UN agency: 109 migrante, kabilang ang 15 bata, nasawi matapos tumaob ang bangka sa baybayin ng Djibouti
Sari Story
October 12, 2026 at 12:50:59 PM
Hindi bababa sa 139 na migrante, kabilang ang hindi bababa sa 15 bata, ang nasawi at nasa 84 ang nawawala matapos tumaob ang bangkang lulan ang mahigit 300 katao habang bumibiyahe mula Djibouti patungong Yemen, ayon sa International Organization for Migration (IOM) ng United Nations nitong Linggo.
Ayon sa IOM, batay sa salaysay ng mga nakaligtas, tumaob ang bangkang lulan ang 305 katao malapit sa Guhere, hilaga ng Obock, isang bayang may daungan sa Djibouti, noong gabi ng Oktubre 8 hanggang 9.
Nasa 82 katao naman ang nakaligtas sa insidente, ayon sa pahayag ng ahensya. Hindi agad tumugon sa kahilingan para sa komento ang isang tagapagsalita ng pamahalaan ng Ethiopia.
Sa mga larawang inilabas ng ahensya ng UN, makikita ang mga pudpod na sandalyas at sapatos na inanod sa dalampasigan.
“Nasa lugar ang aming mga team kasama ang mga lokal na awtoridad upang magbigay ng agarang tulong (Our teams are on the ground alongside local authorities to provide emergency assistance),” ani Alexandre Coissac, pinuno ng misyon ng IOM sa Djibouti.
“Malinaw na paalala ang trahedyang ito sa mga panganib na kinakaharap ng mga migrante sa rutang ito habang naghahanap sila ng mga oportunidad pang-ekonomiya (This tragedy is a stark reminder of the dangers faced by migrants along this migration corridor as they seek economic opportunities),” ani Coissac.
Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad ng Djibouti, ayon sa pahayag ng IOM. Nagbibigay rin ang mga lokal na awtoridad ng serbisyong medikal sa mga nakaligtas at naghahanda ng pagpapalibing sa mga nasawi.
Hindi agad makontak ang pamahalaan ng Djibouti para sa komento.
Patungo sana sa Yemen ang mga migrante sa pag-asang makararating kalaunan sa mas mayayamang bansa sa rehiyon ng Gulf. Samantala, patuloy ding tumatakas ang mga mamamayan ng Yemen mula sa kanilang bansa dahil sa pinakamalalang paglala ng labanan sa pagitan ng mga puwersa ng pamahalaang suportado ng Saudi Arabia at ng grupong Houthi na suportado ng Iran mula nang magkaroon ng tigil-putukang pinamagitan ng UN noong 2022.
“Sa kabila ng karahasan sa Yemen, patuloy pa rin ang mga migrante sa mapanganib na paglalakbay sa pag-asang makarating sa mga bansa sa Gulf (Despite the violence in Yemen, migrants are still making the perilous journeys hoping to make it to the Gulf countries),” ayon sa pahayag ng IOM.
LABANAN SA ETHIOPIA
Sumiklab din ang labanan sa Ethiopia noong nakaraang buwan, sa pinakamalalang paglala ng karahasan mula noong digmaan sa Tigray noong 2020 hanggang 2022.
Sinabi ng isang opisyal ng IOM sa Reuters na ilang taon nang naitatala ng ahensya ang matinding daloy ng mga migrante sa tinatawag na Eastern Route na dumaraan sa Djibouti.
“Patuloy na ginagamit ng mga tao ang rutang ito sa kabila ng pabago-bagong sitwasyon sa Ethiopia at Yemen, bagaman maaaring magbago sa paglipas ng panahon ang dami at direksiyon ng paglalakbay (People continue to use the route amid changing conditions in Ethiopia and Yemen, although the volume and direction of movement can shift over time),” ani ng opisyal.
Ayon sa pinakahuling ulat ng IOM tungkol sa sitwasyon sa Djibouti, na sumasaklaw sa Setyembre 20 hanggang 30, sinabi ng mga migranteng Ethiopian na kinapanayam ng ahensya na umalis sila sa kanilang bansa dahil sa mahihirap na kalagayan ng pamumuhay, kabilang ang epekto ng tagtuyot.
“Iniulat din ng ilang migrante na tumatakas sila sa labanan at sapilitang pagrerekrut ng mga armadong puwersa (Some migrants also reported that they were fleeing conflict and forced recruitment by armed forces),” ayon sa ulat.
Sinabi sa Reuters ng ilang residente ng Tigray, kung saan sumiklab ang labanan noong Setyembre 23, na nasaksihan nila ang sapilitang pagrerekrut ng mga rebeldeng Tigrayan sa mga kabataang lalaki upang sumapi sa mga puwersang pandepensa. Itinanggi naman ng mga rebelde ang pagsasagawa ng sapilitang pagrerekrut.
Nagdulot ang labanan ng pangamba sa muling pagsiklab ng malawakang digmaan, kasunod ng pagkaputol ng ugnayan ng Ethiopia at Eritrea dahil sa mga alegasyon na sinusuportahan ng Eritrea ang alyansa ng mga rebelde na naglalayong pabagsakin ang pamahalaan ng Ethiopia. Itinanggi ng Eritrea ang pagsuporta sa alyansa.
MALALAKING PANGANIB
Maraming panganib ang dulot ng tinatawag na Eastern Route, kabilang ang mga aksidente sa dagat, human trafficking at di-makatwirang pag-aresto pagdating sa lupa.
Ayon sa Missing Migrants Project ng IOM, mahigit 900 migrante ang nasawi o nawawala sa rutang ito noong 2025, habang tumaas ng 18 porsiyento ang bilang ng mga nagsasagawa ng paglalakbay.
Inilarawan ng IOM bilang nakababahala ang krisis na dulot ng labanan sa Yemen. Batay sa datos na inilabas ng ahensya noong nakaraang linggo, umakyat sa 200,000 ang bilang ng mga lumikas mula sa dating 76,000 noong kalagitnaan ng Setyembre.
Mahigit 3,700 katao na rin ang tumakas mula Yemen patungong Djibouti sakay ng mga bangka hanggang noong nakaraang linggo, ayon sa IOM.

