top of page

Wildfire at makapal na usok sa Indonesia at mga karatig-bansa, nagpapalala sa problema sa paghinga

Sari Story

September 17, 2026 at 4:12:12 AM

Larawan ng mga volunteer sa wildfire

Mga volunteer habang nakatayo sa isang peatland area na nasunog dahil sa mga wildfire sa Kubu Raya, lalawigan ng West Kalimantan, Indonesia, Setyembre 15, 2026.

Ajeng Dinar Ulfiana / Reuters

PONTIANAK, Indonesia – Sinuong ng isang ginang mula sa Indonesia ang makapal na usok habang sakay siya ng motor at lumabas upang bumili ng mga pagkain at pangunahing pangangailangan sa lungsod ng Pontianak sa isla ng Borneo, habang lumalala ang epekto ng mga wildfire sa kalidad ng hangin.


Nag-aalala ang 45-anyos na ina ng dalawang anak sa epekto ng usok sa kalusugan, lalo na't kapwa nakararanas ng problema sa paghinga ang kanyang mga anak, kabilang ang pag-ubo, pananakit ng lalamunan at lagnat.


“Sa ngayon, kaya pa naming kontrolin ito sa pamamagitan ng mga gamot, pero nag-aalala ako na kung magpapatuloy ito, maaari itong humantong sa mas malalang sakit (We can still hold it off with medicines, but I'm concerned that if this persists, it will lead to worse illnesses),” sabi niya.


Ang lalawigan ng West Kalimantan sa Borneo, kung saan matatagpuan ang Pontianak, ay kabilang sa mga lugar na pinakamatinding naapektuhan ng pinakamalalang wildfire sa Indonesia sa loob ng 11 taon, habang nagpapataas ng temperatura at nagdudulot ng matinding tagtuyot ang tinatawag na “super-El Niño.”


Sa kabila ng pagsusuot ng mask, sinabi ni Mimi na nahihirapan din siyang huminga dahil sa makapal na usok at paglala ng polusyon sa hangin, na madalas umabot sa mapanganib na antas.


Nagsasagawa naman ng house-to-house operations ang mga volunteer sa lalawigan upang mamahagi ng mga oxygen sa mga residenteng nahihirapang huminga, gayundin sa mga bumberong lumalaban sa sunog, bilang bahagi ng kampanyang tinatawag na “Rumah Oksigen” o Oxygen House.


Lumalala ang kalidad ng hangin sa Singapore at Malaysia

Lumala rin ang kalidad ng hangin sa mga karatig-bansang Singapore at Malaysia dahil sa transboundary smog o usok na tumatawid sa mga hangganan. Karaniwang tinatawag itong haze sa Southeast Asia at binubuo ito ng usok mula sa paglilinis ng lupang gagamitin sa pagsasaka, uling at maliliit na particle na nakalutang sa hangin.


“Dumarami ang mga nagpapatingin dahil sa mga sakit sa paghinga dulot ng mga sunog (Visits for respiratory illness cases are on the rise due to the fires),” sabi ni Popong Solihat, pinuno ng isang public health clinic sa Pontianak.


Mahigit 12.5 milyong katao ang nalantad sa haze na dulot ng mga sunog sa pitong lalawigan sa mga isla ng Borneo at Sumatra sa Indonesia, ayon sa datos ng health ministry.


Mahigit doble naman ang bilang ng mga ginagamot dahil sa mga sakit sa paghinga na may kaugnayan sa wildfire sa mga lalawigang ito, na umabot sa 113,336 noong Setyembre 9 mula sa 50,891 noong Setyembre 1.


Sa unang 11 araw ng Setyembre, 187 kaso ng hirap sa paghinga ang ginamot sa klinika ni Solihat, kumpara sa 422 kaso sa buong Agosto.


“Ngayon, maaaring umabot sa 80 hanggang 120 ang mga nagpapatingin bawat araw (And the daily visits now could range between 80 and 120),” dagdag niya.


Mga ipinapamahaging oxygen


Kabilang sa nakatanggap ng oxygen si Suriana mula sa distrito ng Kubu Raya, na nagsabing lumala ang kanyang kalagayan habang humihina ang kalidad ng hangin.


“Madalas akong nahihirapang huminga kapag nalalantad sa usok (I often feel short of breath when exposed to the smoke),” sabi ng 54-anyos na si Suriana, na isang pangalan lamang ang ginagamit, gaya ng maraming Indonesian.


“Parang lumalala ito ngayon, lalo na tuwing umaga at gabi kung kailan pinakamakapal ang haze (It seems to be getting worse now, particularly in the mornings and evenings, when the haze is at its strongest),” dagdag niya.

Umabot sa 19.7 milyong metriko tonelada ang carbon emissions ng Indonesia sa isang linggong nagtapos noong Setyembre 7, na higit sa isang-katlo ng kabuuang emissions sa buong mundo, ayon sa Fire Emissions Watch portal ng Copernicus climate monitoring service ng European Union.


Mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, umabot sa 202,000 ektarya o halos 500,000 acre ng lupa ang nasunog, ayon sa datos ng pamahalaan. Tinataya naman ng environmental group na YKAN na karagdagang 600,000 ektarya o 1.4 milyong acre ng lupa ang napinsala ng sunog noong Agosto.


Pinaigting ng Indonesia ang mga operasyon laban sa sunog at nagpadala ng mahigit 50 sasakyang panghimpapawid upang magbagsak ng tubig sa mga apoy at magsagawa ng cloud seeding upang magdulot ng ulan. Nagpadala rin ang Japan noong nakaraang linggo ng tatlong CH-47 Chinook helicopter at 180 tauhan upang tumulong sa paglaban sa mga sunog.


bottom of page