Taiwan, nagkansela ng mahigit 100 flight dahil sa Bagyong Champi
Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network
October 22, 2026 at 10:29:15 AM
TAIPEI — Nagbabala ang Taiwan sa paglapit ng bagyo nitong Huwebes bilang paghahanda sa pagdating ng malakas na Bagyong Champi. Nagkansela rin ito ng mahigit 100 flight. Inaasahang dadaan ang bagyo malapit sa hilagang-silangang baybayin ng isla at unti-unting hihina habang papalapit.
Sa isang punto, naging super typhoon ang Champi at kabilang sa pinakamalakas na bagyo sa Pasipiko ngayong taon. Bahagya itong humina nitong Huwebes, ngunit umaabot pa rin sa mahigit 227 kilometro kada oras (141 milya kada oras) ang bugso ng hangin malapit sa sentro nito, ayon sa Central Weather Administration (CWA) ng Taiwan.
Kasalukuyang nasa layong humigit-kumulang 520 kilometro (320 milya) timog-silangan ng pinakatimog na bahagi ng Taiwan ang bagyo, ayon sa CWA. Batay sa tinatayang daraanan nito, dadaan ang bagyo sa hilagang-silangang bahagi ng Taiwan, liliko pahilaga patungo sa baybayin ng China, at kalaunan ay kikilos patungo sa katimugang Japan.
Ayon sa CWA, bahagyang lumawak ang radius ng bagyo sa 320 kilometro (199 milya), na sapat upang masaklaw ang malaking bahagi ng Taiwan. Sinabi naman ng mga eksperto sa lagay ng panahon na maaaring tumagal nang halos dalawang araw ang epekto nito.
Nanawagan si Taiwan President Lai Ching-te sa publiko na maghanda na para sa bagyo at iwasang magtungo sa mga kabundukan o baybayin.
“Ang kaunting dagdag na paghahanda ay nangangahulugan ng mas mababang panganib (A little more preparation means less risk)”, isinulat niya sa kaniyang Facebook page.
Bagama’t mas karaniwan ang mga bagyo tuwing mga buwan ng tag-init, maaari rin itong tumama sa taglagas at magdala ng malalakas na hangin at napakalakas na pag-ulan.
Nagpadala ng mga alerto sa mga cellphone sa mga baybaying bayan upang magbabala tungkol sa mga alon na maaaring lumampas sa anim na metro (20 talampakan). Inaasahan din ang kabuuang pag-ulan na halos isang metro (3 talampakan) sa mga bulubunduking lugar sa hilaga, kabilang ang mga burol malapit sa kabisera na Taipei.
Inaasahang pinakamalapit sa Taiwan ang Champi sa gabi ng Biyernes, sa karagatan sa tapat ng hilagang-silangang baybayin nito, bago kumilos pahilaga patungo sa karagatang malapit sa Shanghai.
Ayon sa transport ministry ng Taiwan, 125 flight ang kinansela nitong Huwebes, karamihan ay mga domestic flight, bagama’t hindi pa naaapektuhan ang operasyon ng mga tren. Sinabi naman ng interior ministry na wala pang naiuulat na paglilikas ng mga residente.
Karaniwang mahusay ang paghahanda ng Taiwan sa mga bagyo, kaya nananatiling mababa ang bilang ng mga nasawi.
Inaasahang dadaan din ang bagyo sa Yonaguni, ang pinakakanlurang isla ng Japan na may permanenteng naninirahan, sa Okinawa Prefecture.
Sa Japan, kinansela ng malalaking airline na Japan Airlines, ANA at Skymark ang mahigit 100 flight, karamihan ay mga domestic flight, mula Huwebes hanggang Linggo. Dahil dito, maaantala ang biyahe ng mahigit 11,000 pasahero.

