top of page

Asian Games nagbukas sa engrandeng seremonya sa Nagoya

Sari Story

September 20, 2026 at 3:31:49 AM

Larawan ng mga atleta at opisyal ng Pilipinas

Naglalakad ang mga atleta at opisyal ng Pilipinas sa parada ng mga atleta sa seremonya ng pagbubukas ng Asian Games sa Aichi-Nagoya sa Paloma Mizuho Stadium, Nagoya, Japan — Setyembre 19, 2026.

REUTERS / Issei Kato

NAGOYA, Japan — Pormal na binuksan noong Sabado ang ika-20 Asian Games sa Nagoya sa pamamagitan ng engrandeng seremonya na tampok ang sayawan at fireworks, matapos ang sunod-sunod na aberya sa operasyon at problema sa logistics bago ang pagsisimula ng kompetisyon.

 

Limang taon matapos idaos ang Tokyo Olympics sa mga venue na walang manonood dahil sa mga restriksiyon dulot ng COVID-19, muling tinanggap ng Japan ang mga tagahanga sa Mizuho Park Athletic Stadium para sa opening ceremony na una munang naging simple bago naging isang masiglang pagtatanghal.

 

Idineklara ni Emperor Naruhito na bukas na ang Palaro matapos niyang saksihan ang parada ng 45 bansa at rehiyon mula sa hanay ng mga panauhing pandangal, kasama si International Olympic Committee President Kirsty Coventry.

 

Sinamahan ng mahigpit na seguridad ang pagdalo ni Naruhito at ng mga miyembro ng pamilya ng imperyal. Ayon sa mga organizer, aabot sa 10,000 pulis ang itatalaga para sa seremonya.

 

“Habang madalas na nahahati ang mundo dahil sa mga tunggalian, ipinapaalala sa atin ng mga atleta ng Asiad na nananatiling makapangyarihang puwersa para sa kapayapaan, pagkakaunawaan at pagkakaibigan ng mga bansa ang isport (While the world is too often divided by conflict, they (the Asiad athletes) remind us that sport remains a powerful force for peace, understanding and friendship among nations),” sabi ni Olympic Council of Asia President Sheikh Joaan bin Hamad Al Thani sa kanyang talumpati.

 

MGA REKLAMO MULA SA MGA ATLETA AT OPISYAL


Magkasamang nagsindi ng cauldron ang mag-amang Shigenobu Murofushi at Koji Murofushi ng Japan, kapwa dating kampeon sa Asian Games sa hammer throw, matapos umakyat sa isang hagdan sa dulo ng torch relay.

 

Umaasa ang mga organizer na makatutulong ang opening ceremony upang matapos na ang mga problema bago ang Palaro, kabilang ang mga reklamo ng mga atleta at opisyal tungkol sa kanilang tutuluyan at transportasyon.

 

Nasubok ang reputasyon ng Japan sa pagiging mahusay at organisado habang tinatanggap nito ang mahigit 11,000 atleta na maglalaban para sa 369 gintong medalya sa 43 uri ng isport.

 

Sa halip na magtayo ng hiwalay na Games village, inilagay ng mga organizer ang mga atleta at opisyal sa mga hotel, pansamantalang container na gawa sa kahoy at isang cruise ship na nakadaong sa look bilang hakbang sa pagtitipid.

 

Ilang delegasyon ng national team, kabilang ang host Japan, ang nagsabing hindi sapat ang mga naturang kaayusan at nagreklamo tungkol sa mga pagkakamali at dobleng booking. Sinabi naman ng South Korea na masyadong masikip para sa kanilang mga basketball player ang mga container sa Garden Pier.

 

Nagpasya naman ang cricket board ng India na gumawa ng sariling hakbang at inayos ang pananatili ng kanilang star-studded men's cricket team sa isang hiwalay na hotel dahil sa kakaunting kama na inilaan ng mga organizer.

 

Nagreklamo rin ang mga delegasyon tungkol sa mahabang paghihintay ng mga atleta sa registration pagdating nila, habang may mga bus namang nahuhuli o dinadala ang mga atleta sa maling venue.

 

Kinilala ng Olympic Council of Asia, na namamahala sa quadrennial Games, ang mga problema noong Sabado ngunit minaliit ang mga ito bilang karaniwang aberya sa pagsisimula ng isang malaking palaro.

 

Sa direksiyon ni Yukihiko Tsutsumi, nagsimula nang simple ang opening ceremony, tampok ang classical music at sayaw sa isang hugis-pusong entablado bago ang parada ng mga bansa, kabilang ang delegasyon ng North Korea.

 

Kalaunan ay naging mas masigla ang pagtatanghal, kabilang ang mga mananayaw na nakasuot ng boiler suit bilang pagkilala sa tradisyon ng Nagoya bilang sentro ng pagmamanupaktura, bago nagtapos ang gabi sa fireworks display.

 

Ang tema ng seremonya ay “Harmonic Heart Beat,” na naglalayong ipakita ang pagkakaisa ng mga bansa sa Asya sa isang event na madalas na naaapektuhan ng tensiyong geopolitical at mga alitang nag-ugat sa kasaysayan.

 

Gayunman, ilang insidente na ang nakaapekto sa mga pag-asang magiging mapayapa ang Palaro.

 

Pansamantalang tumangging lumahok ang delegasyon ng Taiwan sa kanilang welcoming ceremony noong Biyernes matapos hindi payagang dumalo rito si sports minister at dating Olympic champion Lee Yang.

 

Nagalit naman ang South Korean men's hockey team nang patugtugin sa stadium ang pambansang awit ng North Korea bago ang kanilang laban sa halip na ang kanilang sariling pambansang awit.

 

Bagama't nagsimula na ang mga kompetisyon sa basketball, soccer at iba pang isport, sa Linggo pa mapapanalunan ang unang gintong medalya, na malamang ay sa triathlon.

 

Magsisimula rin sa Linggo sa Tokyo ang isang de-kalibreng swimming competition, tampok sina Pan Zhanle ng China, world-record holder sa 100-meter freestyle, at ang 13-anyos na swimming sensation na si Yu Zidi.

 

Bukod sa mga tradisyonal na Olympic sport, tampok din sa Palaro ang mga paboritong isport sa rehiyon gaya ng kabaddi at sepak takraw, pati mga makabago at kakaibang event.

 

Muli ring magkakaroon ng medalya ang esports matapos itong unang isama sa Hangzhou, habang unang pagkakataon namang itatampok sa Games ang teqball, isang kombinasyon ng table tennis at soccer, at “virtual taekwondo.”

 

bottom of page