World News Day: Paraluman News, kaisa ng mahigit 1,000 newsroom sa buong mundo sa pagsusulong ng journalism
Sari Story
September 28, 2026 at 11:01:55 AM
Ngayong Setyembre 28, mahigit 1,000 organisasyon sa pagbabalita at mga grupong sumusuporta sa media mula sa mahigit 100 bansa ang nagdiriwang sa World News Day, isang pandaigdigang kampanya na naglalayong itaguyod ang kahalagahan ng journalism.
Sa taong ito, hinihikayat ang mga organisasyon na ipakita sa publiko kung paano ginagawa ang kanilang mga ulat upang malaman ng mga tao ang katotohanan, maunawaan kung ano ang mahalaga, at makapili ng mapagkakatiwalaang pamamahayag.
World News Day 2026
Itinatag ng Canadian Journalism Foundation (CJF) ang World News Day noong 2018, kasama ang 17 pang organisasyon. Makalipas ang isang taon, naging pandaigdigan ang kampanya nang maging katuwang nito ang WAN-IFRA, at noong nakaraang taon, umabot na ito sa mahigit 1,000 publisher sa 108 bansa at 17 wika. Ngayong taon, sinimulang ilunsad ang kampanya noong Setyembre 25 at magtatagal hanggang Oktubre 1, habang ang Setyembre 28 ang pangunahing araw ng paggunita. Kasabay ito ng UN International Day for Universal Access to Information.
“Napakahusay ng mga news organization sa pagkukuwento tungkol sa buhay ng ibang tao. Pero hindi natin palaging nagagawa nang kasinghusay na ikuwento ang sarili nating gawain (News organizations are very good at telling other people's stories. But we have not always been equally good at telling our own)," ani Stig Ørskov, CEO ng World Association of News Publishers, habang hinihikayat ang mga media outlet na makiisa sa World News Day 2026.
Dagdag naman ni CJF President at Executive Director Natalie Turvey: “Kapag humihina ang tiwala sa journalism, humihina rin ang kakayahan ng publiko na maunawaan ang mundo. Ang World News Day ay pagkakataon para sa mahigit 1,000 newsroom na sama-samang ipakita ang kahalagahan ng fact-based reporting sa panahong hindi kailanman naging mas mahalaga ang mensaheng ito (When trust in journalism erodes, so does the public's ability to make sense of the world. World News Day is a chance for more than 1,000 newsrooms to make the case together for fact-based reporting at a time when that case has never been more important).”
Samantala, ang pagsasara ng mga newsroom at pagbabawas ng budget ay nagpahina sa journalism sa iba't ibang bahagi ng mundo. Kasabay nito, patuloy na nakikipag-agawan para sa atensyon ng publiko ang AI-generated content at disinformation laban sa mga lehitimong ulat ng balita.
Hindi kayang harapin ng isang newsroom lamang ang mga hamong ito. Pinag-iisa ng World News Day ang mga newsroom upang sama-samang ipakita ang kahalagahan ng journalism at gawin ang isang bagay na hindi madalas ginagawa ng mga mamamahayag: ipaliwanag kung paano mismo ginagawa ang kanilang trabaho.
Sa loob ng isang linggo, hinihikayat ang mga kalahok na media outlet na ipakita sa kanilang mga mambabasa ang proseso at trabaho sa likod ng kanilang mga inilalathalang balita. Sa ganitong paraan, magkakaroon ang publiko ng konkretong batayan sa pagsusuri kung alin ang mapagkakatiwalaang impormasyon.
“Ang isang lipunang nawawalan ng kapit sa mga katotohanan ay nawawalan din ng kapit sa sarili nito. Ang isang lipunang ipinaglalaban ang katotohanan ay maaari pa ring makahanap ng daan pabalik (A society that loses its grip on facts loses its grip on itself. A society that fights for truth can still find its way back)," ani Branko Brkic, founder ng Project Kontinuum, isang pandaigdigang network na naglalayong tiyakin ang kinabukasan ng news media at co-organizer ng World News Day.
“Mag-isa, maaaring balewalain ang sinuman sa atin. Pero kapag sama-sama tayo, sa dose-dosenang wika at mahigit 100 bansa, mas mahirap tayong hindi pansinin. Iyan ang buong punto ng pagsasagawa nito sa iisang araw. Hindi ito pangangalap ng pondo. Ito ay isang panawagan para magkaisa (Alone, any one of us can be dismissed. Together, in dozens of languages and more than 100 countries, we're harder to ignore. That's the whole point of doing this on the same day. It is not a fundraiser. It is a rallying point)," dagdag niya.
Ang World News Day ay sama-samang inorganisa ng World Editors Forum, Canadian Journalism Foundation at Project Kontinuum.
Inaanyayahan ang mga newsroom na magparehistro upang makilahok sa kampanya. Ang mga magpaparehistro ay magkakaroon ng access sa campaign materials, kabilang ang mga op-ed mula sa mga kilalang mamamahayag, campaign materials na isinalin sa mahigit 20 wika, social media graphics at captions, print at digital ads, cartoons at video. Lahat ng materyales ay nakasentro sa mensahe:
“Alamin ang mga katotohanan. Unawain kung ano ang mahalaga. Pumili ng mapagkakatiwalaang pamamahayag. Dahil karapatan mong malaman (Know the facts. Understand what matters. Choose trusted journalism. Because it's your right to know)."
Hinihikayat din ang publiko na subaybayan ang kampanya sa World News Day website at sa social media gamit ang mga hashtag na #WorldNewsDay #WND26 #ChooseTrustedJournalism #YourRightToKnow.
Tungkol sa World News Day
Ang World News Day ay isang pandaigdigang kampanya na nakatuon sa fact-based journalism. Ito ay sama-samang inorganisa ng World Editors Forum ng WAN-IFRA, Canadian Journalism Foundation at Project Kontinuum.
SOURCE: The Canadian Journalism Foundation
Ang World News Day ay isinasagawa taun-taon ng WAN-IFRA's World Editors Forum, Canadian Journalism Foundation at Project Kontinuum. Ang Paraluman News ay miyembro ng WAN-IFRA.

