top of page

WHO chief, hinimok ang US na alisin ang oil blockade sa Cuba dahil sa banta sa kalusugan

Ayose Naranjo/Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network

November 27, 2026 at 11:50:22 AM

Larawan ng World Health Organization director-general

Dumalo si World Health Organization (WHO) Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus sa isang press conference hinggil sa mga pandaigdigang usaping pangkalusugan sa Geneva, Switzerland, noong Nobyembre 17, 2026.

Denis Balibouse / Reuters

Nanawagan nitong Martes si World Health Organization (WHO) chief Tedros Adhanom Ghebreyesus na agad alisin ng Estados Unidos ang pagharang sa suplay ng krudo at iba pang panggatong sa Cuba, kasabay ng babalang inilalagay ng naturang hakbang sa panganib ang buhay ng mga bata.


“Ang paghihigpit sa suplay ng panggatong at pagpapatindi ng mga parusa ay direktang nakapipinsala sa mamamayan ng Cuba, lalo na sa mga pinakamahihinang sektor (The intensification of fuel restrictions and sanctions is causing direct harm to the Cuban people, especially the most vulnerable),” pahayag ni Tedros sa kanyang kamakailang pagbisita sa Cuba, kung saan pinuntahan niya ang ilang pasilidad pangkalusugan sa Havana.


“Inilalagay nito sa panganib ang kanilang buhay, kabilang ang buhay ng mga bata (It is endangering their lives, including the lives of children).”


Sa kanyang tatlong araw na pagbisita, inihayag ng opisyal na maglalaan ang WHO ng $2 milyon upang makatulong sa pagpapalakas ng pambansang programa sa pagbabakuna ng Cuba at makapagbigay ng mahahalagang kagamitang medikal sa mga pasilidad pangkalusugan.


Tulad ng World Health Organization, paulit-ulit ding nagbabala ang United Nations (UN) hinggil sa lumalalang krisis na makatao sa isla. Itinuturing nito ang pagharang ng US sa suplay ng panggatong bilang paglabag sa pandaigdigang batas at sa karapatang pantao ng lahat ng mamamayan ng Cuba.


Ayon sa pamahalaan ng Cuba, nagresulta ang mga parusang ipinataw ng US sa araw-araw na pagkawala ng kuryente na tumatagal nang 20 oras o higit pa, matinding kakulangan sa mga gamot at kagamitang pang-opera, at paglala ng mga panukat sa kalusugan, gaya ng antas ng pagkamatay ng mga sanggol.


Iginiit naman ng Washington na layunin ng pagharang sa suplay ng enerhiya na isulong ang pagbabago sa politika ng isla, at may mga legal na eksemsiyon para sa pagluluwas ng pagkain at gamot.


Lalong tumindi ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa mula nang paigtingin ng administrasyon ni US President Donald Trump ang panggigipit sa Cuba simula noong Enero, sa pamamagitan ng pagharang sa suplay ng panggatong sa isla at pagpapataw ng mabibigat na parusa laban sa maraming opisyal at entidad ng pamahalaan ng Cuba.


Mula noong 1992, taun-taong inaaprubahan ng UN General Assembly, sa pamamagitan ng malaking mayorya ng mga boto, ang isang resolusyong pabor sa Cuba na nananawagang wakasan ang embargo ng US laban sa isla. Gayunman, walang legal na puwersang nagbubuklod ang naturang resolusyon.


bottom of page