US, nagsagawa ng ‘defensive’ strikes sa Qeshm Island ng Iran sa Strait of Hormuz
Isinalin ng Sari Story Network
November 4, 2026 at 3:16:26 AM
WASHINGTON — Nagsagawa ng mga pag-atake ang Estados Unidos sa Qeshm Island ng Iran sa Strait of Hormuz, ayon sa isang opisyal ng US nitong Lunes.
Iniulat din ito ng Wall Street Journal. Ayon sa opisyal, limitado lamang ang mga pag-atake at hindi nangangahulugan ng muling pagsisimula ng malawakang operasyong militar. Hiniling ng opisyal na huwag pangalanan dahil hindi siya awtorisadong magsalita sa publiko.
Sinabi naman ng isa pang opisyal na depensibong hakbang ang mga pag-atake laban sa mga Iranian na gumagamit ng surface-to-air missiles upang puntiryahin ang mga ari-arian at pasilidad ng US.
Itinuro ng Pentagon sa US Central Command (CENTCOM), na nangangasiwa sa mga puwersang Amerikano sa Middle East, ang mga katanungan tungkol sa insidente. Gayunman, hindi tumugon ang CENTCOM sa mga kahilingan para sa komento.
Bago iyan nitong Lunes din, iniulat ng Iranian state media na IRNA na ilang pagsabog ang naganap sa Qeshm Island.
Sinabi ng Wall Street Journal na ang pag-atake ang pinabago sa serye ng mga opensibang isinagawa ng Washington nitong mga nakaraang linggo.
Iniulat naman ng Fox News, batay sa mga pahayag ng mga opisyal, na depensibo ang mga pag-atake at isinagawa bilang tugon sa pagpapaputok ng Iran sa isang sasakyang panghimpapawid ng US.
Sa mga nakalipas na linggo, nagpahiwatig si US President Donald Trump na posibleng ipagpatuloy ang mga pag-atake laban sa Iran matapos ang midterm elections sa Estados Unidos nitong Martes. Gayunman, matapos ang kaniyang talumpati sa Lincoln Memorial Reflecting Pool nitong Lunes, nagpahiwatig siya na maaaring magbago ang kaniyang pananaw hinggil dito.
- Phil Stewart, Steve Holland at Jasper Ward sa Washington; Inedit ni Christian Martinez, Donna Bryson at Thomas Derpinghaus / Reuters

