US, planong ipagbawal ang paggamit ng mga numero ng telepono nito ng mga kompanyang telekomunikasyon ng China
Reuters;Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
October 30, 2026 at 8:29:25 AM
Plano ng Estados Unidos na ipagbawal sa lalong madaling panahon ang direktang pag-access ng mga kompanya ng telekomunikasyon ng China sa mga numero ng telepono sa US dahil sa mga alalahanin sa pambansang seguridad. Layunin ng hakbang na maiwasan ang mga automated call na ginagamit sa mga scam.
Inihayag ng US Federal Communications Commission (FCC) nitong Huwebes na boboto ito sa Nobyembre 19 hinggil sa panukalang ipagbawal ang direktang pag-access ng China Mobile [600941.SS], China Telecom [601728.SS], China Unicom [0762.HK] at iba pang service provider na gumagamit ng Internet Protocol (IP).
Para sa mga kompanya ng telekomunikasyong nagbibigay ng Voice over Internet Protocol (VoIP) — teknolohiyang nagko-convert ng boses sa digital data at nagpapadala nito sa pamamagitan ng broadband connection — mas mura ang direktang pag-access at mas napapadali nito ang pag-aalok ng mga advanced na serbisyo.
“Sa pamamagitan ng desisyong ito, palalakasin ng FCC ang ating unang linya ng depensa laban sa mga masasamang-loob at ilegal na automated call (With this decision, the FCC will be strengthening our first line of defense against bad actors and illegal robocallers)," pahayag ni FCC Chair Brendan Carr.
Hindi agad nagbigay ng komento ang Embahada ng China.
Inihayag din ng FCC nitong Huwebes na plano nitong pagbawalan ang mga IP-enabled service provider na gumagamit ng mga kagamitang mula sa mga kompanyang nasa listahan ng FCC na itinuturing na banta sa pambansang seguridad, kabilang ang Huawei at ZTE [000063.SZ].
Dagdag pa ng ahensiya, ipagbabawal nito sa lahat ng laboratoryo sa China ang pagsubok sa mga elektronikong produkto ng US simula Disyembre 2028. Posible rin nitong bawiin ang mga pahintulot sa direktang paggamit ng mga numero ng telepono ng mga kompanyang Tsino na itinuturing nitong banta sa pambansang seguridad.
Nauna nang ipinagbawal ng FCC sa China Mobile, China Telecom at China Unicom ang pagbibigay ng mga serbisyong internasyonal na telekomunikasyon sa Estados Unidos.
Kabilang din sa mga pinag-aaralang hakbang ang pagbabawal sa mga kompanyang ito na kumonekta sa mga network ng US at magpatakbo ng kanilang mga data center sa bansa.
Lumalaki nitong mga nakaraang taon ang pangamba sa posibleng paniniktik at iba pang panganib na dulot ng pag-access ng China sa datos at imprastraktura ng telekomunikasyon ng US.
Noong huling bahagi ng 2024, sinabi ng Washington na nagnakaw ang isang grupong sangkot sa cyber espionage na suportado ng estado ng China, na kilala bilang Salt Typhoon, ng mga talaan ng tawag ng mga konsumer at datos ng mga tawag sa US. Nakapasok din ang grupo sa mga kompanya ng telekomunikasyon at imprastraktura ng telecom sa bansa.
Sinabi naman ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ngayong taon na “patuloy pa rin (still very much ongoing)” ang mga banta mula sa Salt Typhoon.
Noong Hulyo, isinama ng FCC ang California-based Digital System Technology sa listahan ng mga kompanyang nagdudulot ng panganib sa pambansang seguridad ng US, dahil sa umano'y ugnayan nito sa mga kompanya ng telekomunikasyon ng China at pagmamay-ari nito ng isang mamamayang Tsino.
Paulit-ulit namang itinanggi ng China ang anumang maling gawain.

