Taipei mayor, sinalubong ng protesta sa Pride parade kasunod ng pagsalakay sa gay bar
Yimou Lee, Ben Blanchard; Isinalin ni Sandra Samala-Salem / Sari Story Network
November 1, 2026 at 4:34:04 AM
TAIPEI — Hinarap ni Taipei Mayor Chiang Wan-an, na kasalukuyang nasa mahigpit na karera para sa reelection, ang galit na pagtanggap ng mga dumalo nang sandali siyang magpakita sa taunang Pride parade sa Taiwan nitong Sabado. Nangyari ito kasunod ng pagsalakay ng mga pulis sa isang gay bar sa lungsod noong unang bahagi ng buwang ito.
Nagbunsod ng matinding reaksiyon sa Taiwan ang naturang operasyon. Noong 2019, naging kauna-unahang bansa sa Asya ang Taiwan na naglegalisa sa same-sex marriage at ipinagmamalaki nito ang reputasyon bilang isa sa mga nangungunang tagapagtanggol ng karapatan ng LGBTQ+ sa rehiyon, kung saan madalas na nasasailalim sa panggigipit ang mga miyembro ng komunidad.
Mahigit 170,000 katao ang lumahok sa parada nitong Sabado, na kinikilalang pinakamalaking Pride event sa Silangang Asya.
Dumating si Chiang, mula sa oposisyong Kuomintang party at dati nang nagpahayag ng suporta sa komunidad ng LGBTQ+, sa huling bahagi ng parada at nanatili lamang nang humigit-kumulang 15 minuto.
Sinalubong siya ng mga sigaw na "Huwag salakayin ang mga gay bar (don't raid gay bars)” at malalakas na panawagan ng suporta para sa kaniyang pangunahing katunggali na si Puma Shen ng naghaharing Democratic Progressive Party (DPP).
"Nauna ko nang sinabi ito: Humihingi ako ng paumanhin sa naging epekto nito sa mga naapektuhan (I already said this earlier: I apologise for the impact on those affected),” pahayag ni Chiang sa mga mamamahayag. "Kaya, magsasagawa kami ng masusing imbestigasyon tungkol dito at agad na magpapatupad ng kaukulang aksiyong pandisiplina (So on this matter, we will conduct a rigorous investigation and impose immediate discipline).”
Nagpaunlak siya ng mga litrato kasama ang ilang tagasuporta bago umalis. Pinalibutan siya ng mga mamamahayag at security personnel habang patuloy ang pagsigaw ng mga nagpoprotesta.
BINAGO ANG TEMA NG PRIDE PARADE MATAPOS ANG RAID
Inilarawan ni Alan Chang, 30, bilang "katawa-tawa at hindi kapani-paniwala" ang naganap na pagsalakay at sinabing hindi niya akalaing mangyayari ito.
"Ito ay isang bansa at lungsod na nagbibigay-diin sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, pero kukunsintihin ito ng aming alkalde (This is a country and a city that emphasises gender equality and our mayor would condone this)?, dagdag niya.
Nagpakita naman si Shen, na nangunguna kay Chiang sa ilang survey ng opinyon publiko, sa ibang bahagi ng pagtitipon kung saan mainit siyang sinalubong ng mga tao.
Pinangunahan ni Vice President Hsiao Bi-khim ang delegasyon ng DPP sa Pride parade. Samantala, sa kaniyang Facebook page, sinabi ni Pangulong Lai Ching-te na walang sinuman ang dapat matakot dahil lamang sa kung sino sila.
"Dapat ding makita ang paggalang na ito sa bawat paggamit ng kapangyarihan ng pamahalaan (This respect must also be reflected in every exercise of public authority),” dagdag ni Lai.
Binago ng mga organizer ng Pride parade ang tema ng kanilang pagdiriwang ngayong taon kasunod ng pagsalakay ng mga pulis.
Ayon sa kanila sa isang pahayag nitong linggo, muling nagbalik ang masakit na alaala ng mga komunidad na may magkakaibang seksuwal na oryentasyon at pagkakakilanlang pangkasarian dahil sa operasyon ng mga pulis, matapos silang matagal na dumanas ng pang-aapi mula sa mga awtoridad ng estado.
Sinalakay ng mga pulis sa Taipei ang Commander D bar sa Ximen, ang pangunahing lugar na kilala sa mga gay bar sa lungsod, nitong buwan. Dinala nila sa presinto ang 51 katao para sa pagtatanong at inaresto ang may-ari ng establisimyento.
Ilang indibidwal ang ikinulong nang mahigit anim na oras matapos silang akusahan ng pulisya ng paglabag sa batas na nagbabawal sa "sadyang pagpapakita ng hubad na katawan o pagpapakita ng malaswang tindig sa pampublikong lugar (wantonly exposing one's naked body or presenting a lascivious posture in a public place).”
Iniulat nina Yimou Lee at Ben Blanchard; inedit ni Susan Fenton/Reuters.

