top of page

Vatican, kinumpirmang kaya ni Pope Leo na tumuloy sa biyahe sa Latin America sa susunod na buwan

Reuters / Alvise Armellini; Isinalin ng Sari Story Network

October 28, 2026 at 2:12:44 AM

Larawan ng miyembro ng mga pari at organizers

Humarap sa media ang mga miyembro ng kaparian sa Peru at mga organizer ng nalalapit na pagbisita ni Pope Leo matapos ipahayag ng Vatican na maayos ang paggaling ng Santo Papa mula sa operasyon para sa kanser sa baga at kaya na niyang isagawa ang paglalakbay sa Latin America sa Nobyembre 6-17, 2026. Kuha ang larawan sa Lima, Peru, noong Oktubre 26, 2026. Mababasa sa karatula sa likuran ang: “Lima, buksan natin ang ating mga puso (Lima, let's open our heart).”

Reuters / Sebastian Castaneda

Tuloy ang pagbisita ni Pope Leo sa Uruguay, Argentina, at Peru, ayon sa Vatican nitong Lunes. Senyales ito na maayos ang kaniyang paggaling matapos sumailalim sa operasyon para sa kanser sa baga at sapat na ang kaniyang lakas upang bumiyahe sa Nobyembre 6 hanggang Nobyembre 17.


Kasalukuyang nagpapagaling ang 71-anyos na Santo Papa mula sa operasyong isinagawa noong Oktubre 13, kung saan tinanggal ng mga doktor ang ibabang bahagi ng kaniyang kanang baga. Sa pagsusuri, natukoy rin na mayroon siyang lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga.


“Patuloy ang paggaling ng Santo Papa matapos ang operasyon, at pinatutunayan ng pinakahuling mga medikal na pagsusuri na nasa mabuti siyang kalusugan at maganda ang kaniyang klinikal na kondisyon (The Holy Father’s recovery after the surgery continues, and the latest medical examinations attest to his good health and favorable clinical condition),” ayon sa pahayag ng Vatican, base sa pagsusuri ng personal na doktor ni Pope Leo na si Luigi Carbone.


“Batay sa kaniyang kasalukuyang klinikal na kalagayan, gayundin sa mga isinagawang pagsusuri gamit ang mga kagamitan at mga laboratory test, walang nakikitang dahilan na makapipigil sa kaniya na isagawa ang kaniyang nalalapit na apostolikong paglalakbay (Based on his current clinical status, as well as the instrumental and laboratory tests performed, there are no contraindications that would prevent him from undertaking his upcoming apostolic journey), saad pa sa pahayag.


POPE LEO, BABALIK SA REHIYONG MALAPIT SA KANIYANG PUSO


Ang biyahe sa South America ni Pope Leo ay itinuturing na isa sa pinakamabigat na schedule ng paglalakbay sa ibang bansa ng isang lider ng Simbahang Katolika sa nakalipas na ilang dekada. Nakatakdang bumiyahe ang Santo Papa nang humigit-kumulang 31,000 kilometro o 19,300 milya sa loob ng 10 lungsod at magbigay ng 36 na talumpati.


Ayon sa Vatican, matutuloy ang paglalakbay nang walang pagbabago sa naunang inilabas na schedule.


Ilang dekada ring nagsilbi bilang misyonero si Leo sa Peru bago siya pabalikin sa Roma ng kaniyang pinalitang si Pope Francis noong 2023 at italaga sa iba't ibang posisyon sa Vatican. Dahil dito, maituturing na isang pagbabalik sa tahanan ang paglalakbay para sa kauna-unahang Santo Papa na nagmula sa Estados Unidos.


“Inaasam kong makabalik sa kontinente kung saan ko naranasan ang napakaraming mahahalagang sandali ng aking buhay (I am looking forward to returning to the continent where I’ve experienced so many moments of my life),” ani Pope Leo sa mensahe ng Vatican.


“Nawa’y maging pagkakataon ang paglalakbay na ito upang buksan natin ang ating mga puso sa isa’t isa, patatagin ang ating pagkakaisa bilang magkakapatid, at buhayin ang ating pangako na ipahayag ang Ebanghelyo nang may kagalakan (May this journey be an occasion for us to open our hearts to one another, strengthen our communion as brothers and sisters, and renew our commitment to proclaiming the Gospel with joy),” saad pa ni Leo.


Sa pahayag nito, sinabi rin ng Vatican na inaangkop ni Pope Leo ang kaniyang pang-araw-araw na iskedyul sa pakikipag-ugnayan sa kaniyang mga doktor upang bigyang-priyoridad ang kaniyang paggaling habang patuloy na ginagampanan ang mga responsibilidad ng kaniyang ministeryo.


Noong Linggo, nakipag-usap ang Santo Papa sa mga mananampalataya sa St. Peter’s Square. Gayunman, sa payo ng kaniyang mga doktor, kinansela niya ang nakatakdang isang araw na pagbisita sa bayan ng Assisi sa gitnang bahagi ng Italy, na dapat sana ay isasagawa ngayong Martes.


bottom of page