Swiss glaciers, mabilis na lumiliit matapos ang record na init sa Europa
Reuters Cecile Mantovani Denis Balibouse; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
October 2, 2026 at 4:59:17 PM
Mabilis na lumiliit ang mga glacier sa Switzerland matapos maranasan ang isa sa pinakamalalang pagkawala ng yelo sa gitna ng rekord na heatwave sa Europa.
Mahigit limang porsyento ng yelo ng mga glacier sa Switzerland ang nawala ngayong 2026, ayon sa ulat ng Swiss Glacier Monitoring Network (GLAMOS) at Swiss Commission for Cryosphere Observation ng Swiss Academy of Sciences nitong Huwebes.
Ipinapakita ng ulat kung gaano kabilis ang pag-urong ng mga glacier habang nagiging mas madalas ang matinding pagkatunaw ng yelo. Sa nakalipas na limang taon, halos ikalimang bahagi ng yelo ng mga glacier sa Switzerland ang nawala.
Nagdudulot ito ng pangamba sa suplay ng tubig sa hinaharap at nagtataas ng mga tanong tungkol sa posibilidad na manatili ang mga glacier sa Europa sa pangmatagalan.
“Ngayon, nasa ganito na tayo sa isang bagong mundo, sa isang hinaharap kung saan unti-unting nauubos ang mga glacier (Now we are in this new world, in this future, where glaciers are just melting away),” ayon kay Matthias Huss, direktor ng GLAMOS.
Ayon kay Huss, kombinasyon ng kakaunting niyebe noong taglamig at rekord na init noong tag-araw ang nagdulot ng tinawag niyang “napakalaking” pagkatunaw ng yelo ngayong taon.
‘ISANG NAKABABAHALANG SITWASYON’
“Halos bawat taon na ngayon ay nakararanas tayo ng matitinding kondisyon at talagang nakababahala ang sitwasyong ito (We are seeing extreme years almost every year now and this is really a worrying situation),” ani Huss.
Gayunman, sinabi niyang hindi pa naaabot ng bilis ng pagkawala ng yelo ang rekord noong 2022, nang ang alikabok mula North Africa ay dumapo sa niyebe at nagpabilis sa pagkatunaw nito.
Ang Aletsch Glacier, ang pinakamalaking glacier sa Switzerland, ay nakaranas ngayong taon ng pinakamalaking pagkatunaw nito. Samantala, mahigit apat na metro o 13 talampakan ang ibinawas sa karaniwang kapal ng Glacier de Tsanfleuron.
Ayon kay Huss, hindi maisip ang ganitong pangyayari ilang taon lamang ang nakalipas.
Tinatayang nasa 2.2 trilyong litro ng tubig ang nawala mula sa mga glacier sa Switzerland mula Hulyo hanggang Setyembre lamang.
Katumbas ito ng mahigit apat na beses ng taunang konsumo ng inuming tubig ng mga kabahayan sa Switzerland.
Mayroon namang isang positibong epekto ang pagkatunaw ng yelo dahil nakatutulong ito na maibsan ang kakulangan sa tubig tuwing tag-araw.
Ngunit ayon kay Huss, habang patuloy na lumiliit ang mga lugar na nababalutan ng yelo at kumukunti ang laki ng mga glacier, unti-unti ring nababawasan ang benepisyong ito.
“Hindi naman tayo nagugulat dahil alam natin kung gaano kabilis natutunaw ang mga glacier. Pero kapag nakita mo ang mga bundok na wala nang niyebe at puro bato na lamang ang makikita, nakalulungkot (It's not that we're surprised because we know how fast the glaciers are melting, but to see the colours of the mountains where there is no snow left, there are just these rocks. It makes me sad),” ani Huss.

