na kuwalipikadong bumoto. Pinangangasiwaan niya ang pang-araw-araw na pangkalahatang pagpupulong ng mga kardinal at ang conclave para pumili ng bagong Santo Papa sa loob ng Sistine Chapel, kung wala pa siyang 80 taong gulang.
(2) Pagtatanong sa nahalal na Santo Papa: Kapag nakapili na ng bagong Santo Papa sa conclave, pormal na tinatanong ng dekano ang nahalal: “Tinatanggap mo ba ang iyong kanonikal na pagkakahalal bilang Kataas-taasang Santo Papa? (Do you accept your canonical election as Supreme Pontiff?)” Itinatanong din niya kung anong pangalan ang gagamitin ng bagong Santo Papa.
(3) Pag-ordenang obispo sa bagong Santo Papa, kung kinakailangan: Kung ang nahalal na Santo Papa ay hindi pa obispo, may karapatan at tungkulin ang dekano, alinsunod sa batas ng Simbahan, na ordinahan siya bilang obispo bago siya manungkulan.
(4) Kinatawan ng kapulungan ng mga kardinal: Nagsisilbi ang dekano bilang pangunahing tagapagsalita at pinuno sa administratibong mga usapin ng mga kardinal sa kanilang sama-samang pakikipag-ugnayan sa Banal na Luklukan ng Vatican at sa mga pinuno ng ibang bansa.

