top of page

UN, nagbabala sa mabagal na pagpapanumbalik ng mga nasirang ekosistema

David Stanway/Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 29, 2026 at 11:21:18 AM

Larawan ng mga mananaliksik

FILE PHOTO: Sinusuri ng mga mananaliksik ang pompon moss sa isang hindi pa nasisirang peat bog sa isang ekspedisyon ng International Peatland Conservation Group noong Disyembre 6, 2025, sa Punta Arenas, Chile. Itinataguyod ng grupo ang pangangalaga at pagpapanumbalik ng mga peatland, mga ekosistemang mayaman sa carbon at tubig na mahalaga sa pagbawas sa epekto ng pagbabago ng klima.

Pablo Sanhueza/Reuters

Isinasagawa na ang pagpapanumbalik ng 252 milyong ektarya (katumbas ng 973,000 milya kwadrado) ng mga nasirang ekosistema sa 149 na bansa, ayon sa ahensya ng United Nations (UN) para sa kapaligiran nitong Huwebes. Gayunman, malayo pa ito sa pandaigdigang target na isang bilyong ektarya pagsapit ng 2030.


  • Bilang bahagi ng Kunming-Montreal Global Biodiversity Framework na nilagdaan noong huling bahagi ng 2022, nagkasundo ang mga bansa na ibalik ang humigit-kumulang isang bilyong ektarya ng mga nasirang lupain pagsapit ng 2030 at tiyaking hindi bababa sa 30 porsyento ng mga ekosistema sa mundo ang epektibong mapoprotektahan.

  • Sa 252 milyong ektaryang kasalukuyang pinanunumbalik, 192.2 milyong ektarya ang nasa Asya, kung saan nangunguna ang China sa may 127.4 milyong ektarya. Ito ang nakasaad sa Restoration Progress Report ng UN na inilathala sa panibagong serye ng mga pag-uusap tungkol sa biodiversity sa Yerevan, Armenia.

  • Halos kalahati na ng target para sa 2030 ang naabot sa pagpapanumbalik ng mga ekosistema sa lupa. Gayunman, limitado pa rin ang pag-unlad sa pagpapanumbalik ng mga ekosistema sa tubig-tabang at karagatan, sa kabila ng mas mabilis na pagkasira ng mga ito.

  • Dagdag ng ulat, kailangang tumaas ang taunang pondo para sa pagpapanumbalik mula $64 bilyon tungong $296 bilyon pagsapit ng 2030. Kabilang dito ang $87 bilyon para sa agroforestry, $52 bilyon para sa pagpapanumbalik ng mga kagubatan sa pamamagitan ng muling pagtatanim, at $44 bilyon para sa pagpapanumbalik ng mga lupang latian na mayaman sa organikong materyal (peatlands).

  • Ayon sa ulat, may matibay na dahilan sa ekonomiya upang dagdagan ang paggasta para sa pagpapanumbalik, dahil mahigit kalahati ng kabuuang gross domestic product ng mundo ay nagmumula sa mga gawaing pang-ekonomiya na lubos na nakadepende sa kalikasan.

  • Maaari ring makuha at maimbak ang katumbas ng 30 porsyento ng mga emisyon ng carbon dioxide (CO2) mula sa industriya at maiwasan ang pagkalipol ng 60 porsiyento ng mga species kung maibabalik ang 15 porsyento ng mga prayoridad na ekosistema sa mundo, ayon sa ulat.


bottom of page