top of page

UN agency: Halos lahat ng residente ng Gaza, nangangailangan ng masisilungan sa harap ng banta ng pagbaha dulot ng El Niño

Sandra Samala-Salem

October 10, 2026 at 8:11:43 AM

Larawan ng mga tolda ng mga lumikas na Palestinian

FILE PHOTO: Mga tolda ng mga lumikas na Palestinian sa loob ng isang paaralang ginawang pansamantalang tirahan sa Khan Younis, katimugang bahagi ng Gaza Strip, Setyembre 10, 2026.

Ramadan Abed/Reuters

GENEVA — Halos lahat ng residente ng Gaza ay nangangailangan ng mga tolda o tulong sa pabahay bago sumapit ang taglamig, dahil inaasahang magdadala ng mas malakas na pag-ulan ang El Niño, habang nananatiling kapos ang mga suplay bunsod ng mga restriksiyon ng Israel, ayon sa International Organization for Migration (IOM) ng United Nations nitong Biyernes.


Ang El Niño, na posibleng maging pinakamalakas na naitala ayon sa ahensiya ng UN na nangangasiwa sa lagay ng panahon, ay maaaring higit pang magpahina sa mga gusaling hindi na ligtas at magdulot ng matinding pagbaha dahil sa malawakang pagkasira ng mga sistema ng drainage sa teritoryo, ayon sa IOM.


Ayon kay IOM Director General Amy Pope, nangangailangan ng tulong ang halos dalawang milyong tao sa Gaza, na ang malaking bahagi ay nawasak dahil sa digmaang inilunsad ng Israel bilang tugon sa pag-atake ng Hamas noong Oktubre 2023. Gayunman, nasa 17 porsiyento pa lamang ng pangangailangan para sa mga suplay na panangga sa taglamig ang natutugunan ng mga humanitarian organization.


“Dapat makayanan ng mga pamilyang paulit-ulit nang napilitang lumikas at dumanas ng matinding pagkawala ang taglamig nang ligtas at may dignidad (Families who have already endured repeated displacement and devastating loss must be able to face the winter in safety and dignity),” ani Pope. Idinagdag pa niya na ang mga restriksiyon na ipinapatupad ng mga awtoridad ng Israel ang nagpapahirap sa mga ahensiya upang palawakin ang kanilang pagtugon.


Ayon sa IOM, hindi pinahihintulutan ng mga awtoridad ng Israel na makapasok sa Gaza ang humigit-kumulang 8,600 emergency shelter kit na naglalaman ng kahoy, trapal, at ilang pangunahing materyales dahil itinuring ang mga ito na maaaring gamitin sa dalawang magkaibang layunin (dual-use), kabilang ang mga gamit na hindi pangmilitar at pangmilitar.


Hindi agad tumugon ang COGAT, ang sangay ng militar ng Israel na nangangasiwa sa pagpasok ng tulong sa Gaza, sa kahilingan ng Reuters na magbigay ng pahayag o komento. Binabanggit ng Israel ang mga usaping pangseguridad bilang pangunahing dahilan ng mga restriksiyon nito sa teritoryo.


Sinabi ng IOM na nakapagdala na ito ng ilang trapal at tolda sa teritoryo, ngunit hindi sapat ang mga ito upang matugunan ang kasalukuyang lawak ng pangangailangan sa Gaza.


Mahigit kalahati ng mga tolda at pansamandarang silungan sa teritoryo ang kailangang palitan dahil sa hindi na magandang kondisyon ng mga ito, ayon sa IOM. Nagbabala rin ito na kakaunti ang iba pang mapagpipilian dahil nagdudulot ng malaking panganib sa kaligtasan ang mga gusaling napinsala ng digmaan.


Batay sa tala ng IOM, natukoy noong Agosto ang mahigit 3,600 istrukturang mapanganib at nanganganib gumuho, habang nasa 1.8 milyon katao ang naninirahan sa mga lugar na nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga lumikas, na karamihan ay matatagpuan sa mga lugar na nanganganib bahain.


bottom of page