top of page

Trump, umaasang mabilis na gagaling si Pope Leo matapos ma-diagnose ng lung cancer

Jarrett Renshaw and Kanishka Singh / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 15, 2026 at 6:24:58 AM

Larawan nina Pope Leo at Luigi Carbone

Nakipag-usap si Pope Leo sa kaniyang personal na doktor na si Luigi Carbone pagdating sa Gemelli Hospital sa Roma, Italy, noong Oktubre 13, 2026, bago sumailalim sa operasyon upang alisin ang bukol sa kaniyang baga.

Guglielmo Mangiapane / Reuters

BULLHEAD CITY, Arizona — Ibinahagi ni US President Donald Trump nitong Miyerkules na umaasa siyang mabilis na gagaling si Pope Leo matapos itong ma-diagnose ng lung cancer.


“Gusto kong gumaling si Pope Leo (I want to see Pope Leo get well),” pahayag ni Trump sa mga mamamahayag.

“Hangad ko lamang ang kaniyang kaligtasan at mabuti niyang kalagayan (I just want to wish him well, get better fast),” dagdag niya.


Ayon sa Vatican, na-diagnose ng kanser sa baga ang 71-anyos na Santo Papa matapos alisin ng mga surgeon ang bahagi ng kaniyang kanang baga noong Martes.


Sinabi ng Vatican nitong Miyerkules na naaayon sa inaasahan ang paggaling ng Santo Papa matapos ang operasyon. Nagsimula na rin siyang maglakad sa loob ng kaniyang silid sa ospital at nakakakain na nang normal.


Noon, naging kritikal sa isa't isa sina Pope Leo at Trump.


Nanawagan si Leo, ang kauna-unahang Santo Papa na nagmula sa Estados Unidos, ng masusing pagninilay sa Amerika tungkol sa pagtrato sa mga migrante sa ilalim ng pamumuno ni Trump. Inilarawan din niya ang administrasyong Trump bilang lubhang walang paggalang sa mga migrante at binatikos ang tinawag niyang hindi makataong pagtrato sa kanila.


Sa usapin naman ng patakarang panlabas ng Estados Unidos, tumanggi ang Vatican na sumali sa inisyatiba ni Trump na “Board of Peace” para sa Gaza. Binatikos din ng Santo Papa ang digmaang inilunsad ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.


Noong unang bahagi ng taong ito, tinawag ni Trump si Leo na kakila-kilabot pagdating sa patakarang panlabas at mahina pagdating sa krimen sa isang post sa internet.


Noong huling bahagi naman ng nakaraang buwan, sinabi ni Leo na dapat seryosohin ang mga pangamba na maaaring humantong sa pagkawasak ng mundo ang artificial intelligence (AI). Itinuturing itong tila pagpuna kay Trump, na nagsabing isang panloloko ang mga pangambang nagdudulot ng banta sa sangkatauhan ang naturang teknolohiya.


bottom of page