UN, nangakong magbibigay ng suporta sa Pilipinas sa harap ng banta ng matinding El Niño
Philippine News Agency; Isinalin ng Sari Story Network
October 23, 2026 at 6:21:14 AM
MANILA — Nangako ang United Nations (UN) at mga ahensiya nito sa Maynila na magbibigay ng iba’t ibang antas ng suporta sa Pilipinas habang nagbabanta ang napakatinding El Niño na magpalala sa mga hamon sa agrikultura, kalusugan, suplay ng tubig at kabuhayan sa buong bansa.
Sinabi ni International Organization for Migration (IOM) Philippines Chief of Mission Tristan Burnett nitong Huwebes na handa ang pandaigdigang organisasyon na suportahan ang mga hakbang ng pamahalaan sa lahat ng yugto, mula sa paghahanda at pagtugon hanggang sa pagbangon.
“Dito, matatag ang pamahalaan pagdating sa pagtugon sa mga emerhensiya. Kaya, dinaragdagan namin ang mga pagsisikap na ito (Here, the government is really strong in terms of emergency response. So, we supplement those efforts),” ani Burnett sa isang panayam sa Makati City.
“Karaniwan, nakahanda na ang kanilang mga plano at nagbibigay kami ng suporta. Maaari silang humingi ng internasyonal na tulong, pero bihira naming makitang nangyayari ito sa ganoon kalawak na antas (Normally they have already their plans in place, and we support. They could ask for an international appeal, but we don't often see that happening at that big scale),” dagdag niya.
Sa isang press briefing, inilahad nina Burnett, UN Resident Coordinator for the Philippines Arnaud Peral, at mga pinuno ng iba pang ahensiya ng UN ang mga hakbang ng organisasyon upang palakasin ang maagap na pagkilos at katatagan ng Pilipinas sa harap ng mga panganib.
Inaasahang magpapatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027 ang mga epekto ng El Niño, na magpapalala sa tagtuyot, matinding init at kakulangan sa tubig sa mga rehiyong higit na maaapektuhan.
“Sa pamamagitan ng pamumuhunan sa maagap na pagkilos, pagpapalakas sa mga sistema ng pagkain at kabuhayan, pangangalaga sa mahahalagang serbisyo, pagbabawas sa panganib ng sapilitang paglikas, at pagpapalakas sa mga lokal na institusyon, matutulungan natin ang mga komunidad na makayanan ang mga epekto ng matitinding pangyayaring dulot ng klima habang pinoprotektahan ang buhay, kabuhayan at mga nakamit na pag-unlad (By investing in anticipatory action, strengthening food systems and livelihoods, protecting essential services, reducing displacement risks, and empowering local institutions, we can help communities withstand climate shocks while protecting lives, livelihoods, and hard-won development gains),” ani Burnett.
Kabilang sa mga tinututukan ng UN sa Pilipinas ang maagap na pagkilos, pagpaplano batay sa datos ng klima, pagsasaka na matatag sa epekto ng pagbabago ng klima, mga napapanatiling gawaing pangkabuhayan, mga pamamaraang nakabatay sa pangangalaga ng ecosystem, at tulong panlipunang tumutugon sa mga krisis.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis, siyam na lalawigan na ang nakararanas ng tagtuyot, 30 ang nakararanas ng matagal na kakulangan sa ulan, at 14 ang nakararanas ng tuyong kondisyon.
Partikular na apektado ang Bicol, Eastern Visayas at malaking bahagi ng Mindanao.
Nagbabala si Solis na makatatanggap ng mas kaunting ulan ang “karamihan o lahat ng bahagi ng ating bansa” hanggang Mayo 2027, na may inaasahang pagbaba ng mahigit 60 percent sa dami ng ulan.
Sa ngayon, nakararanas na ng kakulangan sa suplay ng tubig ang Siquijor at ilang lugar sa Camarines Norte. Sapat pa naman ang suplay ng tubig sa Metro Manila, ngunit nakadepende ito sa maayos na paggamit at pagtitipid ng mga mamamayan, ayon kay Solis.
“Binawasan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig para sa mga kabahayan na nagsusuplay sa Metro Manila (The MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System) and NWRB (National Water Resources Board) already reduced the allocation for domestic water supply that would supply Metro Manila),” aniya.
“Kaya, bahagi ito ng maagap na pagkilos, kung saan kailangan nating pangasiwaan at gamitin nang wasto ang ating tubig (So, this is anticipatory in nature, wherein we need to properly manage our water and properly use our water),” dagdag niya.
Sinabi naman ni Office of Civil Defense (OCD) Director Jose Harry Barber na isusulong din ng ahensiya ang isang maagap, nakabatay sa panganib at pinagtutulungang hakbang ng buong pamahalaan sa pagbabawas at pamamahala sa mga panganib ng sakuna kaugnay ng El Niño.
Ayon kay Barber, wala pang nakikitang anumang “red flag” ang OCD na nagpapahiwatig na maaaring humantong sa kaguluhang panlipunan ang kakulangan sa suplay ng tubig.
Samantala, kinilala ni Peral ang “matatag na pamumuno” ng pamahalaan sa pagtugon sa epekto ng El Niño.
“Pinakilos na nito ang buong bansa sa pamamagitan ng pagtugong pinangungunahan ng pangulo. Naglaan na rin ito ng malaking halaga ng mga mapagkukunan (It has activated a nationwide, presidential-coordinated response to the phenomenon. It has already mobilized significant resources),” aniya.
“Para sa amin sa United Nations, napakahalagang iugnay sa pamahalaan ang anumang tulong na maibibigay namin. Malaking tulong sa aming gawain sa Pilipinas ang maagang pagtugon at ang mga mekanismong pinangungunahan ng pamahalaan ([F]or us at United Nations, it’s obviously very important to coordinate anything that we can do with the government and this early response and mechanisms and governmental-led mechanisms is really helping our work here in the Philippines),” dagdag niya.

