top of page

Tatlo patay, libo-libo inilikas sa pananalasa ng Cyclone Arnab sa silangang India

Reuters / Jatindra Dash / Rishika Sadam; Isinalin ng Sari Story Network

October 29, 2026 at 2:02:17 AM

Larawan ng sasakyan na nabagsakan ng puno

Isang sasakyan na napinsala ng bumagsak na puno matapos manalasa ang Cyclone Arnab sa Visakhapatnam, Andhra Pradesh, India, Oktubre 28, 2026.

Reuters

Hindi bababa sa tatlong katao ang nasawi, dose-dosenang bahay ang nasira at mga pananim ang nawasak matapos manalasa ang malakas na bagyong Cyclone Arnab sa silangang baybayin ng India mula sa Bay of Bengal nitong Miyerkules, dala ang malakas na ulan at hangin, ayon sa mga awtoridad.


Ayon sa India Meteorological Department, tumama ang Cyclone Arnab sa estado ng Andhra Pradesh noong madaling-araw ng Miyerkules. Inuri ito bilang very severe cyclonic storm, ang ikatlong pinakamataas na kategorya sa kanilang klasipikasyon. Tuluyan nang nakapasok sa kalupaan ang sentro ng bagyo, ayon sa ahensiya.


“Pinakaapektado ang Andhra Pradesh... tatlong katao ang nasawi (Andhra Pradesh has been most affected ... three people have lost their lives),” sinabi ni Narendra Singh Bundela, isang mataas na opisyal ng National Disaster Response Force (NDRF), sa mga mamamahayag.


Sinabi ni Andhra Pradesh Chief Minister N. Chandrababu Naidu sa isang liham kay Federal Home Minister Amit Shah na winasak ng malakas na ulan at hangin ang hindi bababa sa 180 bahay, nagpatumba ng 220 puno at nagdulot ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa ilang lugar.


Dalawa sa mga nasawi ang namatay matapos mabagsakan ng puno at makuryente, ayon sa mga opisyal sa tanggapan ni Naidu sa panayam ng Reuters.


Hindi gaanong naapektuhan ang kalapit na estado ng Odisha, ayon kay Bundela. Inaasahan din umanong hihina ang hangin habang kumikilos ang bagyo papasok sa kalupaan.


Mahigit 180,000 katao ang inilikas sa Andhra Pradesh at Odisha bago dumating ang bagyo.


Ilang paaralan ang isinara, habang kinansela ang ilang biyahe ng tren at eroplano sa silangang baybayin.


Ayon kay Bundela, kumikilos na ang ilang pangkat ng NDRF at mga awtoridad ng estado sa mga lugar na sinalanta ng bagyo. Posible ring maapektuhan ng malakas na ulan ang ilang kalapit na estado.


Sa mga kuha ng telebisyon, makikita ang mga punong bumagsak sa mga pangunahing kalsada habang nagtatrabaho ang mga tauhang nakasuot ng panangga sa ulan upang alisin ang mga sanga at dahon sa daanan.


“Walang nakaaalam kung kaninong bahay susunod na papasok ang tubig o kung aling tahanan ang lulubog sa baha (No one knew whose house the water would rush into next, or whose home would be submerged),” sinabi ni Nagi, residente ng distrito ng Kakinada sa Andhra Pradesh.


“Bumagsak ang mga puno, nasira ang mga bahay, at nawasak ang lahat ng aming gamit, kabilang ang aming mga libro (Trees have fallen, houses have been damaged, and all our belongings, including our books, have been destroyed),” dagdag ni Nagi, na hindi nagbigay ng apelyido.


Pinayuhan ang mga mangingisda sa baybayin na huwag munang pumalaot. Nagbabala rin ang weather department na posibleng mapinsala ang mga pananim, mga bahay na gawa sa pawid at mga linya ng komunikasyon.


Inaasahang aabot sa 125 hanggang 135 kilometro kada oras ang bilis ng hangin, na may pagbugsong maaaring umabot sa 150 kilometro kada oras.


Posible ring magdulot ang storm surge na 1 hanggang 1.5 metro lampas sa karaniwang taas ng tubig-dagat ng pagbaha sa mga mabababang lugar ng Andhra Pradesh, ayon sa weather department.


Sinabi ng Ministry of Civil Aviation ng India na sinuspinde ang operasyon sa tatlong paliparan sa Andhra Pradesh.


NEPAL, SINUSPINDE ANG PAG-IISYU NG TREKKING PERMITS


Sa kalapit na Nepal, sinuspinde ng mga awtoridad sa loob ng tatlong araw ang pag-iisyu ng mga permit para sa trekking sa matataas na kabundukan dahil sa panganib ng malakas na ulan at blizzard dulot ng bagyo, ayon kay Gita Ghimire, information officer ng Immigration Department, sa Reuters.


Kasalukuyang peak season ng trekking sa Nepal, kung saan nasa 750 hiker ang nabibigyan ng permit kada araw.


Noong Martes, pinayuhan ng Nepal ang mga turista na iwasang pumunta sa matataas na lugar dahil sa pangambang magdulot ang Arnab ng matinding buhos ng ulan, mga snowstorm at avalanche sa rehiyon ng Himalayas mula Huwebes ng gabi hanggang Sabado.


Nabuo ang Arnab sa Bay of Bengal, isang pangunahing lugar kung saan nabubuo ang mga tropical cyclone na nagdulot na ng mapaminsalang mga bagyo sa silangang baybayin ng India.


Isa sa pinakamapaminsalang kalamidad sa bansa ang super cyclone na pumatay sa halos 10,000 katao nang manalasa ito sa Odisha noong Oktubre 1999.


Gayunman, nakabuo na ang India sa paglipas ng mga taon ng mga sistema ng maagang babala at mga hakbang sa pag-iwas upang mabawasan ang bilang ng mga nasasawi sa mga kalamidad.


bottom of page