top of page

US at Iran, hiwalay na nakipag-usap sa mga mediator para wakasan ang giyera

Sari Story

September 29, 2026 at 7:35:30 AM

Larawan ni Abbas Araqchi

Dumating si Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi sa New York City sa Amerika para lumahok sa 81st United Nations General Assembly, ayon sa screenshot mula sa video na inilabas noong Setyembre 22, 2026.

Araqchi Telegram Channel / Handout sa pamamagitan ng REUTERS

Magkahiwalay na nakipag-usap nitong Lunes ang mga opisyal ng Estados Unidos at Iran sa mga tagapamagitan bilang bahagi ng panibagong pagsisikap na wakasan ang pitong buwang giyera, ayon sa mga opisyal ng dalawang bansa.


Inaasahang pagtutuunan ng mga susunod na pag-uusap ang isang binagong bersyon ng pitong-araw na panukala na iniharap ng Iran noong nakaraang linggo sa sidelines ng United Nations General Assembly, giit ng isang opisyal na may kaalaman sa negosasyon.


Nagsimula ang giyera noong huling bahagi ng Pebrero matapos magsagawa ng mga pag-atake ang US at Israel laban sa Iran. Libu-libong tao ang nasawi sa loob ng pitong buwan, habang naapektuhan din ang pandaigdigang merkado dahil naharang ang mahahalagang daanan ng langis. Dalawang beses nang nagkasundo ang US at Iran sa ceasefire sa pamamagitan ng mediated peace talks, noong Abril at Hunyo. Gayunman, mabilis ding nauwi sa pagkasira ang mga kasunduang ito.


Ayon sa state news agency na IRNA, sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi, na nanatili sa New York matapos dumalo sa General Assembly, na inaasahan ng Iran na matatanggap nito ang tugon ng US sa pinakabagong ceasefire proposal nito, pati na ang mga kondisyon ng Iran para maibalik ang malayang pagdaan ng maritime traffic sa Strait of Hormuz.


“Kung sinasabi ng mga Amerikano na naghahanap sila ng kasunduan o mapayapang solusyon, iniharap na namin ang solusyong iyon (If the Americans claim they are seeking an agreement or a peaceful solution, we have presented that solution)," sabi ni Araqchi.


Samantala, sinabi ni US President Donald Trump sa mga reporter sa White House na nakipag-usap din noong Lunes ang mga opisyal ng US sa mga tagapamagitan, ngunit hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye.


TRUMP, NAGPAHIWATIG NG PANIBAGONG PAG-UUSAP NGAYONG LINGGO


Sa pitong-araw na plano ng Iran, nakapaloob ang pagtatapos ng lahat ng labanan sa Iran at Lebanon, pag-unfreeze sa bilyun-bilyong dolyar na halaga ng Iranian assets, pagtanggal ng sanctions sa langis ng Iran, at pagbawi ng US blockade sa mga daungan ng Iran.


Bilang kapalit, papayagan ng Iran ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan para sa mga oil tanker. Muli ring pag-uusapan ng dalawang panig ang nuclear program ng Iran at ang kagustuhan ni Trump na makuha o tuluyang alisin ang highly enriched uranium nito.


Sinabi ni Trump noong Sabado na tinanggihan niya ang panukala ng Iran, at iginiit na nais ng Iran ng mabilis na kasunduan dahil sa matinding economic pressure na kinakaharap nito. Gayunman, sinabi rin niya sa Axios noong Linggo na inaasahan niyang muling makikipag-usap ang mga negotiator ng US sa Iran ngayong linggo.


Sinabi naman ni Araqchi noong Linggo na hindi pa pormal na ipinapaabot ng mga tagapamagitan ang pagtanggi ng US at hinihintay pa ng Iran ang pinal na posisyon ng Washington bago magpasya sa susunod nitong hakbang.


“Malinaw ang aming mga kondisyon, at ang anumang hakbang tungo sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz ay nakasalalay sa pagtupad sa mga kondisyong ito (Our conditions are clear, and any move toward reopening the Strait of Hormuz is contingent on these conditions being met)," sabi niya noong Linggo, kasabay ng paggiit na tanging isang negotiated solution ang makalulutas sa hindi pagkakasundo ng dalawang panig.


bottom of page