Suspek na may dalang PHP204 milyong halaga ng shabu, arestado sa Las Piñas
Sari Story
September 21, 2026 at 2:42:09 AM
MANILA – Arestado ng Philippine National Police (PNP) ang isang high-value drug suspect at nasamsam ang nasa 30 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng PHP204 milyon sa isang buy-bust operation sa Las Piñas City nitong Sabado.
Ayon sa PNP sa isang pahayag nitong Linggo, ang 40-anyos na suspek na alyas “Girlie,” residente ng Lubao, Pampanga, ay naaresto sa BF International Village.
Nakuha mula sa suspek ang tinatayang 30 kilo ng shabu na may halagang PHP204 milyon.
Ang mga nakumpiskang droga at iba pang ebidensiya ay dadalhin sa Forensic Group ng Southern Police District sa Taguig City para sa laboratory examination at kaukulang pagproseso.
“Patuloy naming isusulong ang mga maagap at matatag na pagpapatupad ng batas laban sa mga kumikita sa ilegal na kalakalan ng droga (We will sustain decisive law enforcement efforts against those who profit from the illegal drug trade),” ayon sa PNP.
Samantala, pinaalalahanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga courier company at delivery rider na manatiling mapagbantay laban sa paggamit sa mga lehitimong serbisyo ng delivery sa pagdadala ng ilegal na droga at iba pang kontrabando.
Naglabas ng paalala si NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano matapos ireport ng dalawang motorcycle delivery rider sa Marikina City ang mga kahina-hinalang parcel na ipinadala sa kanila para ihatid.
Natuklasan ng pulisya na naglalaman ang mga ito ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng hindi bababa sa PHP150,000.
“Pinaaalalahanan namin ang lahat ng courier company at delivery personnel: Maging mapagbantay. Huwag ninyong hayaang magamit nang hindi ninyo nalalaman ang inyong lehitimong negosyo bilang kasangkapan ng mga sindikato sa krimen sa pagdadala ng ilegal na droga o iba pang kontrabando (We are reminding all courier companies and delivery personnel: Be vigilant. Do not allow your legitimate business to be unknowingly used as a tool by criminal syndicates in transporting illegal drugs or other contraband),” ani Abrahano.
Sinabi niya na dapat sanayin ng mga courier at delivery company ang kanilang mga tauhan upang matukoy ang mga kahina-hinalang transaksiyon.

