Super Typhoon Rosal, magdadala ng malakas na ulan at hangin sa Northern Luzon
Cristina Arayata/Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network
October 21, 2026 at 10:57:41 AM
MANILA — Inaasahang makararanas ng malakas na pag-ulan at hangin ang ilang lugar sa Northern Luzon habang papalapit ang Super Typhoon Rosal (international name: Champi), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Miyerkules.
Taglay ni Rosal ang maximum sustained winds na 215 kilometro kada oras malapit sa sentro nito at pagbugsong aabot sa 265 kilometro kada oras, ayon sa PAGASA.
Huling namataan ang bagyo sa layong 990 kilometro silangan ng Northern Luzon, habang kumikilos pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Inaasahang makararanas ng malakas na pag-ulan ang Ilocos Norte, Apayao at Cagayan.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Babuyan Islands, hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud), hilaga at silangang bahagi ng mainland Cagayan, hilagang-silangang bahagi ng Isabela, at Catanduanes.
Kabilang sa mga apektadong lugar sa Cagayan ang Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Santa Teresita, Camalaniugan, Aparri, Buguey, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Santa Praxedes, Claveria, Sanchez-Mira, Pamplona, Ballesteros, Abulug at Allacapan.
Sa Isabela, kabilang sa mga apektadong lugar ang Maconacon, Divilacan at Palanan. Sa Catanduanes naman, kabilang ang Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga at Gigmoto.
Inaasahang magdudulot ang panlabas na sirkulasyon ni Rosal at ang hanging amihan ng malalakas hanggang mala-bagyong pagbugso ng hangin sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Bicol Region, Romblon, Eastern Visayas, Siquijor, Bohol, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region at Sarangani.
Nag isyu rin ang PAGASA ng gale warning para sa hilaga at silangang baybayin ng Luzon at silangang baybayin ng Visayas.
Paliwanag sa ahensya, posibleng magsimulang humina si Rosal ngayong Miyerkules habang kumikilos sa Philippine Sea. Inaasahang hihina ito at magiging bagyo sa Huwebes.

